Paglaban at paghilom sa gitna ng atake
Sa harap ng tumitinding pambu-bully at harassment, patuloy na lumalaban ang mga naulila sa giyera kontra droga ni Rodrigo Duterte para sa katarungan at paghilom.

Tumanggi si Josh na gamitin ang tunay niyang pangalan sa panayam ng Pinoy Weekly. Nangangamba siyang putaktihin ng “trolls” sa social media gaya ng nararanasan ngayon ng mga kapwa niya naulila dahil sa mga extrajudicial killing (EJK) sa giyera kontra droga ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
“Marami kasing trolls at bashers. Ayoko naman masama sa pupuksain nila. Baka makaapekto sa akin,” aniya.
Masakit kapag nababasa niya ang mga papuri sa dating pangulo at ang masasamang sinasabi tungkol sa mga biktima ng EJK. Natatakpan din aniya ng mga kumakalat na kasinungalingan ang totoong mga kasalanan ni Duterte.
“Pinakanaasar ako sa mga comment na ‘yong mga pinatay na mga adik, nang-rape na walang due process, ganyan-ganyan. Lahat ba ng pinatay nang-rape? Masakit ‘yon sa ‘kin. Parang nilagyan na nila ng title na gano’n ang tatay [ko], na deserve niyang mamatay,” sabi ni Josh.
Isa ang tatay niya sa mga unang pinatay sa mga “operasyon kontra droga” ng Philippine National Police (PNP) sa ilalim ni Duterte.
Kuwento ni Josh, nakatulog siya sa sofa ng bahay nila sa Navotas City isang araw noong Agosto 2016. Inumaga siya noon ng uwi galing sa bertdey ng kaibigan. Hapon na nang magising siya sa sipa ng isang lalaking naka-face mask.
“‘Yong tatay ko, nakaupo sa mesa, may mga pagkain. Kumakain pala sila noon ni Mama. Paglabas ko sa may malaking bintana sa tindahan namin, binaril na siya,” aniya.
Sigurado si Josh na pulis ang pumatay sa tatay niya. May kasama aniya itong mga nakauniporme at naroon din ang lalaking naka-face mask sa mga pulis na nag-imbestiga.
“Sinabi nanlaban, e kitang-kita ko kumakain papa ko, nakaupo sa mesa,” ani Josh.
Dati nang nakulong sa pagtutulak ng ilegal na droga ang tatay niya. Pero tumigil na aniya ito nang maupo si Duterte at nagtrabaho na sa isang vulcanizing shop.
“[Mayroon] ding nadamay no’ng araw na ‘yon, lalaking may [tuberculosis], tapos maraming tattoo. Pinagkamalan siyang adik, pinagbabaril sa mukha,” kuwento niya.
Hindi nagsampa ng kaso ang pamilya nila Josh dahil sa takot. Tumanggi rin sila dati na tumestigo sa korte o magpainterbyu sa media. Pinapatay din kasi aniya noon ang mga lumulutang na testigo laban sa mga pulis.
“Lumipat kami ng bahay kasi araw-araw may pumupunta doon na naka-mask, nakakatakot,” aniya.
Abril 2017, pinatay din ang isang kuya ni Josh.

Umiiwas na lang siya ngayon sa mga post o balita sa social media, mabuti man o masama, tungkol kay Duterte. Ayaw niya nang magbasa o sumagot pa sa mga comment ng mga troll.
“Ang mahalaga sa akin nahuli na siya. Sana tuloy-tuloy. Dedma ako sa mga comment n’yo basta malapit na kami manalo,” sabi ni Josh.
Hindi mapapatahimik
Mula nang arestuhin at dalhin si Duterte sa International Criminal Court (ICC) noong Mar. 11, tumindi ang atakeng online sa mga pamilya mga EJK victim. Kabilang dito ang pagbabanta, pang-aalimura, pambu-bully at pagpapakalat ng mga pekeng retrato at kuwento sa social media.
Nitong Abril 4, nagpunta sa National Bureau of Investigation (NBI) ang National Union of People’s Lawyers (NUPL), kasama ang mga pamilya ng mga EJK victim, para pormal na paimbestigahan ang “koordinadong kampanya” ng online harassment ng mga tagasuporta ni Duterte na may layuning siraan ang mga biktima at ang kanilang paghahanap ng katarungan.
Pinabubusisi rin nila sa Cybercrime Division ng NBI ang mga social media account na nagpapakalat ng disimpormasyon at nagbabanta laban sa mga pamilya ng mga EJK victim. Para sa NUPL, dapat seryosohin ang mga banta laban sa buhay at kaligtasan ng mga biktima.

