Lehitimong tanong, hindi ‘tsismis,’ sa badyet ng 2027
Dumaan na sa mga debate ng plenaryo ng Kamara ang panukalang badyet para sa 2027. Ngunit napakarami pa ring tanong sa imprastruktura, flood control at confidential funds. Inuulit lang ba ng adminstrasyon ang noon pang pinuna ng marami?
Tinawag ng Department of Budget and Management (DBM) na “tsismis at fake news” ang nagsasabi na “infrastructure at pambayad-utang lang ang proposed 2027 budget.”
May karapatan naman magtanong at mangamba ang taumbayan, sabi ng maraming nagbabantay sa badyet, base na lang sa ‘di pa nareresolbang pangungurakot ng mga pondo sa flood control, at sa datos na galing na mismo sa gobyerno.
“Dahil po sa korupsiyon, dahil rin po sa inflation, ang nawala sa ating ekonomiya mula Q2 [o ikalawang kapat] ng 2025 is P2.7 trilyon in terms of actual losses and opportunity losses,” sabi ni Senate President Sherwin Gatchalian sa talakayan sa komite na nilikha ng Senado para sa pagsalba sa ekonomiya.
Katumbas sana ng nasayang na P2.7 trilyon ang pondo na laan para sa edukasyon, kalusugan, pabahay at social protection para sa 2027.
Sa Kamara mismo, hindi makampante ang mga miyembro ng minorya.
“Kumpirmado pa rin na nanatili ‘yong sistema ng ‘allocables’ at leadership fund. Ang pinakaebidensiya niyan ay ‘yong P20 bilyon na amendments na gagawin sa DPWH projects,” sabi ni Deputy Minority Leader at ACT Teachers Partylist Rep. Antonio Tinio sa press conference ng Makabayan Coalition, Okt. 1, ilang araw bago ang final reading sa Kamara ng panukalang badyet.
Naidagdag ng mga kongresista sa panukalang badyet ang P20 bilyon at iba pang pag-amyenda na ‘di pa lubos na naisisiwalat sa publiko. Sabi ni Tinio, “ang panawagan natin, dapat ilabas ang listahan ng proponents sa mga projects para malinaw ang accountability.”
Detalyadong dokumento
Transparency o ang pagsiwalat ng mahahalagang dokumento at mga pangalan ang isa sa mga dumadagundong na panawagan ng mga bantay-badyet.
Nanawagan si Tinio ng detalyadong committee report tungkol sa mga inamyendahan sa pondo. Aniya, kailangan ilabas ng Budget Amendments Review Subcommittee (BARSc) itong report “para transparent sa lahat ng miyembro at sa publiko kung ano ba ‘yong binago at kinalikot sa badyet.”
Sa panayam ng Pinoy Weekly, sinabi ni David Michael San Juan, convenor ng Kilusang Bayan Kontra Kurakot, na hindi sapat ang livestream ng BARSc kung pagbabatayan ang nangyari noong nakaraang taon na aniya’y pagpapakita lang sa screen ng mga sumatotal. Lalo na’t trilyon ang badyet sa imprastruktura at nagbabalik ang pondo para sa mga flood control project.

Sa kasalukuyan, nasa P1.5 trilyon ang panukalang badyet ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. para sa imprastruktura. Mas malaki ito sa alokasyon na P1.1 trilyon para sa edukasyon, P546 bilyon para sa social protection, P345.9 bilyon para sa kalusugan at P14.4 bilyon sa housing.
Ayon sa People’s Budget Coalition, kailangan bantayan ang gastos sa imprastruktura na bahagi ng tinatawag na “hard pork.” May P970 bilyon nang namataan na red flag ang grupo mula sa “hard pork, soft pork, shadow pork, local pork, kasama ang mga red flag sa [Office of the President, Congress at Office of the Vice President].”
“Dapat tanggalin ng Kongreso at ng Pangulo ang mga insertion na walang sapat na attachments,” sabi ng koalisyon.
Nanindigan ang gobyerno na dadaan sa “intense vetting” ang bawat proyekto. Napirmahan na rin ng DBM at ng Ombudsman ang isang kasunduan para mas mabilis na makuha ng Ombudsman ang datos ukol sa procurement at iba pang datos na kailangan para sa mga imbestigasyon.
“‘Intense vetting’ pagkatapos nang maapprove ng budget? Para sa [KBKK] ang unang proseso ng intense vetting ay intense auditing,” sabi ni San Juan ukol sa mga proyekto pang-imprastruktura partikular sa nagbabalik na pondo para sa flood control na wala noong 2025.
