OAV sa Hong Kong, Singapore pinangangambahang pumalpak
Nangangamba ang Migrante International na posibleng pumalpak ang OAV (Overseas Absentte Voting) sa mga bansang Hong Kong at Singapore, na mag-uumpisa sa loob ng pitong linggo, dahil sa umano’y kakulangan sa preparasyon ng Commission on Elections (Comelec). Isiniwalat ng grupo na hindi pa rin nakakapaglabas ng guidelines ang Comelec hinggil sa awtomadong pagboto. “Kakarampot na […]

Nangangamba ang Migrante International na posibleng pumalpak ang OAV (Overseas Absentte Voting) sa mga bansang Hong Kong at Singapore, na mag-uumpisa sa loob ng pitong linggo, dahil sa umano’y kakulangan sa preparasyon ng Commission on Elections (Comelec).
Isiniwalat ng grupo na hindi pa rin nakakapaglabas ng guidelines ang Comelec hinggil sa awtomadong pagboto. “Kakarampot na impormasyon sa pamamagitan ng mga press release at panayam sa midya pa lamang ang nailalabas nito,” sabi ni Garry Martinez, tagapangulo ng Migrante, sa isang press conference sa tapat ng opisina ng Comelec sa Intramuros, Maynila noong Lunes.
Sinabi ni Martinez na mahalaga ang pagkakaroon ng guidelines dahil iba ang proseso ng awtomadong pagboto sa OAV. Kaiba sa Pilipinas na isang araw lamang ang eleksiyon, pinapayagan ang rehistradong mga Overseas Filipino Worker na bumoto sa loob ng isang buwan o mula Abril 10 hanggang Mayo 10. Ikokonpigura rin ang bawat Precinct Count Optical Scan (PCOS) para makapagtala ng boto ng 5,000 botante.
Reklamo ng grupo, hindi pa nakakapagsagawa ng voter’s education ang Comelec sa komunidad ng mga migranteng Pilipino, at maging sa mga tauhan ng embahada na magsisilbing Special Board of Election Inspectors.
“Gagana ang mga makina ng 10 oras bawat araw sa loob ng isang buwan. Kahit sa Pilipinas, hindi pa nasusubok ng Comelec at Smartmatic na paganahin ang mga makinang ito sa ganoong kahabang panahon. Malaki ang posibilidad na masira ang mga makina bago matapos ang buong proseso. Bukod pa ito sa hindi sapat ang bilang ng mga makinang itinalaga para sa OAV,” sabi ni Martinez.
Sa Hong Kong at Singapore, mayroon lamang 30 PCOS at apat na spare o sobrang makina na idedeploy.
Wala rin umanong mock elections o field tests na isinagawa para matukoy ang posibleng mga problema sa makina at magkaroon ng panahon para maayos ito.
Itinanong din ng Migrante sa Comelec kung papaano nito sisiguruhin na mananatiling ligtas sa loob ng mga makina sa loob ng isang buwan ang mga botong maitatala. Ibabato lamang ang mga resulta ng OAV sa mismong araw ng halalan sa Pilipinas, Mayo 10.
“Sa lahat ng indikasyon, nagiging kapani-paniwala tuloy na idinisenyo ang OAV ng Comelec at ng gobyernong Arroyo para pumalpak,” sabi ni Martinez.
Mangangahulugan ang pagpalpak ng OAV sa Hong Kong at Singapore nga pag-disenfranchise o pagtanggal sa karapatang bumoto ng 95,355 rehistradong botanteng Pilipino sa Hong Kong, at 31,851 naman sa Singapore. Kinakatawan nito ang 20 porsiyento ng kabuuang bilang ng mga botanteng OFW na umaabot sa 589,830.