“Mayroong ibang content na [nagsasabing] ‘Mag-ingat ka! Hindi ka na sisikatan ng araw.’ Sa panahon ngayon at sa konteksto ng sitwasyon, hindi dapat ‘yan isantabi o balewalain. Ang iisipin nila, kapag nawala ang biktima, mawawala rin ang kaso ni Duterte,” ani NUPL National Capital Region secretary general at ICC Assistant to Counsel Maria Kristina Conti.
Kinuyog ng mga galit na private message at comment sa Facebook si Sheerah Escudero matapos niyang sabihing handa siyang tumestigo laban kay Duterte sa ICC sa isang panayam sa radyo.
Tinawag siyang bayaran, adik at tagapagtanggol ng mga adik. May mga kumalat ding pekeng retrato niya para palabasin siyang sinungaling at gawa-gawa lang ang paghahanap ng katarungan.
“Ang panawagan lang namin ay hustisya. Pero ang ginagawa nila, pambabaliktad sa amin,” sabi ni Sheerah.

Pinatay ng “riding-in-tandem” ang 18 taong gulang niyang kapatid na si Ephraim sa Pampanga noong Setyembre 2017.
Mula noon, aktibo na siyang nagsasalita laban sa giyera kontra droga at para sa karapatang pantao bilang kasapi ng Rise Up for Life and for Rights (Rise Up), samahan ng mga pamilya ng mga EJK victim.
“Si Nanay Sheila, dalawang anak niya ang namatay. Matagal na namin siyang nakakasama. Imbis na awa [at] pakikiramay, ang natanggap ni Nanay Shiela, puro pambabatikos. Kinuwestiyon pati ang pagiging ina,” ani Sheerah.
Nauna nang kinondena ng Rise Up ang ipinakalat na disimpormasyon at pambu-bully kay “Aling Shiela.” Paglilinaw ng grupo, pinatay ang anak niyang si Rico sa ilalim ni Duterte noong 2020 at si Ryan naman noong 2024 sa nagpapatuloy na EJK sa administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Nitong Mar. 31, umabot na sa 952 ang naiulat na drug-related na pagpatay mula nang maupo si Marcos Jr. ayon sa huling tala ng Project Dahas ng Third World Studies Center ng University of the Philippines. Kapansin-pansin itong pagkakapareho ng dalawang administrasyon, kahit pa hindi mapagbanta si Marcos Jr. tulad ni Duterte.
Ngayon, ang konsepto ng due process at karapatang pantao na pinagtatawanan noon ni Duterte ang siyang ginagamit niyang panangga. Para sa NUPL, pinalalabas ng kampo ng dating pangulo na panunupil sa kanya ang mga legal nilang hakbang, kasabay ng pag-target sa mga biktima para makalusot si Duterte sa pananagutan.
“Hindi kami mapapatahimik. Patuloy kaming lalaban gamit ang katotohanan at may suporta ng lumalawak na kilusan para sa katarungan,” sabi ng NUPL.
Inaasahang dadami pa ang mga biktima ng EJK na lalantad at makikipagtulungan sa ICC. Naglabas na kasi ang Korte ng detalye sa pag-apply para sa partisipasyon ng mga biktima sa mga pagdinig laban kay Duterte noong Abril 3.
Paghilom
Sa huling ulat, patuloy na mananatili si Duterte sa The Netherlands, malayo sa libo-libong biktima ng kanyang mga patakaran.
“May pinatay siya sa amin pero ako, ayoko siyang mamatay. Parang hindi ako masa-satisfy. Kailangan maranasan niya ‘yong pagdurusa sa kulungan na malayo sa pamilya niya,” sabi ni Josh.
