Tigil-pasada ng Piston vs oil price hike, kasado na


Maglulunsad ng tigil-pasada ang mga tsuper at opereytor ng jeepney, bus at iba pang moda ng transportasyon sa Set. 29 at 30 laban sa walang ampat na pagtaas ng presyo ng langis na lubhang nakaaapekto na sa kanilang kabuhayan.

Inanunsiyo ng Pagkakaisa ng mga Samahan ng Tsuper at Operator Nationwide (PISTON) kasama ang Para Commuters’ Network at iba pang mga grupo mula sa iba’t ibang moda ng transportasyon ang isang pambansang tigil-pasada sa Set. 29 at 30 laban sa patuloy na pagsirit ng presyo ng krudo.

Matapos ang isinagawang transport strike noong Marso na inilunsad ng No to Oil Price Hike Coalition, panawagan ng kilos-protesta ngayong katapusan ng buwan ang nakabubuhay na sahod na P1,200, taas-pasaheng P10, pagtanggal sa excise tax at value-added tax sa langis, rollback na P55 sa presyo ng langis, at ibasura ang Oil Deregulation Law.

“Sa bawat pagtataas ng presyo ng petrolyo, ang kaakibat niyan ay pagtaas ng mga bilihin at halos hindi na makasabay ang maliliit na sahod at kita ng ating mamamayan,”  ani Piston national president Mody Floranda.

Pumalo na sa P85 hanggang P111 kada litro ng gasolina, P100 hanggang P121 kada litro ng diesel at P116 hanggang P147 ang kerosene nitong Set. 22.

Ayon sa Piston, nasa P50 kada litro na ang dagdag-gastos sa krudo ng ordinaryong tsuper ikukumpara sa presyo bago ang nangyaring sigalot sa Kanlurang Asya noong Peb.

“Gutom ang inaabot ng mamamayan na dumadausdos ang sahod, ang tsuper na wala nang kinikita, ang maralita na di na kaya ang gastos,” dagdag ng Piston.

Samantala, sa pagtataya ng Para Commuters’ Network, muling nabawasan ng 10% hanggang 20% ng kasalukuyang public transport suplay dahil sa patuloy na pagtaas ng presyo ng petrolyo. 

Tugon dito ni Reign Desaca, spokesperson ng Para Commuters’ Network,  “Si Marcos mismo ang dagdag na bigat sa mga komyuter.”

 “Dahil sa inutil niyang pagtugon at palpak na pamumuno sa krisis sa langis, lalong humihirap ang pagkokomyut namin dahil nawawasak na ang suplay ng transportasyon,” dagdag ni Desaca.

Tinatayang nasa 70,000 hanggang 100,000 na tsuper at opereytor ang dadalo sa nasabing pambansang tigil-pasada sa buong bansa.

Maliban sa mga jeepney, nagpahayag na rin ng pakikiisa ang mga opereytor ng mga city at provincial bus at iba pang moda ng transportasyon na lubos na naaapektuhan ng walang patumanggang pagtaas ng presyo ng krudo.

Buo rin ang suporta ng mga obreronat maralita sa paglulunsad ng tigil-pasada sa pangunguna ng Kilusang Mayo Uno (KMU) at Kalipunan ng Damayang Mahihirap (Kadamay).

Patuloy na nanawagan ang mga grupo na lumahok ang mga komyuter at iba pang organisasyon sa nasabing pambansang welga ng sektor ng transportasyon.

“Ipinapaalala lang naming mga komyuter kay Marcos Jr.: araw-araw kaming sanay makibaka sa lansangan,” ani Desaca.