Ginastos noon

Ayon kay San Juan, dapat zero ang badyet para sa flood control, para sa confidential at intelligence funds at para sa unprogrammed appropriations. “Hindi pa nga nila naipapaliwanag paano naubos ang naunang badyet,” aniya.
Kaliwa’t kanan ang naisiwalat noon na anomalya sa pondo ng 2024. Sa Barangay San Roque, Tacloban City, binigyan ng alokasyon na P100 milyon ang isang kalsada na nasa 0.287 lang ang haba, o katumbas na gastos na P340,000 kada metro. Nasa P15,000 lang kada metro ang kailangan, ayon na mismo sa DPWH.
Mayroon mang mga paunang hakbang tulad ng pagtatag ng Independent Commission for Infrastructure (ICI) matapos ang naisiwalat na talamak na korupsiyon sa mga proyektong pang-imprastruktura, at pagpapakulong sa mga tulad nina Bong Revilla, Jinggoy Estrada, mag-asawang Discaya at iba pa, marami pa umanong kailangang gawin ang administrasyong Marcos Jr. para patunayang nangyari ang lahat para sa kapakanan ng taumbayan at hindi ng ganansya sa politika.
Natapos ang anim na buwang operasyon ng ICI noong Marso at opisyal na nitong ipinasa lahat ng dokumento at pagsisiyasat sa Ombudsman at Department of Justice (DOJ). Sa kabila ng mga rekwes para sa datos, tulad ng freedom of information request ng KBKK noong Agosto, hindi pa naisasapubliko ang kabuuan ng pinag-aralan ng komisyon.
Sa kasalukuyan, nasa P841 milyon pa lang ang narekober mula sa mga kickback sa flood control ayon sa DOJ noong Hulyo.
Kasama ang publiko
Kaya ang panawagan ng People’s Budget Coalition, padaluhin ang mga independent organization sa BARSc para masinsin ang talakayan ng mga kongresista sa mga pag-amyenda sa batas. Sabi ng KBKK, hindi mangangalampag ang mga grupo at komunidad kung simula’t sapul bahagi na sila ng pagpaplano.
“Kilos Bulacan ang patunay na walang consultation with the communities,” sabi ni San Juan. Kung mayroong konsultasyon, sapat na siyentipikong pag-aaral, itemized at transparent na badyet, aniya, bakit kailangan maningil ng pansin ng karaniwang tao. Nabuo ang Kilos Bulacan matapos ang nag-aalimpuyong galit ng mga residente na higit dalawang linggo nalubog sa baha.
At sa kabila ng mga pangako ng administrasyon sa isang mas transparent na gobyerno, nariyan pa rin “parliamentary courtesy” na nagagamit para dumaan lang sa 18 minuto ang talakayan para sa hiling na badyet ng Office of the President kung saan naroon ang pinakamalaking tipak ng confidential and intelligence funds na P4.55 bilyon sa P10.7 bilyon para sa buong gobyerno.
“Kung mayroon talagang transparency, dapat isapubliko ng pangulo ang detalyadong accomplishment reports para sa higit P18.2 bilyon na confidential and intelligence funds mula 2023 hanggang 2026,” sabi ni Tinio.
Ayon pa sa kongresista, kailangang diretso ang pondo sa mga serbisyong pampubliko, imbis na tinging naipapamahagi gamit ang ayuda.
Halimbawa ng ayuda ang makukuha sa Department of Social Welfare and Development na AICS o Assistance to individuals in Crisis Situations program, na dinagdagan ng subpanel ng Kamara ng P25.8 bilyon mula sa panimulang P33 bilyon sa National Expenditure Program.
Madaling abusuhin at batbat ng mga isyu sa korupsiyon at palakasan ang ayuda, sabi ni dating DSWD Secretary Judy Taguiwalo sa panayam ng Ibon Foundation.
“Ang explanation [ng gobyerno], nag-increase [daw] ang amount ng assistance. But definitely, sa karanasan namin, at kung bakit ako naligwak, nalaman natin na may cuts sila [Congress] diyan eh,” sabi ni Taguiwalo.
Sa mga barangay na nabisita nila sa Mindanao at as Bicol, partikular ang mga benepisyaryo ng 4Ps, naikukuwento rin sa kanila na mas gusto sana makahanap ng trabaho kaysa makatanggap ng ayuda ng mga residente. Ganitong pakikilahok sa proseso ng badyet at ekonomiya ang panawagan ng marami. /May ulat ni Donavie Gud