Political Cinema

Tanda ng karahasan at liham ng pag-ibig


Sa mundong maganda, sa mundong makatarungan, hindi kailangan ng ganitong kuwento.

“Wala dapat ‘yong mga ganitong pelikula.” 

‘Yan ang sabi ni Carl Joseph Papa, direktor ng “58th”, documentary-drama na tumatalakay sa danas ni Ma. Reynafe Momay-Castillo (Glaiza de Castro) at ng kanyang pamilya sa paghahanap sa bangkay at hustisya para sa kanilang ama, si Reynaldo “Bebot” Momay (Ricky Davao), isa sa 58 na pinaslang sa Ampatuan massacre noong 2009 at nag-iisang biktima na hindi nabigyan ng hustisya sa korte dahil hindi mahanap ang mga labi.

Sa mundong maganda, sa mundong makatarungan, hindi kailangan ng ganitong kuwento. Pero dahil nandito na tayo, malaking biyaya sa alaala at kamalayan ang unang beses na pagpapalabas ng “58th”, isang produksiyon ng GMA Public Affairs at GMA Pictures, sa Pilipinas bilang bahagi ng ika-22 taon ng Cinemalaya.

“Ang hustisya ay hindi lang mula sa mga desisyon sa korte. Hustisya rin ang pag-alala—ang hindi pagpayag na maglaho ang kasaysayan at mauwi sa katahimikan,” sabi ni Castillo matapos maipalabas ang pelikula sa Shangri-La Plaza sa Mandaluyong City nitong Ago. 13.

Kinabukasan, tumungo sa Court of Appeals si Castillo, kasama ang abogadong si Gilbert Andres, para magpasa ng pormal na manipestasyon na hinihimok ang korte na kilalanin sa wakas ang ama bilang ika-58 na biktima ng masaker.

Sa desisyong inilabas ng Quezon City Regional Trial Court noong Disyembre 2019, isang dekada matapos ang masaker,  nahatulang maysala ang 44 sa 200 na suspek, kasama na ang tinuturong mga mastermind na magkapatid na sina Datu Andal Ampatuan Jr. at Zaldy Ampatuan.

Responsable sila sa pagpatay ng 57 katao, kasama na mga mamamahayag, ayon sa korte. Ang ika-58 na biktima na si Momay, dahil hindi nahanap ang bangkay at walang maipakitang death certificate, hindi kinilala sa desisyon.

Walang dignidad sa pagpatay, paghuhukay at paghahanap ng katawan ng mga biktima ng Ampatuan massacre. Alam ito ng marami, lalo na ng mga naiwang pamilya ng mga biktima at ng midya na nagbabalita noon mula sa karumaldumal na insidenteng itinuring na “deadliest single attack on journalists in world history.”

Estudyante pa lang ako noong mangyari ang trahedya ilang buwan bago ang halalan ng 2010. Nasa kolehiyo naman ako, nag-aaral ng peryodismo, nang una kong makita sa personal ang mga martsa at, ‘di kalaunan, maging bahagi rin ng mga protesta para manawagan ng hustisya.

Alam ko at ng marami na sukdulang karahasan ang sinapit ng mga biktima. Nakabisado na namin ang datos: 58 pinatay, 32 doon mamamahayag tulad ni Momay, Nob. 9, 2009 sa Sitio Masalay, Ampatuan, Maguindanao (ngayo’y bahagi ng Maguindanao del Sur).

Pero sa haba ng panahon ng panawagan sa hustisya at pag-alala, sa panonood ng “58th” ko unang nakita nang walang blur o sensura ang bidyo ng mga katawan na hinuhukay gamit ang backhoe.

Walang puso sa sinehan ang hindi kumirot at napuno ng galit sa mga sandaling iyon. Kita ng lahat ang mga lumobo nang mga katawan, patse-patse ang kulay ng balat, bakas kung saan pumasok ang mga bala.

Marami siguro ang nabigla tulad ko. Nag-premiere sa International Film Festival Rotterdam sa The Netherlands noong Enero at naipalabas na sa maraming bansa ang “58th” bago ito nakauwi sa Pilipinas.

Doon, isa sa mga pagkakakilanlan sa pelikula ay likha ng rotoscoping animation. Kapag ginamitan ng rotoscope, ibig sabihin gumuguhit ang mga artista base sa aktuwal na footage ng mga eksena.

Pero walang animation o blur ang pumagitna sa mga manonood at sa realidad ng karahasan ng Ampatuan massacre. Lahat ng naroon sa sinehan, saksi sa saglit na imaheng matagal nang baon ng mga kaanak.

Kung ganoon kapait ang ilang minuto, paano na lang kaya para sa mga kaanak at sa pamilya nina Castillo na ilang araw pabalik-balik sa Sitio Masalay para tingnan ang mga bangkay na nasa lupa? Para sinsinin sa punerarya kung kaninong patay ba ang nasa lamesa?

“Wala na nga akong katawan, wala pa ring hustisya,” sabi ni Castillo sa pelikula.

Labas sa paggamit ng mga clip ng balita at mga panayam, may ganitong kapangyarihan ang dokumentaryo: ang hubaran ang anumang eupemismo sa kuwento at ilantad sa lahat ang totoo.

Totoo rin na hindi lang lungkot at poot ang nagtutulak sa pamilya at mga nakikidalamhati. Sa paghahanap ng hustisya, pag-ibig ang isa, kundi pa pinakamalaking tulak. Litaw na litaw din ‘yon sa pelikula.

“Naalala madalas ng mga tao ang numero 58. Pero sa likod ng bawat numero ay tao na nakipagtawanan, nagtrabaho [nang] maigi, umibig at inibig ng pamilya,” sabi ni Castillo, “at nagkaroon ng pag-asa para sa kinabukasan.”

Kaya nakikita ko kung paano naging mabisa ang animation sa mga eksenang hindi naibabalita tulad ng tawanan, kantahan at pag-ibig ng pamilya nina Momay. Naging susi ang animation para magkaroon ng distansiya sa pagitan ng mga karakter at ng mga bantog at talentadong aktor tulad ni Glaiza de Castro, ang pumanaw na si Ricky Davao at Mikoy Morales.

Hindi si Glaiza ang tumatangis, kundi ang imahen ni Castillo bilang anak na nawalan ng ama, pilit na inaalala ang danas niya. Hindi si Ricky, kaibig-ibig bilang artista, ang makikitang humahagikgik—ganito inaalala ni Castillo ang ama na si Bebot Momay.

Hindi inilako ng dokumentaryo ang karahasan para lang manggulat at manggalit ng tao. Ipinakita nito ang malalim na balon ng pag-ibig na dahilan bakit, kahit pa halos dalawang dekada na, tuloy pa rin ang laban para sa hustisya. 

Kaya maigi sana kung maipapalabas ang pelikula sa mas marami pang sinehan, kahit pa sabi ng direktor, halos ilusot sa butas ng karayom ang premiere nito sa Pilipinas dahil sa sensura ng Movie and Television Review and Classification Board sa paggamit ng prinsipyo ng sub judice o ang pagbabawal na pag-usapan sa publiko at midya ang isang aktibong kaso sa korte.

Ngunit, sabi nga ni Castillo, hindi lang ito para sa pamilya niya, pero para sa mga susunod na henerasyon—para hindi na maulit sa panahon nila ang malagim na krimen.