HealTea under P50


Tsaa, kalma, tapos laban ulit.

Buwan ng Hunyo ang selebrasyon ng Pride Month bilang paggunita sa Stonewall Riots na naganap noong Hun. 28, 1969 sa New York City, USA. Ito ang serye ng protesta ng lesbian, gay, bisexual, trans, queer (LGBTQ+) community laban sa paulit-ulit na police raids at diskriminasyon.

Sa Pilipinas, naganap noong Hun. 26, 1994 sa Quezon City ang kauna-unahang Pride March sa bansa. Naging bahagi pa ito ng pagdiriwang ng Silver Anniversary ng Stonewall Riots. 

Pinangunahan ng ProGay o Progressive Organization of Gays in the Philippines at MCC o Metropolitan Community Church. Naging simula ng mas bukas at politikal na paghingi ng karapatan para sa LGBTQ+ sa bansa. Kahit naging maliit ang bilang noon naging makasaysayan ang lakas ng loob na pakikibaka sa publiko

Hindi lamang mga naglalabasan na mga rainbow flag ang madalas makikita, at nararamdaman tuwing Hunyo. Simula na rin ito ng tag-ulan. Sa panahon ngayon masarap humigop ng mainit na sabaw at masarap ding uminom ng tsaa. 

Ang pag-inom ng tsaa ay hindi lang nakakapawi ng pagod kundi may hatid pang benepisyo sa kalusugan – mula sa pagpapalakas ng resistensya, pagtulong sa panunaw, hanggang sa pagpapakalma ng isipan. Kaya sa mga resipi na ito ay maaaring gumawa sa murang halaga (o sana hindi lampas singkwenta).

Luya at Kalamansi Tea 

Mga Sangkap:

  • 1 piraso ng luya (thumb-size) 
  • 2-3 piraso ng kalamansi 
  • 1 kutsaritang honey o asukal (kung gusto) 
  • 1 tasang tubig

Paraan ng Paggawa:

  1. Hugasan ang luya at hiwain ito nang maninipis.
  2. Sa isang maliit na kaldero, magpakulo ng 1 tasa ng tubig, ilagay ang luya, at hayaang kumulo nang 5-10 minuto.
  3. Pagkulo, salain ang tsaa tapos pisilin ang kalamansi. Siguraduhin na hindi kasama ang buto ng kalamansi.
  4. Lagyan ng konting honey o asukal kung nais. Haluin at inumin habang mainit.

Tanglad Tea

Mga Sangkap:

  • 5-6 dahon ng tanglad (lemongrass), malinis at tinupi
  • 4 tasa ng tubig
  • Pulot (honey) o asukal pampalasa

Paraan ng Paggawa:

  1. Hugasan nang mabuti ang mga dahon ng tanglad. Itali ang mga dahon o tupiin para hindi kumalat sa tubig habang pinapakuluan.
  2. Sa kaserola, magpakulo ng 4 na tasa ng tubig. Ilagay ang tanglad at hayaang kumulo sa loob ng 10-15 minuto.
  3. Kapag kumulo na ay salain na ito at ilipat sa malinis na lagayan.
  4. Puwede itong inumin nang mainit, o palamigin at gawing iced tea. Lagyan din ito ng pulot o asukal para sa dagdag na lasa.

Pandan Tea

Mga Sangkap:

  • 4-5 dahon ng pandan, malinis at hiniwa o tinupi
  • 4 tasa ng tubig
  • Pulot (honey) o luya (opsyonal, pampalasa at dagdag benepisyo)

Paraan ng Pagluluto:

  1. Hugasan nang maigi ang dahon ng pandan. Gupitin o tupiin ang mga dahon para mas mailabas ang aroma at lasa.
  2. Pakuluan ang 4 tasa ng tubig sa kaserola. Idagdag ang pandan leaves sa kumukulong tubig.
  3. Hayaang kumulo sa loob ng 10-15 minuto o hanggang lumabas ang natural na kulay at bango ng pandan.
  4. Salain at ihain habang mainit. Ilipat sa malinis na lagayan.
  5. Lagyan ng kaunting pulot para sa tamis, o luya para sa dagdag na init at benepisyo.

Sa ganitong panahon, mahalaga na alagaan ang sarili at maging maingat. Mahalaga palakasin ang sarili at isip tungo sa pag-unawa at pakikibaka.

Happy Pride!