Militanteng kabataan, target din ng giyera kontra-insurhensiya?
Mula nang pumasok ang kasalukuyang taon, sunud-sunod na ang atake sa karapatan ng militanteng kabataan. Pinakahuli nito ang panghaharas at paniniktik sa dalawang lider-aktibista mula sa Unibersidad ng Pilipinas-Manila. Target na ba sila ng Oplan Bayanihan ng militar at administrasyong Aquino?

Umalma ang mga grupo ng kabataang aktibista sa pinakahuling insidente ng panghaharas diumano sa kanilang hanay ng pinaghihinalaang mga ahente ng militar.
Pinakahuling biktima ng panghaharas at panininiktik sina Nikki Gamara at Cleve Arguelles, kapwa lider-estudyante mula sa Unibersidad ng Pilipinas sa Manila.
Noong Abril 2, isang pinaghihinalaang intelligence agent ang nagpunta sa bahay nila Arguelles at tinanong ang pangalang “Nikki”. Nagsuspetsa si Arguelles dahil walang “Nikki” na nakatira sa kanilang bahay, bagamat bisita doon si Nikki Gamara ng Anakbayan-UP Manila noong gabing iyon.
Sa sumunod na araw, nabalitang dinukot at ikinulong ng mga elemento ng pulis at militar sa Las Pinas City si Reynante Gamara, ama ni Nikki Gamara at kampanyador para sa Bayan Muna Party-list. Pinagbibintangan ng militar si Reynante na umano’y lider-rebelde.
Sa araw ding iyon, sinundan ng naturang mga ahente si Arguelles matapos samahan niya si Gamara sa kanilang bahay. Matapos sandaling magtago sa isang restawrang fastfood, isa sa mga sumunod kay Arguelles na may dalang baril ang lumapit sa kanya at paulit-ulit na sinabihan si Arguelles na samahan siya sa bahay nina Nikki.
Dating tagapangulo ng konseho ng mga mag-aaral sa UP Manila si Arguelles.
“Kinokondena namin ang Armed Forces of the Philippines at administrasyong Aquino sa pinakahuling atake sa aming mga miyembro,” pahayag ni Vencer Crisostomo, pambansang tagapangulo ng Anakbayan.
Sinabi pa ni Crisostomo na tila’y tumitindi ang atake ng mga ahente ng estado sa kanilang hanay ngayong unang mga buwan ng 2012.
Ayon sa Tanggulan Youth Network, alyansang pangkarapatang pantao ng kabataan, may di-bababa sa 12 kaso ng paglabag sa karapatan ng lider-kabataan, aktibista at mamamahayag pangkampus nitong huling tatlong buwan.
Umabot naman sa 23 lider-estudyante at mamamahayag pangkampus ang nabiktima. Kung susumain kung saan ang mga militar ang mga suspek, anim na kaso kada linggo ang naitatala nila, dagdag ng Tanggulan.
Ang mga harassment ay maaaring bahagi ng koordinadong atake ng administrasyong Aquino upang patahimikin ang epektibo nitong mga kritiko, ani Crisostomo. Dagdag pa niya, na mula sa “student strikes” hanggang “Noynoying,” matagumpay na naipakita ng kabataang aktibista ang tunay na mukha ng naturang administrasyon. Sila (administrasyong Aquino) ang higit na makikinabang sa panghaharas sa kabataang Pilipino, ayon pa kay Crisostomo.
Noong nakaraang administrasyon ni Gloria Macapagal-Arroyo, ipinatupad ang implementasyon ng Oplan Bantay Laya ng militar kung saan mahigit isang libo ang naging biktima ng pamamaslang at pagdukot.
