Duterte, kalaboso sa ICC
Nakakulong na si dating Pangulong Rodrigo Duterte sa International Criminal Court Detention Centre sa The Netherlands. Sinimulan na rin ang proseso ng pagdinig sa kaso niyang mga krimen laban sa sangkatauhan. Patuloy naman ang pagkilos ng mamamayan para tuluyan siyang panagutin.

“Sa munting liwanag na naibigay ngayong araw, alam ko pong bawat isa sa atin nagkaroon ng pag-asa, ng ligaya at nakita natin ‘yong liwanag na ‘to,” sabi ni Krizzhia delos Santos, kapatid ni Kian delos Santos, 17 taong gulang na estudyanteng pinatay ng mga pulis sa Caloocan City noong 2017 sa gitna ng madugong giyera kontra droga ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Isa ang pamilya delos Santos sa libo-libong pamilya na higit malalapit sa hustisya matapos ang makasaysayang pagkakahuli at pagdetine kay Duterte.
Nakakulong na si Duterte sa detention center ng International Criminal Court (ICC) sa The Hague, The Netherlands, at nakatakdang litisin para sa mga krimen laban sa sangkatauhan o crimes against humanity of murder, torture and rape.
Sinimulan ang proseso sa kaso ni Duterte sa paunang pagdinig ng Pre-Trial Chamber I ng ICC noong Mar. 14. Kinumpirma ni Presiding Judge Iulia Motoc ang pagkakakilanlan ng suspek at tiniyak na malinaw na nauunawaan ng dating pangulo ang kanyang kaso at mga karapatan.
May 43 na kaso ng pagpatay mula noong 2011 hanggang 2019 ang nilista ng ICC Office of the Prosecutor sa application for arrest para kay Duterte na itinuturing na “indirect co-perpetrator” o hindi direktang salarin. May mga detalyeng hindi pa isinasapubliko sa aplikasyon tulad ng iba pang nilistang salarin.
“Si Duterte ang pinakaresponsable sa mga krimeng nilista sa aplikasyong ito. Siya ang mastermind sa mga balangkas at pagpapalawak ng pagtupad sa planong tugisin ang mga pinaghihinalaang kriminal,” sabi sa aplikasyong ipinasa ng prosekusyon noong Peb. 10. “Siya ang nagbigay-buhay sa plano at tumutok sa pagpapatupad nito sa Davao City, tapos sa buong bansa.”
Ayon kay Neri Colmenares, abogado ng mga kaanak ng mga biktima, nababanggit sa warrant ang panunungkulan ni Duterte bilang alkalde ng Davao City dahil sakop ito sa panahon na miyembro pa ang Pilipinas ng ICC mula 2011 hanggang 2019, kung kailan naging epektibo ang hakbang administrasyong Duterte na kumalas ang bansa sa ICC.
“Anumang imbestigasyon na nasimulan na, itutuloy ng ICC,” sabi ni Colmenares sa panayam niya sa Bulatlat. Aniya, malinaw sa mga dokumento na bago ang pag-alis ng bansa sa ICC, naunang nagsampa ng kaso ang abogadong si Jude Sabio patungkol sa Davao Death Squad noong 2017 at ang Rise Up for Life and for Rights (Rise Up) na binubuo ng mga pamilya ng mga biktima ng pamamaslang noon namang 2018 .
Pinili ang 43 na kaso para sa aplikasyon ng warrant, pero hindi ibig sabihin nito na ito lang ang mga kaso ng pagpatay mula 2011 hanggang 2019. Kinikilala mismo ng ICC na “malawakan at sistematiko” ang mga atake na umabot sa libo-libo.
Sa pagtatapos ng kanyang administrasyon, nakapagtala ang mga tanggol-karapatan sa loob at labas ng Pilipinas ng pagpatay ng higit 30,000 katao sa giyera kontra droga na binansagan na ring “giyera laban sa mahihirap.”
Bago lumapag sa The Hague, sinabi ni Duterte sa isang video message noong Mar. 12 na inaako niya ang pananagutan sa mga pagpatay.
Ngunit hindi humarap nang personal sa hukuman si Duterte na pinayagang dumalo sa pamamagitan ng video link mula sa kulungan na may 1.5 kilometrong layo mula sa punong-himpilan ng ICC, literal na isang kanto lang.
Tinawag namang “kidnapping” ni dating Executive Secretary Salvador Medialdea, abogado ni Duterte sa paunang pagdinig, ang pag-aresto sa dating pangulo na aniya’y dinukot at sapilitang dinala sa The Hague. Hindi rin aniya makakalahok nang maayos si Duterte sa mga pagdinig dahil sa mga iniinda nitong sakit.
Pero ani Motoc, kinumpirma ng doktor sa kulungan na nasa maayos na pag-iisip at malusog na pangangatawan si Duterte. Alam at nauunawaan din ng dating pangulo ang kanyang mga karapatan at kaso, at ang inihaing warrant of arrest ng korte.
