Korupsiyon sa kalsada para sa magsasaka
Sandigan ng mga magsasaka ang komunidad, pati ang nakikiisang mga organisasyon. Pero tunay na makakabangon lang ang sektor kung ang buwis at ang batas ay nagagamit para sa benepisyo nila.
Kailangan ng P200 para sa pag-arkila ng kareta na hinihila ng kalabaw mula bundok papunta sa pinakamalapit na kalsadang nadadaanan ng mga sasakyan. Ang P200 na ‘yon, isang biyahe lang ng kung ano ang maipagkakasya sa kareta.
“Kaya kami sa amin, yung mga asawa namin ang mga kalabaw namin, at kami rin mismo,” biro ni Jenny Rapiz, 39. Dalawang dekada na siyang nagsasaka sa San Jose del Monte, Bulacan.
“Bago pumasok ang tag-ulan, ang inaani namin mustasa, pechay, sitaw, talong at okra. ‘Pag tag-ulan ang inaasahan lang namin, gabi, saging tsaka mga prutas na [in] season,” kuwento niya.
Hindi aniyapuwede na halagang P1,000 ng ani lang ang ibebenta kada luwas. Kapag puro dahon ng gabi lang at ibang katulad na pananim na tatlo kada P25 ang bentahan, hindi mababawi ang gastos sa pamasahe.

At kapag tag-ulan na mas malambot ang lupa, dumarami rin ang naaaksidente habang nagbababa ng ani. Bumabagal rin ang trabaho.
“Oras ang inaabot, lalo na kapag umuulan at maputik. Siyempre, kailangan rin magpahinga. Pati mga kalabaw nagpapahinga rin naman,” sabi ni Rapiz.
Kaya malaking bagay ang tulungan nila sa Alyansa ng Magbubukid sa Bulacan. Sa pagkakaisa ng komunidad, sinisikap nilang walang pamilyang naiiwan na gutom.
Pero mas madali sana ang lahat ng ito kung ang mga magsasakang alangan pa sa paggastos ng P200, naseserbisyohan ng gobyernong may hawak ng bilyon na buwis.
Sa farm-to-market roads
Ngayong sinusuyod na ang iba’t ibang proyekto ng Department of Public Works and Highways (DPWH), lumalabas na puno rin ng anomalya pati mga proyektong farm-to-market road katuwang ang Department of Agriculture (DA).
Ayon sa Republic Act 8435 o Agriculture and Fisheries Modernization Act of 1997 ang mga farm-to-market road (FMR) ay mga kalsada na magdurugtong sa mga production site sa agrikultura, kasama na ang mga pangisdaan, papunta sa mga kalsada sa mga pamilihan at mga highway.
Malaking ginhawa dapat ang mga kalsada para sa mga magsasaka at mangingisda na hirap dalhin sa pamilihan ang kanilang mga produkto.
Sa pagdinig ng Senate Committee on Finance para sa panukalang P176.7 bilyon na badyet ng DA, naging mainit ang isyu ng overpricing ng mga FMR.
Ayon kay Sen. Sherwin Gatchalian na namumuno sa komite, higit P10 bilyon halaga ng mga FMR na bahagi ng badyet para sa 2024 ang nasa P30,000 kada metro, doble ng P15,000 kada metro na benchmark ng DPWH.
Pinakamatinding halimbawa na nito, ayon kay Gatchalian, ang pagsasakongkreto ng kalsada sa Barangay San Roque, Tacloban City. Sa alokasyon noong 2024, binigyan ng P100 milyon ang proyekto na may haba lang na 0.287 na kilometro, kaya lalabas na higit P340,000 kada metro ang gastos. Ang 0.287 kilometro ay distansiyang posibleng lakarin sa tatlong minuto.
Sa isang proyekto sa Lupi, Camarines Sur, lalabas na P263,157 kada metro ang gastos. Sa Barangay Ubihan, Bulakan, Bulacan, nasa P193,548 kada metro. Katakot-takot na paglobong ito gayong sabi ng DA, posible pa nga na P10,000 lang ang gastusin kada metro.
“Hindi n’yo ba napansin ang matinding overpricing?” tanong ni Gatchalian sa DA.

