Balik-Tanaw

Pag-alala sa kagitingan ng comfort women


Patuloy na nananawagan at naggigiit ng pagkilala, reparasyon at katarungan ang mga natitirang buhay na comfort women.

Tuwing Abril 9, ginugunita natin ang Araw ng Kagitingan upang bigyang-pugay ang mga sundalong Pilipino na nagbuwis ng buhay sa Death March noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Subalit sa gitna ng mga kuwento ng paghihirap ng mga sundalong Pilipino at Amerikanong bihag ng mga Hapones, may isang uri ng kagitingan na dapat alalahanin sa pahina ng kasaysayan, ang kagitingan ng “comfort women.”

Sila ang mga kababaihan na naging biktima ng sistematikong pang-aaliping seksuwal ng hukbong Hapones noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Noong panahong iyon, maraming kababaihan, pati mga menor de edad, ang dinukot at sapilitang ginawang aliping seksuwal ng mga Hapones. Ang kanilang pagpapakasakit ay naganap sa mga madilim na comfort station kung saan ninakaw ang kanilang dangal at puri.

Ngayon 2026, mahigit 80 taon na ang nakalipas mula ng magwakas ang pang-aabusong ito. Bagaman natapos ang digmaan noong 1945, marami sa mga nakaligtas ang nagsimulang magsalita noong dekada ‘90. Hanggang sa kasalukuyan, patuloy silang naghahangad ng katarungan. 

Pinoy Weekly File Photo

Sa kabila ng kanilang katandaan, ang mga lola ay patuloy na nanawagan ng hustisya. Ang kagitingan na hanggang ngayo’y naninidigan at nakikipaglaban para sa karapatan, reparasyon at pagkilala sa kanilang dinananas sa kamay ng mga Hapones.

Ang katarungan para sa comfort women ay hindi lang pag-alaala ng nakaraan. Ito’y pagtitiyak na ang kanilang sakripisyo ay hindi mababaon sa limot. Ang pagkilala sa kanilang katapangan ay ang pinakamataas na anyo ng paggalang na maibibigay natin.

Sa bawat kuwentong ating isinasalin sa susunod na henerasyon, binubuhay natin ang kanilang dangal. Ang kanilang laban ay laban ng buong bansa. Isang paalala na ang tunay na kagitingan ay hindi natatapos sa digmaan, kundi nagpapatutuloy hangga’t may isang boses na naninindigan para sa katotohanan.