Sa Pagitan ng Ordinaryo't Banal

Kumpiyansa at pagsunod

Sa pagsunod natin, nawa’y huwag tayong mauna o pangunahan si Hesus.

Ika-22 Linggo sa Karaniwang Panahon – Jeremias 20:7–9 | Salmo 62 | Roma 12:1–2| Mateo 16:21–27 

Naranasan n’yo na bang mapuri dahil sa isang bagay na ginawa n’yo nang maayos? Ang sarap sa pakiramdam kapag may nagsabi sa atin, “Ang galing mo!” Lalo na kung matagal nating pinaghandaan ang isang bagay at sa wakas, napansin din ito ng iba. Dahil doon, tumataas ang kumpiyansa natin. Mas malakas ang loob nating magsalita, magdesisyon at kumilos.

Pero minsan, may kasunod na pagsubok ang kumpiyansang iyon. Paano kung dumating ang pagkakataong tayo naman ang itama ng taong unang pumuri sa atin? Kaya ba nating tanggapin iyon? O dahil minsan tayong naging tama, iniisip nating tama na rin tayo sa lahat ng pagkakataon?

Marahil ganito rin ang naging karanasan ni Pedro. Sa Ebanghelyo noong nakaraang Linggo, narinig natin ang napakalaking pagkilala ni Hesus sa kanya, “Ikaw ay Pedro, at sa ibabaw ng batong ito ay itatayo ko ang aking Simbahan.” Mula sa isang mangingisda, naging batong pundasyon siya ng Simbahan. Napakalaking tiwala iyon.

Kaya nakakagulat ang naririnig natin ngayon. Ilang sandali lang ang lumipas at sinabi sa kanya ni Hesus, “Lumayo ka, Satanas! Hadlang ka sa aking landas.” Ano ang nangyari? May sinabi si Pedro na sa unang tingin ay pagmamalasakit lang, “Panginoon, huwag nawa ng itulot ng Diyos! Hindi po dapat mangyari ito sa inyo.” Ayaw niyang marinig na magdurusa at mamamatay si Hesus. Ngunit dito siya kailangang ituwid ng Panginoon, “Ang iniisip mo’y hindi sa Diyos kundi sa tao.”

Ang pag-call out ni Hesus kay Pedro ay mahalaga. Ipinapaalala nito na maaaring mabuti ang intensiyon natin, ngunit kailangan pa ring suriin ang direksiyon ng ating pag-iisip. Maaaring gusto nating protektahan ang isang tao o gawin ang inaakala nating pinakamabuti. Ngunit paano kung ang sinusunod natin ay sarili nating pagkaunawa at hindi na ang kalooban ng Diyos?

May isa pang mahalagang detalye sa sinabi ni Hesus kay Pedro, “Lumayo ka.” Ang isang alagad ay dapat sumusunod sa kanyang guro. Si Pedro, sa pagsubok niyang pigilan si Hesus, ay tila napunta sa unahan. Ang alagad na dapat sumusunod ay siya ngayong nagsasabi kung saan dapat pumunta ang guro. Kaya naging “hadlang” siya sa landas ni Hesus.

Ating tingnan ang Unang Pagbasa, kung saan nakikita natin ang karanasan ni propeta Jeremias. Hinikayat siya ng Panginoon upang maging propeta, ngunit hindi naging madali ang kanyang misyon.

Tuwing ipinahahayag niya ang salita ng Diyos tungkol sa karahasan at pagkasira, siya’y pinagtatawanan at inuuyam. Dumating siya sa puntong gusto na niyang tumigil, “Lilimutin ko ang Panginoon.” Pero hindi niya ito basta-basta magawa. Ang salita ng Diyos ay naging parang apoy na nakakulong sa kanyang mga buto. Maaari siyang mapagod at panghinaan ng loob, ngunit hindi niya kayang pigilan ang salitang ipinagkatiwala sa kanya.

Ang Salmo ay nagbibigay naman ng larawan ng ganitong paghahanap sa Diyos, “Aking kinasasabikan, Panginoon, ikaw lamang.” Tulad ng tuyong lupa na naghahanap ng tubig, may uhaw ang kaluluwa na hindi kayang punan ng ibang bagay. Kapag ang Diyos ang tunay na hinahanap natin, unti-unti ring nagbabago ang direksiyon ng ating buhay.

Ito ang dahilan kung bakit mahalaga ang paalala ni Apostol San Pablo sa mga taga-Roma, at sa atin na rin, “Mag-iba na kayo at magbago ng isip upang mabatid ninyo ang kalooban ng Diyos.” Ang pagbabago ng isip ay pagpayag na baguhin ng Diyos ang paraan kung paano natin tinitingnan ang sarili, ang kapwa at ang ating misyon.

Napapanahon ito sa isang mundong napakadaling maging kumpiyansa sa sariling pananaw. Sa social media, ilang segundo lang ay sapat na upang makahanap tayo ng mga taong sasang-ayon sa atin. Kapag palagi nating naririnig ang sarili nating panig, maaari nating makalimutan na may posibilidad din tayong magkamali.

Kahit nga sa Simbahan, paaralan, trabaho, pamayanan o sa pamilya natin, may pagkakataong nagiging Pedro tayo. Dahil minsan tayong pinagkatiwalaan, iniisip nating alam na natin ang tamang direksiyon. Dahil minsan tayong pinakinggan, nasasanay tayong tayo naman ang magsabi kung ano ang dapat gawin ng iba.

Tayo’y nagiging mga guro, mga gurong sobrang kumpiyansa sa sarili, na nakakalimutan nating tayo rin ay may sinusundan. Mga gurong imbis na maging tagasunod ni Kristo, nauuna pa sa kanya. Kapag ito’y hindi natin napansin, siguradong tatawagin tayo ng pansin ng Dakilang Guro.

At ito ang mga pagkakataong kailangan nating umatras at makinig. Kailangan nating tanggapin na maaaring mali ang ating pagkaunawa kahit mabuti ang ating intensiyon. Higit sa lahat, kailangan nating hayaang baguhin ng Diyos ang ating isip upang matutuhan nating kilalanin ang kanyang kalooban.

Hindi madaling maging Jeremias na patuloy na nagsasalita kahit hindi siya nauunawaan. Hindi rin madaling maging Pedro na kailangang tanggapin na ang kanyang iniisip ay hindi laging kaisipan ng Diyos. Ngunit pareho nilang ipinapaalala sa atin na ang pagiging alagad ay patuloy na pagkatuto.

May kumpiyansa tayo. May mga kakayahan tayo. May mga bagay tayong pinaniniwalaang tama. Ngunit sa bawat pagkakataong inaanyayahan tayo ni Hesus na sumunod, nawa’y ating maalala na huwag magmadali at alalahaning may sinusundan tayo.

Sumusunod tayo sa Daan, sa Katotohanan at sa Buhay. At sa pagsunod natin, nawa’y huwag tayong mauna o pangunahan si Hesus. Sapagkat ang tunay na pagsunod ay nagsisimula kapag handa tayong bumalik sa likod ng Guro, ibaba ang sariling pagmamataas, at hayaang siya ang magpakita ng daan.