Analysis

Walang nananagot sa mga trapo


Upang maprotektahan at mapalawak ang interes, kinukuha ng mga elitista ang mga posisyon sa pamahalaan at ginawa itong negosyo. Nagiging warlords ang mga political family lalo na sa kanayunan.

“Kung wala ang tiwala ng taumbayan, walang tatayong pamahalaan.” —The Analects

Sa mga nakaraang taon, patuloy na lumalago ang mga political family. Ang mga political family sa Pilipinas na tinatawag na “fat dynasties”—kung saan sabay-sabay na nakapuwesto ang maraming magkakamag-anak sa gobyerno—ay dumami mula 19% tungo sa 29% sa pagitan ng 1988 at 2019. Sa kasalukuyan, nananatili pa ring dominante ang mga dinastiya sa karamihan ng mga halal na posisyon. 

Narito ang distribusyon ng mga dinastiya: 

  • Senado: 20 sa 24 senador o 83% 
  • House of Representatives: 8 sa bawat 10 district representative
  • Probinsiya: 71 sa 82 governor o 87%
  • Lungsod: 113 sa 149 city mayor o 75%

Humigit-kumulang 55% ng lahat ng lokal na posisyon sa provincial, district at municipal levels ay hawak ng mga mula sa political clans. 

Ang malapiyudal na lipunan ng bansa ang nagluluwal at nagpapatuloy sa pag-iral ng mga political family dahil ito’y nag-uugnay sa monopolistikong pagmamay-ari ng lupa at kapangyarihan ng lokal na estado. Nagiing daan ito para sa mga elitistang mga angkan na gawing hegemonya sa politika ang kanilang ekonomikong dominasyon.

Ang tradisyonal na uring panginoong maylupa at ang malalaking komprador burgesya ang kumokontrol sa pangunahing paraan ng produksiyon (karamihan ay lupa at malalaking komersyal na yaman).

Upang maprotektahan at mapalawak ang interes, kinukuha ng mga elitista ang mga posisyon sa pamahalaan at ginawa itong negosyo. Nagiging warlords ang mga political family lalo na sa kanayunan.

Sa kasalukuyan, patuloy na dumadami at tumatagal sa kapangyarihan ang mga political dynasty sa iba’t ibang henerasyon. Sa isang political dynasty, iisang pamilya ang kumokontrol sa mga posisyon sa pamahalaan sa loob ng maraming taon. Gaya ng dinastiyang Marcos na nagluwal ng dalawang pangulo at ang anak ni Marcos Jr., na nasa House of Representatives ngayon. 

Sa Senado, nagsilbing pangulo ang negosyante sa real estate na si Manny Villar; naging senador ang asawa niyang si Cynthia, at kasalukuyang senador ang kanilang mga anak na sina Mark at Camille.

Pagkatapos ng midterm election noong 2025, kontrolado ng mga political family ang 87% ng mga probinsiya, 83% ng mga distrito sa lehislatura at 75% na mga lungsod.

Mas marami nang magkakamag-anak ang sabay-sabay na tumatakbo, imbis na papalitan lang ng isa pang kaanak ang nauna. Hindi na rin sila limitado sa sariling bayan, nananalo rin sila sa ibang probinsiya at nagpapalitan ng matataas na posisyon. 

Sa harap ng tradisyonal na halalan sa bansa, nakatayo ang isang makapangyarihang makinarya ng dinastiya kung saan magkakamag-anak ang sabay o sunod-sunod na nakaupo sa gobyerno.

Mula pa noon, nakabalangkas ang halalan sa bansa sa vote buying, private armies, human o machine-election system na dahilan ng pagdami ng mga dinastiya na parang mga uod na walang tigil sa pagdami.

Malalim ang ugat ng dinastiyang pamumuno na nagsimula pa noong bago ang kolonisasyon. Ang pamumuno ng mga sinaunang tribo (mga datu at raja) ay nakabatay sa kaugnayan sa dugo at pamilya na naglatag ng batayan para sa awtoridad na nakasentro sa angkan.

Ipinakilala naman sa panahon ng Kastila ang principalia—isang uri ng lokal na elitista na binigyan ng kapangyarihang administratibo at pagmamay-ari ng lupa. Sa ilalim ng mga Amerikano, ang tinatawag naman na demokratikong halalan ay nagbigay sa mga pamilyang maylupa ng kultural at ekonomikong kapital upang lumipat o makapasok sa politikang elektoral at institusyonalisado. 

Ang tradisyonal na sistemang politika ay nakasandig sa padrino at ugnayang pampamilya. Dahil walang matibay na ideolohikal na plataporma, lumitaw ang mahina at personalistang sistema ng partido kung saan ang halalan ay naging labanan ng pangalan at makinarya imbis na batay sa plataporma.

Karamihan sa mga botante ay naghahanap ng plataporma sa halalan ngunit madalas ay wala o kulang ito. Ayon sa nangungunang survey firms tulad ng Pulse Asia at Social Weather Stations, ang halalan sa Pilipinas ay pangunahing nakabatay sa personalidad.

Gayunpaman, ipinapakita ng mga lokal na pag-aaral at issue-based surveys na lumalaki ang demand para sa kongkretong plataporma.

Halimbawa, sa mga sarbey ng Stratbase Group, malinaw na karamihan ng mga Pilipino ay naghahanap ng konkretong isyu sa plataporma ng kandidato. Umabot ng 93% na mga Pilipino ang nagsabing hinahanap nila ang mga kandidatong may plataporma sa paglikha ng trabaho at pagpapaunlad ng agrikultura. 

