Masahol ang panggigipit ng Israel sa pagkain sa Gaza–UN


Kasabay ng karahasan ang pagpigil ng militar ng Israel sa pagpasok ng international aid o ayudang kagamitan at pagkain para sa mga sibilyan. Lahat ng 2.1 milyong Palestino sa Gaza ang nasa bingit ng katakot-takot na kagutuman ayon sa United Nations.

“Pinagdurusahan ngayon ng mga Palestino sa Gaza ang tila pinakamabagsik na yugto nitong sagupaan,” sabi sa wikang Ingles ni United Nations (UN) Secretary General Antonio Guterres sa mga mamamahayag noong Mayo 23.

Marso, matapos baliin ng Israel ang kasunduang tigil-putukan o ceasefire, pinatindi pa nito ang opensiba at pambobomba sa bisa ng tinatawag nilang Operation Gideon’s Chariots.

Ayon sa World Health Organization, winasak na ng isang airstrike ng Israel sa Nasser Hospital ang 30% ng kailangang medical supplies ng mga Palestino.

Kasabay ng karahasan ang pagpigil ng militar ng Israel sa pagpasok ng international aid o ayudang kagamitan at pagkain para sa mga sibilyan. Lahat ng 2.1 milyong Palestino sa Gaza ang nasa bingit ng katakot-takot na kagutuman ayon sa UN.

Sabi pa ni Guterres, kumpara sa pangangailangan ng mga Palestino, parang “kutsarita” lang ng pagkain at tubig ang hinayaan ng militar ng Israel na makapasok sa ilang bahagi ng Gaza matapos pagkaitan ang mga ito nang higit 11 linggo.

Sa International Humanitarian Law, mahigpit na ipinagbabawal na gamiting taktika sa giyera ang starvation o panggigipit sa pagkain ng mga sibilyan.

Ayon sa nakausap ng BBC na mga kumadrona ng Project Hope, isang organisasyong na nakatuon sa suportang medikal partikular sa mga ina at bata, napakaraming Palestinong nanay ang namomroblema dahil hindi na sila makapagpasuso dala ng matinding malnutrisyon. “Iyak nang iyak ang mga sanggol,” sabi raw ng mga nanay.

“Ang iba namatay na sa gutom dahil sa blockade ng Israel sa pagpasok ng pagkain at iba pang supplies,” sabi ni Amirah Lidasan ng Moro-Christian People’s Alliance na nanguna sa protesta sa University of the Philippines Diliman nitong Mayo 23.

Hinikayat ni Lidasan ang mga Pilipino na makiisa sa laban para ipagtanggol ang mga Palestino na biktima ngayon ng matinding gutom at karahasan.