Protesta vs korupsiyon sa proyektong flood control, sunod-sunod sa buong bansa


Binaha ng mga protesta ng galit na mamamayan ang iba’t ibang tanggapan ng Department of Public Works and Highways dahil sa korupsiyon at katiwalian sa mga proyektong flood control.

Binaha ng mga kilos-protesta nitong nakaraang linggo ang mga tanggapan ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa buong bansa dahil sa lantarang korupsiyon at katiwalian sa ahensiya at ng iba pang mga opisyal ng gobyerno sa mga proyektong flood control at iba pang imprastruktura.

Sa Pasig City, binato ng putik at pinintahan ng umaga ng Set. 4 ang gate ng St. Gerrard Construction, isa sa siyam na mga construction firm nina Cezarah “Sarah” Discaya at Pacifico “Curlee” Discaya II na kinanselahan ng lisensiya ng Philippine Contractors Accreditation Board.

Sumugod ang mga tanggol-kalikasan at biktima ng kalamidad sa tanggapan ng St. Gerrard Construction upang panagutin ang mga Discaya sa kanilang katiwalian sa patuloy na pagbaha sa Metro Manila.

Sinugod ng mga tanggol-kalikasan at biktima ng kalamidad ang St. Gerrard Construction sa Pasig City noong Set. 4, 2025. Dawit ang nasabing kompanya sa korupsiyon sa mga proyektong flood control. Kalikasan/Facebook

Kasabay nito, pinagbabato naman ng mga kabataan ng pintura at bulok na gulay ang tarangkahan ng DPWH Central Office sa Port Area, Maynila, upang singilin ang mga dati at kasalukuyang opisyal nito sa korupsiyon sa mga proyektong imprastruktura.

Nagkaroon din ng mga kilos-protesta sa DPWH Regional Office III sa San Fernando City, Pampanga nitong Set. 1, Batasang Pambansa sa Quezon City at DPWH Cebu City District Engineering Office nitong Set. 5, University of the Philippines Diliman sa Quezon City at Malcolm Square sa Baguio City nitong Set. 7, at DPWH Malabon-Navotas District Engineering Office at DPWH Davao City District Engineering Office nitong Set. 8.

Dulot ng sunod-sunod na kilos-protesta, nakiusap si Presidential Spokesperson Claire Castro sa taumbayan na sumunod sa tamang proseso dahil ayaw ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na magkaroon ng kaguluhan.

Sinabi rin ni Pasig City Mayor Vico Sotto na bagaman naiintindihan niya ang galit ng mamamayan sa korupsiyon, dapat “kumalma” para hindi humantong sa karahasan.

Kilos-protesta ng mga progresibong grupo sa Department of Public Works and Highways Davao City District Engineering Office noong Set. 1, 2025. Kath Cortez/Davao Today

Buwelta ng People Surge National Alliance of Disaster Survivors, makatuwiran lang ang galit ng sambayanan sa mga opisyal, ahensiya at kontratista na sangkot sa katiwalian dahil buhay, panirahan at kabuhayan ng mas maraming mamamayan ang nasisira.

Isang sampal anila sa mukha ng mga biktima ng sakuna na nawalan ng kabuhayan at tahanan dahil sa korupsiyon at kapabayaan ang mga panawagan ng gobyerno na “kumalma” ang mga protesta.

Sa panayam ni Christian Esguerra sa Facts First Tonight, binigyang-diin ni Kalikasan People’s Network for the Environment spokesperson Jonila Castro kung paano napatunayan na ng kasaysayan na kailangan dalhin sa lansangan ang galit ng taumbayan.

“Kapag sa social media lang, napapahayag natin ang ating reklamo at panawagan, pero kailangan kolektibo ang pagkilos ng mamamayan. Napatunayan na sa kasaysayan na sa gano’ng pamamaraan lang tayo napapakinggan,” ani Castro.

Pinagbabato ng mga residente at mangingisda ng Navotas City ng mga kabibi ng tahong ang Department of Public Works and Highways Malabon-Navotas District Engineering Office noong Set. 8, 2025. Marc Erlwin Flores/Pinoy Weekly

Panawagan ni Castro sa taumbayan na hanapin ang mga tahanan at opisina ng mga tiwaling politiko at kontratista upang kalampagin bilang pagpapakita na hindi papayag ang taumbayan na walang mananagot sa pagnanakaw. 

Tiniyak din ni Castro na haharapin nila ang mga bantang kaso ni Cornelio Samaniego III, abogado ng pamilya Discaya, ngunit nanawagan din siya sa mga ahensiya ng gobyerno, bagaman kabaro daw nila ang namumuno sa imbestigasyon, na pabilisin na ang pag-iimbestiga sa mga proyekto.

“Handa kaming harapin ‘yong mga kaso, sana gano’n din ‘yong mga Discaya at iba pang mga kontraktor [at] kongresista na sangkot dito,” ani Castro.

Binato ng mga kabataan ng pintura at bulok na gulay ang Department of Public Works and Highways Central Office sa Port Area, Maynila noong Set. 4, 2025. Charles Edmon Perez/Pinoy Weekly

Iginiit naman ni Anakbayan national chairperson Mhing Gomez na pakitang-gilas lang ng gobyerno ang mga imbestigasyon nito sa pangungulimbat sa pondo sapagkat kapwa nilang magnanakaw ang namumuno dito.

“Isang malaking palabas ang ginawang kunwa-kunwaring paglalantad ni Marcos Jr. sa korupsiyon sa mga flood control [project] gayong ehekutibo niya ang [nag-propose] nito, at kanyang pinirmahan. Kung sasabihin niyang wala siyang alam, inamin na rin niyang pinirmahan niya ang pambansang badyet nang hindi ito inaaral,” ani Gomez. 

Kalokohan din aniya na protektor ng mga magananakaw ang mga nag-iimbestiga sa anomalya sa mga proyektong flood control tulad nina Sen. Jinggoy Estrada, Sen. Bato dela Rosa, Sen. Bong Go at  Sen. Rodante Marcoleta.

Kilos-protesta laban sa korupsiyon sa may Malcolm Square sa Baguio City noong Set. 7, 2025. Alexis Aubrey Asalil/Pinoy Weekly

Tuloy-tuloy din ang Bagong Alyansang Makabayan (Bayan) sa pangangalampag sa mga pambansang ahensiya. Binato nila ng maduming tubig at putik ang isang malaking karatula sa tapat ng Batasang Pambansa, umaga ng Set. 5, kasabay ng budget hearing ng DPWH.

Ngunit nauwi sa karahasan ang kilos-protesta matapos umanong tamaan ang ilang mga pulis ng tubig. Sinubukan ng pulisya na manghuli ng mga raliyista na siyang nagdulot ng kaguluhan.

Pinanindigan ng Bayan na mapayapa ang protesta at naging espasyo ito upang makapagpahayag ang mga sektor ng kanilang tunay na hinaing sa gobyerno. Katawa-tawa anila ang paratang ng pulisya na tinamaan ng mga raliyista ang kanilang tauhan na may riot shield at batuta.

Iginiit ng Bayan na hindi matitinag ng pagbabanta ng estado ang pagpapatuloy sa pagsasagawa ng higit na mas malaki at mas militante na kilos-protesta laban sa laganap na korupsiyon sa loob ng gobyerno. 

Naghahanda na rin ang mga progresibong grupo para sa dambuhalang kilos-protesta sa Set. 21 sa Rizal Park sa Maynila upang igiit ang pananagutan sa mga maanomalyang proyektong flood control.