Kabataan, nag-walkout vs kaltas-badyet, korupsiyon
Kinuwestiyon ng National Union of Students of the Philippines ang pagbabawas ng pondo habang nananatili ang kakulangan sa silid-aralan, kagamitang panturo, guro at suporta para sa mga estudyanteng umaasa sa pampublikong edukasyon.
Nag-walkout ang mga estudyante ng University of the Philippines (UP) at Polytechnic University of the Philippines (PUP) noong Set. 18 laban sa panukalang kaltas-badyet sa mga pampublikong unibersidad at para singilin ang administrasyong Marcos Jr. sa korupsiyon.
Sa UP Diliman, PUP Manila, UP Los Baños at UP Mindanao, gayundin sa mga kampus ng PUP sa Santo Tomas, Taguig, Santa Rosa at Quezon City, lumabas sa mga klase ang mga estudyante para sa Black Friday Protest.
Ayon sa National Union of Students of the Philippines (NUSP), 49 sa 113 state universities and colleges (SUCs), o 43.46%, ang may mas mababang alokasyon sa panukalang pambansang badyet para sa 2027. Kabilang dito ang halos P2.95 bilyong kaltas sa UP System.
Kinuwestiyon ng NUSP ang pagbabawas ng pondo habang nananatili ang kakulangan sa silid-aralan, kagamitang panturo, guro at suporta para sa mga estudyanteng umaasa sa pampublikong edukasyon.
Giit ng grupo, pinagkakaitan ng administrasyong Marcos Jr. ng kinabukasan ang kabataan habang napupunta umano sa korupsiyon at pasismo ang malaking bahagi ng badyet.
Samantala, sinabi ng Department of Budget and Management na mas mataas nang 4.5% ang panukalang kabuuang pondo ng SUCs kumpara sa panukala para sa 2026. Gayunman, mas mababa ito nang 2.1% kumpara sa naipasang badyet ngayong taon. Iniugnay ng ahensiya ang pagbaba sa ilang gastusing hindi taunang inuulit.
Nagsilbi ring paghahanda ang walkout para sa protesta sa Set. 21, ika-54 na anibersaryo ng deklarasyon ng batas militar sa ilalim ng diktadurang Marcos.