Mga sundalong protektor ng pagwasak sa kalikasan, inupakan ng NPA sa Antipolo
Kabilang ang proyektong Wawa-Violago Dam na nakaapekto sa pamumuhay at kabuhayan ng mga residente sa mga barangay ng San Jose, Calawis at Apia sa naturang lungsod sa lalawigan ng Rizal.

Napatay ang isang kawal ng 80th Infantry Battalion Philippine Army (IBPA) sa isinagawang taktikal na opensiba ng New People’s Army (NPA) hapon ng Peb. 17 sa Sitio Tayabasan, Brgy. San Jose, Antipolo City.
Sa isang panayam ng DWDD AFP Radio, sinabi ni 202nd Infantry Brigade Commander, Brig. Gen. Ronald Jess Alcudia na naunang nakasagupa ng 80th IBPA ang yunit ng NPA sa katabing Sitio San Ysiro noong Peb. 16. Dalawang sundalo ang inulat niyang sugatan sa aniya’y magkasunod na engkuwentro.
Ayon sa Narciso Antazo Aramil Command (NPA-Rizal), sinalakay nila ang nag-ooperasyong tropa ng 80th IBPA bilang pagpapamalas ng opensibang postura ng NPA laban sa pwersa ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na nandarahas sa mamamayan ng Rizal at nagsisilbing protektor ng mga proyektong mapangwasak sa kalikasan.
“Ang mga nagpapatuloy na operasyon ng [80th IBPA] sa Rizal ay para sa pagpapanatili ng seguridad ng mga anti-mamamayang proyekto na magpapalayas sa mga magsasaka at katutubo sa Antipolo City at ibang bayan ng Rizal,” sabi ni Macario Liwanag, tagapagsalita ng NPA-Rizal.
Kabilang sa tinukoy niya ang proyektong Wawa-Violago Dam na aniya’y nakaapekto sa pamumuhay at kabuhayan ng mga residente sa mga barangay ng San Jose, Calawis at Apia sa naturang lungsod.
“Dahil din sa kemikal na ginagamit sa treatment facility ng dam, bumaho noong nakaraang taon ang tubig at nalason ang maraming isda at patuloy na sinisira ng proyekto ang kalikasan,” ani Liwanag.
Pinuri naman ng Communist Party of the Philippines (CPP) ang matagumpay na opensiba ng NPA-Rizal na tinawag nitong “mapangahas na aksiyon” para tugunan ang panawagan ng mamamayan na itigil ang mga proyektong mapangwasak sa kalikasan.
Ayon pa sa CPP, “notoryus” ang 80th IBPA sa paglabag sa karapatang pantao ng mga magsasaka at katutubo sa Rizal na lumalaban sa pagtatayo ng Wawa-Violago Dam. Nagbibigay din anila ito ng armadong proteksiyon sa mga operasyon ng pagmimina at quarrying na labis na nakasira sa kalikasan.
“Nagresulta ang mga operasyong ito ng mga mapanirang pagbaha at landslide na nakaapekto hindi lang sa lokal na komunidad kundi maging sa mga katabing bayan ng Rizal, pati na rin sa mga mababang lugar sa Metro Manila,” sabi ng CPP.
Nauna nang itinuro ang 80th IBPA na nasa likod ng pagpatay sa anim na aktibista at katutubo sa Rizal sa tinaguriang na “Bloody Sunday Massacre” noong Marso 2021.
Naitala naman ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas ang hindi bababa sa 20 kaso ng paglabag ng 80th IBPA sa karapatang pantao ng mga magsasaka sa San Jose del Monte City, Bulacan sa loob lang ng isang araw noong Agosto 2024.
Pinasinungalingan din ng naturang opensiba ng NPA ang mga pahayag ng administrasyong Marcos Jr. na “insurgency free” na ang Pilipinas, ayon sa CPP.
Determinado naman ang NPA na biguin ang tumitinding focused-military operations ng AFP sa lalawigan ng Rizal.
“Ang mga nagpapatuloy at papabigat na suliranin ng mga Rizaleño ang nananatiling matabang lupa para sa pagpapatatag ng partido at hukbong bayan sa Rizal,” ani Liwanag.