Ayon sa hukom, maaari namang ihapag ni Duterte ang mga usapin sa pag-aresto sa mga susunod na pagdinig. Itinakda ng Pre-Trial Chamber I ang susunod na pagdinig para sa pagkumpirma sa mga kaso laban sa dating pangulo sa Set. 23, 2025.
“Ito ‘yong pinakahihintay namin sa loob ng walong taon,” sabi ni Llore Pasco nang mapanood ang unang pagharap ni Duterte sa ICC. Dalawang anak niya ang pinatay ng mga pulis sa Quezon City noong Mayo 12, 2017.
Kapangyarihan ng ICC
“Dati nagtatago lang kami, kasi takot kami. Pero ang gobyerno kasi, kapag tahimik ka lang, lalong mang-aabuso yan,” sabi ni Pasco sa panayam sa Pinoy Weekly noong Marso 2022.
Tatlong taon na ang lumipas, patuloy pa ring nananawagan si Pasco sa iba pang mga nanay. Aniya, naiintindihan naman niya ang pangamba at takot dahil totoo ang banta sa kaligtasan ng mga pamilya.
“Katakot-takot na bullying at pagbabanta ang natatanggap ngayon ng mga nanay na naglakas loob humarap sa publiko,” ayon kay Maria Kristina Conti, Assistant to Counsel ng ICC at secretary general ng National Union of Peoples’ Lawyers (NUPL)-National Capital Region.
Dagdag niya, patunay lang ito na kailangan talagang hawakan ng ICC ang kaso at manatili sa The Hague si Duterte para “mas magiging patas, mapayapa at mahinahon” ang paglilitis.
Inaresto si Duterte ng Philippine National Police (PNP) sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) noong Mar. 11 pagbalik mula Hong Kong at inilipad sa The Hague para isuko sa kustodiya ng ICC. Bilang ng miyembro International Criminal Police Organization (Interpol), tungkulin ng PNP na tumugon sa warrant of arrest mula sa ICC.
“Siguro inisip ng prosecutor na kapag na-file [na ang kaso], baka mahirap na hanapin [si Duterte], lalo na’t wala namang kaso si Duterte sa Pilipinas sa ngayon e 2016 pa ang patayan hanggang ngayon, wala pang kaso sa Pilipinas,” paliwanag ni Colmenares.
Si Duterte pa lang ang napangalanan sa reklamo, pero hindi malayong sunod nang arestuhin sina Sen. Ronald “Bato” Dela Rosa at dating PNP Chief Oscar Albayalde na itinuturong tagapagpatupad ng malawakang pagpatay ayon kay Conti.
Habang inaaresto si Duterte, dumalo naman sa misa sa Sacred Heart Parish sa Kamuning, Quezon City ang mga naulila ng mga biktima ng mga extrajudicial killing (EJK). Nagbibigay anila ito ng pag-asa sa kanila na makamit ang hustisya.
Ilang oras bago ilipad ang arestadong si Duterte, nagtipon din ang mga pamilya ng EJK victims at mga human rights groups sa Welcome Rotonda sa Quezon City.
Para sa Rise Up at NUPL, ang pagdinig ng ICC ay pagpapakita kung paano ang tamang proseso ng pag-aresto at pagkulong sa mga suspek, prosesong ipinagkait sa mga biktima ng giyera kontra droga.
“Sino’ng makakapagsabi na kaming mga dukha, kaming mahihirap, ay makakapagpaaresto ng isang makapangyarihan at abusadong tao. Mabuti nga siya inaresto, ‘yong pamilya namin, pinatay na lang,” sabi ni Jane Lee, asawa ni Michael Lee na biktima ng EJK ni Duterte.
Sunod na mga hakbang
Mananatili sa Scheveningen Prison sa The Hague si Duterte, ang unang lider ng bansa sa Asya na inaresto ng ICC, hanggang sa susunod niyang pagdinig sa Setyembre.
Maaari siyang humirit ng interim release o pansamantalang kalayaan bago ang paglilitis, pero malabo itong payagan ayon sa mga abogado. Bihira anila itong igawad ng ICC at hindi rin sapat ang dahilan para pansamantala siyang mapalaya.
“Tandaan natin si Duterte ay flight risk. Tumatakbo ngang mayor ‘yan e. ‘Pag umuwi ‘yan ng Pilipinas baka hindi na bumalik sa ICC,” sabi ni Conti sa Teleradyo Serbisyo.
Iniiwasan din ng ICC ang posibildad na makialam siya sa imbestigasyon at ulitin ang krimen.
“Si Duterte ay may kapangyarihan. Mayroon siyang puwedeng utusan na patayin, takutin ang witnesses, ubusin ang ebidensiya o iwala ang ebidensiya,” aniya.