Ang mga pangunahing political dynasty na may kapangyarihang pambansa at rehiyonal na baseng pampolitika at magkakaugnay na interes ay kinabibilangan ng: mga Duterte (Davao); Villar (Las Piñas), Romualdez (Leyte); Tulfo (NCR/Partylist); Estrada/Ejercito (Metro Manila/Laguna); Cayetano (Taguig); Singson (Ilocos Sur); Binay (Makati City); at Villafuerte (Bikol).

Ilan sa mga pinakadominanteng “fat dynasties” at tanyag na political families ay nakapuwesto na ng 50 hanggang 100 taon o higit pa. Ito ay ang mga Marcos family na 101 taon na (1925–kasalukuyan); Sotto Family na 119 taon (Cebu at pambansa); Fuentebella family na 116 taon (Camarines Sur); at Espinosa family sa Masbate (1934-kasalukuyan); at Singson (Ilocos region) na ang patriyarka ay mula pa sa Fujian, China noong 1823.

Ang Ortega clan, 1901-kasalukuyan (La Union), ay kinilalang pinakamatandang tuloy-tuloy na lokal na political dynasty sa Pilipinas; at ang mga Aquino (Tarlac) mula 1898.

Nagsimula noong 2022 presidential election, ang ilusyon ng UniTeam ay tuluyan nang naglaho, iniwan ang tronong guguho at ang taumbayan na nadamay sa banggaan ng naghaharing uri. Sa halip na pagkakaisa, ang pamamahala sa Pilipinas ay nasa banggaan ngayon gaya ng nakasanayan sa kasaysayan. 

Ito ang dinamiko ng politika ng Pilipinas mula pa noong kalayaan noong 1946. Kaysa tumibay ang demokrasya, na siya umanong mayroon sa bansa, napapakong pangako lang ito.

Ang tunay na demokrasya ay “pamumuno ng taumbayan” sa isang sistemang pumipili ng lider sa pamamagitan ng regular, malaya, patas at kompetitibong halalan. 

Sa realpolitik ng Pilipinas, ang hidwaan sa pagitan nina Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at Pangalawang Pangulong Sara Duterte ay nagdulot ng mabigat na pinsala sa bansa.

Naging hadlang ito sa maayos na pamamahala, nagkulang sa paghahatid ng serbisyo, pagprotekta sa karapatang pantao, at sa pagbibigay ng seguridad sa mamamayan—hindi sa pamamagitan ng pamimilit, kundi sa pamamagitan ng pagtiyak sa kanilang mga karapatan: pagkain, trabaho, at tirahan.

Sa huling pagsusuri, ang mga political dynasty sa Pilipinas ay lumilikha ng mahina o halos walang pananagutan dahil nananatili ang kapangyarihan sa loob ng parehong mga ugnayang pampamilya na sumisira sistemang checks and balances. Ang pamumuno ng pamilya ay naglilibing sa demokratikong pangangasiwa. 

Ang kapangyarihang dinastiko ay nagbibigay-daan sa mga kamag-anak na sabay-sabay o sunod-sunod na maupo sa iba’t ibang posisyon sa gobyerno—halimbawa, isang magulang sa Senado at mga anak sa Mababang Kapulungan o pamahalaang lokal.

Ang ganitong konsentrasyon ng awtoridad sa Pilipinas ay lumilikha ng mahina o halos walang pananagutan dahil nananatili ang kapangyarihan sa loob ng parehong mga ugnayang pampamilya na sumisira sistemang checks and balances. Ang pamumuno ng pamilya ay naglilibing sa demokratikong pangangasiwa.

Sa Article II, Section 26 ng 1987 Constitution, inaatasan ang estado na tiyakin ang pantay na akses sa oportunidad sa paglilingkod publiko at ipagbawal ang mga political dynasty “ayon sa itatakda ng batas.”

Gayunpaman, sa loob ng halos apat na dekada, nabigo ang Kongreso na ipasa ang komprehensibong batas na magtatakda ng depinisyon, saklaw, restriksiyon at parusa laban sa dinastiya—isang pagkukulang na malapit na kaugnay sa katotohanang maraming mambabatas mismo ay kabilang sa makapangyarihang political families. 

Sa makasaysayang ruling noong Ago. 26, 2026, nagkaisang ipinahayag ng Korte Suprema na ang probisyong ito ng Konstitusyon ay hindi lang aspirasyonal kundi nagtatakda ng obligasyong mandato sa Kongreso na magpasa ng batas laban sa political dynasty.

Itinuring ng hukuman na ang 39 taong kabiguan ng Kongreso ay isang grave abuse of discretion at inutusan nito ang Kongreso na ipasa ang kaukulang batas “na may lubos na kagyat na pangangailangan” at “sa pinakamadaling panahon.” Nilinaw din ng hukuman na may kalayaan ang Kongreso sa pagtukoy ng saklaw at depinisyon ng dinastiya, ngunit wala itong kalayaan kung ipapasa ba ang batas o hindi. 

Gayunpaman, ang desisyon ay hindi awtomatikong nagdidiskuwalipika sa mga kasapi ng political dynasty mula sa pagtakbo o paghawak ng posisyon.

Ayon sa Korte Suprema, hangga’t hindi tinutukoy ng Kongreso ang depinisyon at parusa sa pamamagitan ng batas, hindi maaaring magdagdag ng bagong batayan ng diskuwalipikasyon ang Commission on Elections nang mag-isa.

Kaya’t bagama’t makasaysayan ang hakbang na ito tungo sa konstitusyonal na pananagutan, nakasalalay pa rin ang praktikal na bisa nito sa Kongreso—kung magpapasa ito ng komprehensibo at makabuluhang batas, at hindi ng batas na mahina dahil sa mga exemption, makitid na depinisyon o butas. /Unang inilathala ng Center for People Empowerment in Governance. Salin ni Donavie Gud.