Kabilang sa mga naitala ng Tanggulo ang naturang mga insidente ng panghaharas at paniniktik sa kabataang aktibista:
(1) Noong Enero 21, tatlong mag-aaral ng UP Diliman na nagsagawa ng kanilang praktikum sa isang komunidad ng mga Aeta sa Porac, Pampanga ang hinaras ng mga miyembro ng 7th Infantry Division ng Philippine Army. Pinatayo sila sa matinding sikat ng araw ng isang oras at pinaratangang miyembro ng New People’s Army at nakatanggap ng berbal at pisikal na pang-aabuso sa mga sundalo;
(2) Noong Pebrero 5, walong mag-aaral ng UP Los Banos na nakipamuhay sa mga magsasaka at mangingisda sa isang komunidad sa Calatagan, Batangas ang hinaras ng mga miyembro ng 730th Combat Group ng Philippine Air Force at Philippine National Police sa lugar. Sinabi ng mga sundalo na ang video na kanilang kinukuha ay anti-gobyerno at hiningi ang kanilang mga pangalan;
(3) Noong Pebrero 13, sinundan si Arjhay Astudillo ng pinaghinalaang military intelligence sa kanilang bahay sa Marikina. Si Astudillo ay isa sa mga secretariat ng Pambansang Opisina ng College Editors Guild of the Philippines;
(4) Noong Pebrero 26, apat na opisyal ng CEGP kabilang ang pangalang pangkalahatang kalihim nito na si Gidget Estella ay sinundan ng pinaghinalaang mga miyembro ng militar sa Catarman, Samar. Sinundan sila ng mga naka-motor hanggang sa kanilang pupuntahan. Kinabukasan, ang parehong mga lalaki ay nagtanong sa mga residente sa kanilang tinuluyan kung kilala nila ang mga naturang opisyal ng CEGP. Samantala, sumailalim naman sa pagmamanman ang tirahan nila Luisa Purungganan ng mga pinaghihinalaang elemento ng militar. Si Purungganan ay isang manunulat ng The Warden ang publikasyon ng mga mag-aaral ng Pamantasang ng Lungsod ng Muntinlupa at miyembro ng CEGP;
(5) Noong Pebrero 27, nakita sa harapan ng The Pillar Publication ang isa sa sumunod na mga lalaking naka-motor kina Estella at kanyang kasamahan. Ang The Pillar publication ay ang pahayagan ng mga mag-aaral ng University of Eastern Philippines sa Samar;
(6) Noong Marso 18, nakatanggap si Rommel Aguilar, student regent ng Polyteknikong Unibersidad ng Pilipinas, ng text messages at pinararatangan silang may ugnay sa NPA at ikukulong daw siya ng militar. Matapos ang apat na araw, panibagong text messages ang natanggap ni Aguilar na nagsasabi sa kanyang papatayin siya kapag lumahok siya eleksiyon sa konseho ng mga mag-aaral;
(7) Noong Marso 20, si Jebri Sida, isa sa mga patnugot ng UP Vista, publikasyon ng UP-Tacloban ay dinahas ng mga militar habang nagkokober ng isang Municipal Peace and Order meeting. Sumailalim din si Sida sa matinding paniniktik;
(8) Noong Abril 3, sa parehong araw na hinaras ng militar sina Arguelles at Gamara, inaresto naman sa isang rali ng pinagsamang grupo ng mga sundalo at pulis sa Bacolod City si Christian Tuayon. Si Tuayon ay regional chairperson ng Anakbayan sa Negros. Inaresto siya dahil sa kasama raw ang pangalan niya sa isang warrant of arrest para sa mga miyembro ng NPA.
“Isa itong manipestasyon na nagpapatuloy ang Oplan Bantay Laya (madugong programang kontra-insurhensiya) sa likod ng Oplan Bayanihan ni Aquino,” sabi ni Gidget Estella, pangalawang pangkalahatang kalihim ng College Editors Guild of the Philippines.
Sinabi ni Estella na tila walang pinagkaiba sa mata ng militar ang nasa legal at armadong mga grupo at mapanganib ito lalo na’t walang kongkretong aksiyong ginagawa ang administrasyong Aquino upang itigil ang mga kaso ng pamamaslang at pagdukot.