DPWH ang may tungkulin na nangangasiwa sa pangongomisyon at konstruksiyon ng mga kalsada at DA ang dapat nagtutukoy at nagsisinsin kung saan talaga kailangan ang mga proyekto.
“May mga pagkakataon na walang ipinapasa na dokumento sa amin ang DPWH, tapos dumidiretso na sila sa procurement ng mga FMR. So nalalaman na lang po namin sa monitoring na tinuloy na nila ang konstruksiyon nang walang pagsangguni sa Department of Agriculture,” sabi sa Senado ni Cristy Polido, officer-in-charge sa Bureau of Agricultural Fisheries Engineering ng DA.
Sanga-sanga na rin ang mga pangalang dawit sa anomalya. Ang isang proyekto sa Daraga, Albay na binigyan ng badyet na P46 milyon, para lang pala sa kalsadang 0.37 kilometro. Higit P124,000 ang presyo kada metro sa proyektong napunta sa Hi-Tone Construction and Development Corp. ni Edgar Acosta, kung saan co-founder si dating Ako Bikol Partylist Rep. Christopher Co, kapatid ng nagbitiw na Ako Bicol Rep. Elizaldy Co.
Tatlo sa listahan ng mga korporasyon na nakakuha ng maraming proyektong FMR ang sangkot rin sa anomalya sa mga proyektong flood control. Kasama dito ang Hi-Tone, ang EGB Construction Corp. ni Erni Baggao ng Isabela at Road Edge Trading and Development Services ni Ryan Willie Uy.
Nananawagan ngayon ng mas malaking puwang sa pakikisangkot ang iba’t ibang organisasyon sa agrikultura. Para sa mas tapat sa proseso, kailangan madaling makukuha ng publiko, lalo ng mga magsasaka, ang listahan ng sinasabing mga FMR, mga kontratista at mga sponsor nito
“Kailangan katuwang sa pag-monitor at pagplano ng mga proyektong pang-imprastruktura ang mga organisasyon ng magsasaka at mga komunidad, para matigilan ang korupsiyon at masigurado na may benepisyong makukuha mula sa mga proyekto ang pinangakuang mga sektor,” sabi ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP) sa isang pahayag sa Ingles.
Kalsada sa lupa nino
Para kay Rafael Mariano, dating kinatawan ng Anakpawis Partylist at dating kalihim ng Department of Agrarian Reform, bukod sa tanong na magkano at estado ng pagkakagawa, dapat konektado rin ang isyu ng FMRs sa iba pang hindi iniimbestigahan na dulog ng mga magsasaka.
“Papaano magiging kapakipakinabang ang mga farm-to-market road kahit na-construct mo, pero napalayas naman ang magsasaka? Nakamkam ‘yong lupa? O kaya na-convert ‘yong lupa na agricultural [at naging] commercial, industrial o residential?” sabi ni Mariano.
“Tapos paano kung ang farm-to-market roads ay nakagitna sa mga lupain na naka-lease out sa mga multinational corporation? Lalo na ngayon na pinirmahan ni Bongbong Marcos ang 99-year land lease.”

Ang tinutukoy ni Mariano ay ang Republic Act 12252 o Act Liberalizing the Lease of Private Lands by Foreign Investors na pinirmahan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. nito lang Setyembre. Mula 50 taon, posible na ang pag-upa ng pribadong lupa sa loob ng 99 taon ang mga dayuhan sa bansa.
Legalisadong pangangamkam ng lupa ang tawag dito ng KMP. Ginagamit umano ang pangako ng mas maraming investment sa bansa para “sa mga polisiya na nagsasantabi sa mga magsasaka at indigenous group na nangangalaga sa mga lupain, kapalit ng pagpapalago sa mga korporasyon at dinastiyang politikal.”
Dekada nang kuwento
Para sa ina at magsasakang si Rapiz, natutuhan niya sa dalawang dekada sa mga bukirin na marami pang kailangan singilin mula sa gobyerno. Kaya sila-sila sa komunidad, kasama pati mga anak nila, ang nagpapalago sa lupain at nasasandalan ng isa’t isa.
“Nasa college ang panganay ko. Kumukuha ng education,” sabi ni Rapiz. Kapag naging guro ito, sana’y maibahagi niya rin sa iba ang kinamulatan niyang pamumuhay.
Masuwerteng nakapagbigay ng panahon sa panayam sa Pinoy Weekly si Rapiz at iba pang kasamang Bagsakan Farmers kahit abala sila noon sa Mandala Park sa Mandaluyong City para sa pagtitipon ng Good Food Sundays noong Okt. 5.
Espesyal ang araw na iyon dahil unang Linggo ng Buwan ng Magbubukid. Doon, nagpahayag ng pakikiisa ang mga artista, manunulat at iba pa.“Bawat sangkap ko ay bunga ng pawis at ani ng magsasaka,” sabi ni Isi Laureano, isang private chef. Kaya tungkulin aniya ng bawat Pilipino na makisangkot sa mga isyu na kinakaharap ng mga magsasaka. “Kung wala sila, wala tayo.”