Rebyu

‘No Other Land’ at ang kamera bilang sandata ng paglaban 


Sinusundan ng pelikula si Basel Adra habang idinodokumento ang marahas na pagpapalayas at pagwasak sa kanilang lupang sinilangan.

Exterior. Gabi. Nagda-drive pauwi si Basel Adra, 30, isang Palestinong mamamahayag. Sa telepono, maririnig ang mga boses na hinahanap at pinapauwi na siya. May mga sundalo raw sa paligid. 

Madaratnan ni Adra at ng kanyang kasamahan ang checkpoint ng militar sa gitna ng daan. Hawak ang kanyang video camera, bababa si Adra, alerto at kabado. 

Cut to. Yabag ng mga armadong sundalong papunta sa isang bahay. “Limang taon ako, inaresto ang aking ama,” ani Adra. Cut to. Pinapalayas ang mga sundalo. Ang pitong taon na si Adra ay kasama ng kanyang ina at iba pang kaanak sa lambak na kanilang pinaglalaban. 

Ito ang ilan sa mga maseselan na eksena at imahen sa pelikulang “No Other Land” (2024), isang 95 minutong dokumentaryo tungkol sa kinakaharap na agresyon ng mga Palestino sa Masafer Yatta, isang kumpol ng mga nayong Palestino sa Okupadong West Bank, sa mga burol sa timog ng Hebron, mula sa mga sundalo at settler na Israeli. 

Idineklara ng militar ng Israel na “firing zone” ang lugar, kaya nakatakdang gibain ang mga bahay, paaralan at buong komunidad ng Masafer Yatta. Sinusundan ng pelikula si Adra habang idinodokumento niya ang marahas na pagpapalayas at pagwasak sa kanilang lupang sinilangan.

Ginawa ito ng apat na magkakasama: sina ang Palestinong filmmaker na si Adra, cameraman na si Hamdan Ballal, ang Israeling mamamahayag na si Yuval Abraham at ang Israeling cinematographer na si Rachel Szor.

Sunod-sunod at malupit ang mga insidente ng pagpapalayas. Binubuldoser ng mga sundalo ang mga bahay habang walang magawa ang mga residente. 

Binaril ng sundalo ang kapitbahay na si Harun dahil tumutol sa paggiba ng kanilang bahay at naging paralisado.

Sa kuweba sumisilong ang iba pang pamilyang giniba ang bahay na anila’y dating tirahan ng kanilang mga ninuno. Sunod-sunod ang pag-aresto, kabilang muli ang ama ni Adra. Sa kabila ng dekadang karahasan, nanatiling matatag at matapang sina Adra laban sa palagiang banta ng mga Israeli. 

Si Basel Adra (kaliwa), isang Palestino, at Yuval Abraham (kanan), isang Israeli. Pareho silang mamamahayag at direktor ng pelikula. Still mula sa “No Other Land”

Sinusundan ng kamera ang araw-araw na nangyayari kay Adra: mga komprontasyon sa sundalo, mga eksena ng karahasan, pamamaril at bulyawan, biglaang pagiging magulo ng galaw ng kamera at putol ng eksena kapag kailangang tumakbo mula sa tensiyon.

Ang paghahabi ng mga eksena ni Adra noong bata pa siya ang nagbibigay ng emosyonal na gulugod ng pelikula. Mula sa pagdokumento ng mga pangyayari, nagiging larawan ito ng mahabang pagharap ng kaniyang pamilya sa agresyon at banta ng pagpapapalayas. 

Si Adra ang paksa at tagakuwento, malinaw sa kanya na ang pagdodokumento ay anyo na rin ng pagtatanggol sa kanyang komunidad at lahi. Si Abraham, ang Israeling mamamahayag, ang tensiyon ng pelikula. Malaya siyang nakakakilos, dala ang pasaporte ng mananakop at iba ang trato sa kanya ng mga sundalo at batas na lumalabag sa karapatan sa kanyang kaibigan.

Tapat na pinapakita ng pelikula ang relasyon ng dalawa at paglalim nito mula sa pagharap nila sa sunod-sunod na komprontasyon sa mga sundalong Israeli at layuning pigilan ang paninira at pagpapalayas sa mga Palestino. 

Mahusay din ang pagkakabuo nito sa teknikal na aspekto. Daan-daang oras ng footage ang hinubog tungo sa malinis na salaysay ng pagkakaibigan, pagkawala at paglala ng agresyon. Tampok na pahinga sa pelikula ang sandali ng tawanan, sama-samang pagkain at malalim na kuwentuhan ng mga karakter. 

Pinagpapatuloy rin ng “No Other Land” ang sinimulan ng Third Cinema nina Fernando Solanas at Octavio Getino, mga anti-imperyalistang direktor mula Argentina. Itinakwil nito ang Hollywood bilang “First Cinema” ng komersiyal na espektakulo at ang auteur-driven na art film bilang “Second Cinema” na nakasentro pa rin sa indibidwal.

Para sa mga kinolonya at pinagkaitan, ang Third Cinema ay sine na ginawa kasama at para sa mga taong nakikibaka para lumaya sa mga kolonyalista, kung saan ang pelikula ay hindi bagay na ikokonsumo kundi kasangkapan upang pukawin ang talakayan, pag-oorganisa at pagkilos.

Akma rito ang “No Other Land” at pinatatalim pa nito ang tradisyon. Ginawa ito ng mga taong nasa ilalim ng nangyayaring henosidyo, sa gitna mismo ng laban at nakatuon ang distribusyon nito sa pagbabago ng isip ng mga nasa ibang bansa, kung saan pinopondohan, sinasandatahan at binibigyang-katwiran ang henosidyo.

Nanalo man ang pelikula ng gantimpala sa dokumentaryo sa Berlinale at kalaunan ng Academy Award, ngunit nagpatuloy pa rin ang karahasang itinatala nito lampas sa screen. Inatake at ikinulong si Ballal noong 2025 at pinatay ng isang settler si Awdah Hathaleen, isang aktibistang lumilitaw sa pelikula.

Sa panonood nito malapit sa ikatlong anibersaryo ng Al-Aqsa Flood sa Okt. 7, paalala ang pelikula na hindi nagsimula o natapos sa araw na iyon ang karahasan ng okupasyon. Pang-araw-araw na ito sa mga lugar tulad ng Masafer Yatta at nagpapatuloy ito ngayon.

Para sa manunulat, mahirap panoorin ang “No Other Land”. Ang mga eksena ng pasismo at karahasan ng militar ay nagpaalala sa mga pagpatay sa mga Lumad, sa panggigipit sa mga lumahok sa Lakbayan at protesta, at sa paggiba ng mga tahanan ng maralitang lungsod, kung saan pinalalayas ang mga pamilya sa kanilang komunidad habang tinatawag ito ng mga awtoridad na kaunlaran o kaayusan.

Pero naiintindihang kailangan itong kunan at gawing kuwento at pelikula. Ang kamera ay ebidensiya, pag-alala at sandata nang sabay.

Hindi lang bintana kung saan puwede ka lang sumilip ang kamera para sa “No Other Land”, kundi kasangkapan ito ng pakikibaka. Hinihingi nitong pagpasyahan ng manonood kung ano ang gagawin sa kanyang nakita.

Ang hamon na iyon, higit sa anuman, ang nagbibigay halaga at bigat sa paggawa at panonood ng pelikula katulad nito.