Anim silang magkakapatid. Mula nang mamatay ang tatay at kuya niya, nagkahiwalay na rin sila. Lumipat na sa Bulacan ang nanay niya. Ang iba niyang kapatid, nasa kani-kanila nang nabuong pamilya.
Sa Navotas City pa rin umuuwi si Josh, pero hindi na sa dati nilang bahay.
“Siguro kung buhay sila [papa at kuya], kumpleto kami sa bahay. ‘Yong bahay namin, iniwan na namin kasi doon nangyari lahat. Tapos binabalik-balikan pa rin ng mga pulis. Parang sinira niya lang ‘yong pamilya namin,” aniya.
Halos isang dekada matapos ang mga pagpatay, namumugto pa rin ang mata ni Josh habang nagkukuwento. Higit isang buwan nakaburol ang tatay niya bago nailibing dahil hindi sapat ang mga abuloy para sa libing at kabaong. Nabaon sila sa utang. Wala pa rin aniyang masyadong tumutulong noon dahil simula pa lang ng giyera ni Duterte.
Ganoon din ang nangyari nang patayin ang kuya niya. Nadagdagan pa ang utang nila.
Tatlong taon na ngayong nagtatrabaho si Josh sa Silingan Coffee, isang coffee shop sa Cubao, Quezon City na itinayo ng mga taong simbahan, mga photojournalist at mga artista para suportahan ang mga pamilya ng mga EJK victim.
“Marami akong nakilala na mga biktima rin, mga anak din, nanay, lola na naging ka-close kasi iisa lang naman kami ng kuwento,” aniya.
Nakasama rin siya sa pag-iikot ng Silingan sa iba’t ibang lugar sa Pilipinas bago naging permanente ang puwesto sa Cubao.
“Masaya kasi marami akong nakakausap. Akala ko kasi marami lang talagang namba-bash sa aming [kaanak ng] mga biktima ng EJK. No’ng pumasok ako dito, nakita kong marami din palang nagsu-support sa amin, nakikiramay, nakikisimpatya,” ani Josh.
Tinulungan din sila ng Silingan na masuportahan ang mga pinansiyal na pangangailangan. Ang bunso niyang kapatid, 3rd year college na ngayon at patuloy na nakakapag-aral sa tulong ng simbahan at mga organisasyon.
May kaunti na rin siyang ipon. Sa katapusan ng taon, matatapos na niyang bayaran ang inutang para sa libing ng kanyang tatay at kuya.
Nakatulong naman sa mental health ni Josh ang mga therapy session ng Program Paghilom, isang programang sinimulan ni Fr. Flavie Villanueva noong 2017. Layon nitong matulungan ang mga pamilya ng mga EJK victim na bumangon at buuing muli ang kanilang mga buhay.

“Sa Paghilom marami silang session na nakakatulong hindi lang pinansiyal, pati mentally. Tsaka para din makalimot. Ako nag-e-enjoy ako sa theater dati,” ani Josh.
Sinisikap niyang maghilom ang mga sugat na idinulot ng madugong programa ni Duterte. Pero hindi siya tumitigil sa paghahanap ng katarungan.
“Sana lumabas ‘yong katotohanan. ‘Yong mga kasalanan, dapat pinagbabayaran,” aniya.
Minsan nagkikita-kita pa rin ang pamilya nila Josh sa bahay ng nanay nila sa Bulacan. Sa Abril 15, bertdey ng pamangkin niya, sama-sama silang magsu-swimming doon.
Bisperas naman ng ika-80 bertdey ni Duterte nang makapanayam siya ng Pinoy Weekly. Nang tanungin kung ano ang hiling niya para sa nakakulong na dating pangulo, “long life.”
“Huwag muna siya mamamatay. Magbertdey pa siya ng maraming bertdey. Magdusa siya doon,” hiling ni Josh. /May ulat mula kina Andrea Jobelle Adan at Charles Edmon Perez