Hindi rin batayan sa pansamantalang kalayaan ang edad o lagay ng kalusugan ng isang suspek o akusado sa ICC ayon sa abogadong si Joel Butuyan. Karamihan aniya ng mga kasama ni Duterte sa kulungan ay may edad na. Ipapagamot din ng ICC ang dating pangulo kung magkakasakit.
Dagdag ni Conti, hindi naglilitis ang korte nang wala ang akusado para matiyak na nauunawaan nito ang takbo ng kaso.
Kinuha na ng kampo ni Duterte bilang punong abogado ang British-Israeli na si Nicholas Kaufman na kilala sa pagkuwestiyon sa mga proseso ng korte. Kasama rin sa kanyang legal team si Medialdea at si dating presidential spokesperson Harry Roque, na may kaso namang contempt sa Kamara.
Sa pagdinig sa Setyembre, ihahapag ni ICC Prosecutor Karim Khan ang mga kasong isinampa laban kay Duterte. Hinikayat niya rin ang iba pang gustong makipagtulungan o magbigay ng impormasyon sa ICC na makipag-ugnayan sa kanilang tanggapan.
“Maraming nagsasabing ang pandaigdigang batas ay hindi kasinglakas ng inaasahan. Sang-ayon ako doon. Pero ang batas ay hindi rin kasinghina ng inaakala ng ilan,” sabi ni Khan.
Tiwala naman ang mga tanggol-karapatan na matibay ang mga ebidensiya ng prosekusyon.
“Matibay ang mga nakadokumento, biswal at testimoniyal na ebidensya laban kay Duterte. Mahirap itong kontrahin,” sabi ng abogado, eksperto sa batas at tanggol-karapatan na si Antonio La Viña.
Bukod sa mga pagpatay sa giyera kontra droga, dapat ding managot si Duterte sa mga pagpatay sa mga aktibista at kritiko ng kanyang administrasyon at sa malawakang korupsiyon na naganap lalo na noong panahong ng pandemiyang Covid-19 ayon sa human rights watchdog na Karapatan.
“Ang kanyang giyera kontra droga at kontra-insurhensiya ay kontra-mahirap at batbat ng karumal-dumal na paglabag sa [mga] karapatang pantao at pandaigdigang makataong batas,” ani Karapatan deputy secretary general Maria Sol Taule.
Para kay International Coalition for Human Rights in the Philippines chairperson Peter Murphy, ang pag-aresto kay Duterte ay babala rin sa mga lider ng mundo na lumalabag sa mga karapatang pantao.
“May hangganan ang kawalang pananagutan. Laging may posibilidad na kikilos ang pandaigdigang komunidad laban sa mga pinuno na yumuyurak sa mga karapatang pantao at pandaigdigang makataong batas,” aniya sa wikang Ingles.
Tinatayang aabot pa ng lima hanggang 10 taon ang paglilitis sa ICC. Kaya para sa mga naulila ng mga biktima ni Duterte, patuloy ang kanilang paglaban para makamit ang katarungan.
“Sa kapwa ko biktima, malayo pa. Pero umaabante na. ‘Yon naman ‘yong mahalaga e, ‘yong humahakbang tayo paunti-unti. Pero ‘yong isang hakbang mula sa pagkapilay, sa pagkadapa ay isang mahalaga na pong pagtindig. Ito po ay maaaring umpisa sa napakahaba pa nating laban,” sabi ni Krizzhia.
Paalala
Sa kasagsagan ng paghuli at pagdetine kay Duterte, muling inilabas ng midya ang mga larawan at kuwento ng mga biktima ng pamamaslang. Mula sa arkibo ng Pinoy Weekly, mababasa ang “Salitang nakamamatay” na unang inilathala noong 2017.
Kasabay nito ang sunod-sunod at malawakang paglabas ng pekeng impormasyon ukol kay Duterte at sa kaso. Makailang ulit nang naglabas ng ulat ang Vera Files, independent media group na kilala sa fact-checking, ukol sa trending na mga pekeng bidyo at larawan.
Kasama na dito ang sumikat na bidyo ng mga nagproprotesta sa Serbia, isang bansa sa Central Europe, na pinagmukhang protesta sa The Netherlands para kay Duterte. O ang bidyo ng mga fans sa Argentina na nagdiriwang noong 2022 dahil sa pagkapanalo sa FIFA World Cup na binansagang People Power sa Recto para kay Duterte. Lumagpas na sa kalahating milyon ang views ng pekeng bidyo sa Facebook.
“Ngayon, ang parehong makinarya sa disimpormasyon na nagpalala sa malawakang patayan ay ginagamit para yurakan ang kredibilidad ng pag-aresto at pagmukhaing biktima si Duterte,” sabi ng Movement Against Disinformation sa isang pahayag noong Mar. 13.
Anila, “Hindi lang ito laban para sa pananagutan—laban ito para sa katotohanan.” /May ulat mula kina Charles Edmon Perez at Deo Montesclaros