Karapatan, iba pa, pinabulaanan ang ‘tagumpay’ ng NTF-Elcac
Binatikos ng human rights watchdog na Karapatan at iba pang grupo ang pagmamatigas ng administrasyong Ferdinand Marcos Jr. na buwagin na ang task force na kilala sa red-tagging at paglabag sa mga karapatang pantao.

“Ang tinutukoy ba na report ay ang 119 extrajudicial killings, 76 na tangkang pagpatay, 14 enforced disappearances [o pagdukot], 762 bilanggong politikal at 3,706,431 kaso ng pagbabanta at pananakot, lahat bago matapos ang 2024?” tugon ni Karapatan secretary general Cristina Palabay sa sinabi ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na hindi nito kailanman bubuwagin ang National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-Elcac) dahil nakita ng pangulo “ang mga report.”
Nang walang ibinibigay na malinaw na datos, inanunsiyo ng pangulo sa tulong ni NTF-Elcac spokesperson Jonathan Malaya na hindi didinggin ng gobyernong Marcos Jr. ang panawagan ni Gabriela Women’s Party Rep. Arlene Brosas na buwagin ang task force.
Matapos ipadala si dating Pangulong Rodrigo Duterte sa The Hague, The Netherlands, para mapanagot sa kanyang mga krimen, sinabi ni Brosas na “ngayon ang perpektong pagkakataon para patunayan ni Pangulong Marcos Jr. na tunay siyang kasangga ng karapatang pantao” sa bisa ng pagbuwag sa instrumentong binuo ng administrasyong Duterte para yurakan ang maraming karapatan.
Bukod sa panawagan ni Brosas at ng Gabriela Women’s Party, matagal nang itinatambol ng iba pang tanggol-karapatan ang pagbuwag sa task force na binuo noong 2018 sa bisa ng Executive Order No. 70 ni Duterte.
Dalawang United Nations (UN) special rapporteur na ang nag-udyok sa gobyerno na buwagin ang task force. Nagagamit ang task force para sa “red-tagging ng mga tao mula sa mga komunidad at mga indigenous people,” sabi noong 2023 ni Ian Fry, eksperto sa usaping pangkalikasan.
Nitong 2024, sinabi naman ni Irene Khan, eksperto sa karapatan sa malayang pagpapahayag, na malinaw na “gumagamit ang estado ng red-tagging at terror-tagging bilang bahagi ng estratehiya kontra-insurhensiya.”
“Nananatili ang suporta ni Pangulong Marcos Jr. sa pagpapalaganap ang mapanganib na naratibo laban sa mga social at development worker, at mga human rights defender,” sabi noong 2024 ng namayapang Amnesty International Philippines section director Butch Olano, matapos patuloy pondohan ng administrasyon ni Marcos Jr. ang task force.
Ngayon, sunod-sunod ang mga ulat ng paggamit ng NTF-Elcac sa kapangyarihan nito sa panahon ng eleksiyon laban sa mga grupong kritikal sa administrasyon.
Ayon kay Kilusang Magbubukid ng Pilipinas secretary general Ronnie Manalo, “dapat ang pinopondohan ng gobyerno ang seguridad sa pagkain at pagpapalago ng agrikultura, hindi ang militarisasyon at mga atake sa karapatang pantao.”