Typhon missile ng US, ipinuslit sa ibang lokasyon sa Pilipinas
Para sa Bagong Alyansang Makabayan, patunay ang pagpuslit ng sandata na ipinapagamit ng administrasyong Marcos Jr. ang Pilipinas bilang ekstensiyon ng militar ng United States.

Nanawagan ang Bagong Alyansang Makabayan (Bayan) na alisin na sa Pilipinas ang Mid-Range Capability (MRC) Typhon missile system at iba pang mapaminsalang armas ng United States (US) na maaaring targetin ng mga bansang kaaway nito.
Patagong inilipat sa ‘di tukoy na lokasyon sa Luzon ang Typhon missile system ng US nitong Enero mula sa Laoag Airport sa Ilocos Norte kung saan una itong ipinosisyon pagkatapos ng Balikatan Exercises noong Abril 2024. Hindi kabilang ang naturang airport sa siyam na naunang napagkasunduang Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA) sites sa bansa.
Ayon sa Bayan, nakapipinsala at banta sa seguridad at kabutihan ng lokal na populasyon ang pagpuslit ng sandata ng US sa Pilipinas.
“Maaaring targetin ang mga EDCA site at bagong lokasyon ng Typhon missile [system] ng mga dayuhang puwersang militar na gustong subukin ang kakayahang pandepensa ng US,” sabi ng Bayan.
Maaari rin anila itong gamitin ng US para salakayin ang iba pang bansa sa rehiyon ng Asya-Pasipiko.
Kayang magpalipad ng naturang missile system ng mga tomahawk cruise missile nang libo-libong kilometro at tamaan ang mga target sa China at Russia mula sa Pilipinas. Kaya rin nitong magpalipad ng SM-6 missile hanggang 200 kilometro.
Sabi ni Armed Forces of the Philippines (AFP) spokesperson Col. Francel Margareth Padilla, idineploy sa bansa ang Typhon missile para palakasin ang kahandaang militar ng Pilipinas at paunlarin ang kakayanan nitong humawak ng abanteng sandata.
Para sa Bayan, patunay ang pagpuslit ng sandata na ipinapagamit ng administrasyong Marcos Jr. ang Pilipinas bilang ekstensiyon ng militar ng US.
“Inilantad nitong ang tinawag na ‘Luzon Corridor’ na inilunsad noong 2024 ay dinisenyo para payagan ang pagpapalawak ng pasilidad militar ng US at ang pag-iimbak nito ng mga sandata sa pinakamalaking isla ng bansa,” sabi ng Bayan.
Sinabi naman ni Chinese Foreign Ministry spokesperson Mao Ning na dapat alisin ang Typhon missile system sa Piliipinas, gaya ng nauna na aniyang ipinangako ng gobyerno ng Pilipinas, dahil lumilikha ito ng tensiyon.
Sa ulat ng Reuters, nilinaw ng Indo-Pacific Command (Indopacom) ng US Armed Forces na ang paglipat ng posisyon ng naturang sandata ay hindi pahiwatig ng permanteng pananatili nito sa Pilipinas.
Noong Disyembre 2024, inanunsiyo ng Philippine Army na plano nitong bumili ng MRC missile launcher mula sa US.
Taong 2022, nakabili ang Pilipinas ng BrahMos Missile Launcher mula sa India na kasalukuyang nakaposisyon sa iba’t ibang bahagi ng Kanluran at Hilagang Luzon. Kaya nitong tamaan ang mga target hanggang sa layong 300 kilometro.
Nangangamba naman ang Bayan sa agresibong pang-uupat ng US sa mga kalaban nitong China at Russia sa ilalim ng bagong upong administrasyon ni US President Donald Trump.
“Hindi tayo makapapayag na gamitin ng isang hibang na gaya ni Trump ang mga Typhon missile para pagbantaan ang ibang bansa at gawing proxy battleground ang Luzon,” sabi ng Bayan.
Nanawagan din ang grupo sa mamamayan na magprotesta laban sa pagpuslit ng lahat ng uri ng sandata ng US sa Pilipinas at pagbasura ng EDCA at iba pang kasunduang militar ng US at Pilipinas.
“Nananawagan kami para sa isang nagsasariling patakarang panlabas para igiit ang ating pag-angkin [sa West Philippine Sea] at para depensahan ang ating teritoryo,” pahayag ng Bayan.