Tayo ang nagbabayad sa kinulimbat na panahon at kaligtasan
Hangga’t nagsasabwatan ang mga korporasyon at ang estado, tanging sa sama-samang lakas ng taumbayan makakasilong ang karaniwang tao.
Sunod-sunod ang kalamidad sa iba’t ibang sulok ng mundo at pinagbabayaran na ng karaniwang tao ang dekadang naipon na abuso sa kalikasan ng mga naglalakihang korporasyon at mga abusadong bansa. Pero hindi ito panahon ng kawalang pag-asa. Panahon ito ng paniningil.
Sa Nepal, higit 1,300 ang nasawi habang lagpas 5,000 naman ang ‘di pa matagpuan sa mga rehiyon ng Rasuwa at Nuwakot matapos gumuho ang bahagi ng isang mountain glacier, dahilan sa pagragasa ng tubig at putik sa mga komunidad.
Nag-aalimpuyo ang galit at kalungkutan ng mga Nepalese, sabi ni Nepali climate activist Shreya KC sa Al Jazeera. Aniya, ayaw na nilang maging biktima sa krisis sa klima na sa pananaw nila ay responsibilidad ng ibang bansa. Wala pa sa 0.1% ang kontribusyon ng Nepal sa nalilikhang carbon emissions ng buong mundo.
Pero paglilinaw ng gobyerno at mamamayan ng Nepal, hindi sila manlilimos ng simpatiya at ng donasyon, maniningil sila ng danyos bilang bahagi ng hustisya pangklima.
Nagpadala na ang Nepal ng liham sa United Nations (UN) para makakuha ng $20 milyon mula sa loss and damages fund. Nasa 0.5% lang ito ng tinataya ng gobyerno na higit $4 bilyon na kailangan gastusin ng Nepal para sa pagsasaayos ng mga nawasak na imprastruktura.
Limitado lang kasi sa $20 milyon ang kada bansa na mangangailangan, at abala pa ngayon ang UN kung paano mapupunan ang kailangang pondo dahil boluntaryo lang ang pagbabayad ng mayayamang bansa, na sila ring malalaking pinagmumulan ng carbon emissions na siyang nakakapagpalala sa global warming.
Panahon ito ng paniningil at panahon rin ng masinsinang pagmamatyag. Nariyan na’t naglalabasan ang kaso para sa mga kritiko ng pandarambong sa kalikasan, tulad ng mga kaso laban sa mga indigenous leader sa Kasibu, Nueva Vizcaya, at kay Kilusang Magbubukid ng Pilipinas chairperson Danilo Ramos na mula sa Bulacan at bahagi ng Kilos Bulacan.
Sa Pilipinas, tuloy-tuloy rin ang laban sa paniningil. Nariyan ang mga survivor ng Bagyong Odette mula Cebu at Bohol ang nagsampa ng kasong sibil laban sa Shell. Unang kaso, pero hindi huli sa mga kakasuhan, ayon sa mga biktima.
Ayon sa mga survivor, pinili ng Shell at ng iba pang malalaking oil company ang pangangamkam ng yaman kaysa kaligtasan ng nakararami dahil sa kontribusyon nitong 2% ng global fossil fuel emissions.
Lumalabas rin na tahasang hinarang ng mga kompanya ang mga plano sa paglipat sa renewable energy, ayon sa report na inilabas ng Commission on Human Rights noong 2022 na “National Inquiry on Climate Change,” isa sa mga basehan ng kaso.
Sa Pilipinas pa rin, maraming kamay ang nakaturo ngayon sa San Miguel Corporation at kay Ramon Ang dahil sa sunod-sunod na mga proyektong sumisira sa kalikasan at sumasagka sa kapakanan ng mga komunidad.
Nariyan ang naudlot, pero hindi pa lubos na itinigil, na Pasig River Expressway na sinabi na ng mga siyentista na makakasama sa natitirang pag-asa ng saribuhay sa Pasig River at palibot nito.
Lubos rin ang poot ng mga residente at tanggol-kalikasan nang pagsisibakin ng San Miguel Corporation sa daan-daang puno sa Quirino Avenue sa Maynila para sa Southern Access Link Expressway. “Ecological violence” ang tawag dito ni Caritas Philippines president at San Carlos Bishop Gerardo Aminanza.
At pinakahuli na ang ‘di mapigilan at lumalakas na boses ng Kilos Bulacan laban sa pandarambong ng kaban ng bayan na litaw sa ghost flood control projects sa probinsiya, kundi pati ang pandarambong sa kalikasan dala ng mapanganib na mga proyekto tulad ng itinuturong New Manila International Airport ng San Miguel Corporation.
Walang panama sa kanila ang paliwanag ni Ang na mababa na talaga ang mga lupain sa Bulacan. Kilala nila ang kanilang mga lupain at tubigan.
Kahit walang humahagupit na ulan mula sa habagat at bagyo, nananatiling lubog sa baha ang maraming barangay sa Bulacan, kaya napilitan nang magtiyaga sa abot-tuhod o abot-baywang na baha ang mga residente. Samantala, lumaki pa ng 52% ang core net income ng korporasyon, sumatotal na P79.5 bilyon noong 2025.
Panahon ito ng paniningil at panahon rin ng masinsinang pagmamatyag. Nariyan na’t naglalabasan ang kaso para sa mga kritiko ng pandarambong sa kalikasan, tulad ng mga kaso laban sa mga indigenous leader sa Kasibu, Nueva Vizcaya, at kay Kilusang Magbubukid ng Pilipinas chairperson Danilo Ramos na mula sa Bulacan at bahagi ng Kilos Bulacan.
Hangga’t nagsasabwatan ang mga korporasyon at ang estado, tanging sa sama-samang lakas ng taumbayan makakasilong ang karaniwang tao.