Handang makipag-usap, kahit dinededma


Sa isang porum ng mga taong-simbahan kamakailan, inilatag ni Luis Jalandoni na punong negosyador ng mga rebeldeng komunista ang mga paraan para magtuloy ang usapang pangkapayapaan. Kailangan na lang basagin ng administrasyong Aquino ang katahimikan nito – at manindigan para sa kapayapaang nakabatay sa hustisyang panlipunan.

Si Bishop Deogracias Iniguez Jr. ng Pilgrims for Peace, nagsalita sa pagsisimula ng porum na nilahukan ni Luis Jalandoni sa pamamagitan ng webcast. (Macky Macaspac)
Si Bishop Deogracias Iniguez Jr. ng Pilgrims for Peace, nagsalita sa pagsisimula ng porum na nilahukan ni Luis Jalandoni sa pamamagitan ng webcast. (Macky Macaspac)

Nakakabingi ang katahimikan ng administrasyong Aquino sa usapin ng pakikipagnegosasyon sa mga rebeldeng komunista.

Sa kabila nito, umalingawngaw ang pagdeklara nito ng ekstensiyon ng kinasusuklamang magdungong programang kontra-insurhensiya, ang Oplan Bantay Laya. Umabot na rin sa pito ang mga di-armadong aktibistang napapaslang mula nang manungkulan si Pang. Benigno “Noynoy” Aquino III.

At kung pagbabatayan ang naganap na porum ng Pilgrims for Peace (alyansang pangkapayapaan ng mga taong-simbahan) sa University of Sto. Tomas noong Setyembre 15, masasabing sadya ang pananahimik na ito. Ayon sa naturang grupo, sa kabila ng isang buwang imbitasyon kay Sek. Teresita Deles, presidential adviser on the peace process, hindi siya sumipot o sinumang kinatawan niya. Tahimik din ang ahensiya sa magiging komposisyon ng negotiating panel ng administrasyong Aquino sa pakikipagnegosasyon sa National Democratic Front of the Philippines (NDFP o NDF), na siyang grupong kumakatawan sa mga rebelde sa mga negosasyon.

Panauhin, mula sa malayo

Gayunman, nandoon si Luis Jalandoni, tagapangulo ng NDF Peace Panel. Kahit na nasa kabilang dako ng mundo, nakilahok si Jalandoni sa porum sa pamamagitan ng webcast.

Sa porum, binigyang diin ni Jalandoni ang matagal nang sinasabi niya at iba pang rebeldeng lider: Na handa umano ang rebolusyonaryong kilusan sa muling pagbubukas ng usapang pangkapayapaan sa gobyerno ng Republika ng Pilipinas (GRP), na natigil sa panahon ng administrasyong Arroyo.

Inilinaw ni Jalandoni na ang pagbabalik sa usapang pangkapayapaan ay dapat na nakabatay sa mga naunang kasunduan na nakasaad sa The Hague Joint Declaration noong 1992. Binigyang-diin ni Jalondoni ang kahalagahan ng The Hague Joint Declaration dahil nakapaloob dito ang mga mahahalagang prinsipyo ng mutual respect and reciprocity na sinang-ayunan ng magkabilang panig.

Matapos ang The Hague Joint Declaration, ipinatibay ito sa mga sumunod na kasunduan tulad ng Joint Agreement on Safety and Immunity Guarantees (Jasig) noong Pebrero 1995, Joint Agreement on the Formation on Sequence and Operationalization of the Reciprocal Working Committees (RWCs) noong Hunyo 1995; The Supplemental Agreement noong Marso 1997 at ang Comprehensive Agreement on Respect for Human Rights and International Humanitarian Law (Cahrhihl) noong Marso 1998. Sinundan pa ito ng mga kasunduan tulad ng Oslo Joint Statement 1 at 2 noong Pebrero at Abril 2004, na nagbukas sa pagtatayo ng Joint Monitoring Committee at ng Joint Secretatriat na sinusuportahan ng gobyerno ng Norway.

Inilinaw din ni Jalandoni na sa kasunduang The Hague, na nagkaisa ang magkabilang panig na hindi pwedeng magtakda o kaya ay humiling ng pagsuko ng sinuman. Bagkus, maghanap ng solusyon sa pamamagitan ng negosasyon upang lutasin ang ugat ng armadong tunggalian, sa pamamagitan ng pundamental na panlipunan, ekonomiya, pampulitika at konstitusyunal na pagbabago. “Wherever the roots of armed conflict are not addressed and resolved and one party wants to impose capitulation or merely maneuvers to either destroy militarily or split the resistance movement, no just and lasting peace is achieved,” paglilinaw ni Jalandoni.

Idinagdag din niyang nakapaloob na sa The Hague Declaration ang mga adyenda sa usapang pangkapayapaan sa pagitan ng GRP at NDF. Ito ang mga usapin sa karapatang pantao at mga internasyunal na humanitarian law; ekonomiya at panlipunang pagbabago; pulitikal at konstitusyunal na pagbabago; at pagtigil ng tunggalian at disposisyon ng mga puwersa. Ayon sa punong negosyador ng NDF, nakaayos ayon sa wastong pagkakasunud-sunod batay sa mga kasunduan ng Reciprocal Working Committee noong 1995 at 1997 ang mga kongkretong detalye ng pagsasagawa ng mga adyendang ito.

Paglabag sa mga kasunduan

Inilahad din ng NDF na isa sa dahilan ng patuloy na pagkakaantala ng negosasyon ay ang paglabag ng GRP sa Carhrihl at Jasig, lalo na sa panahon ni dating Pangulong Arroyo.

Ayon kay Luis Jalandoni, tinututulan ng NDF ang anumang paglihis sa mga naitakdang balangkas ng negosasyong pangkapayapaan batay sa The Hague Declaration. “Ang lahat ng pagtatangka na ilihis ang GRP-NDF peace negotiations sa tamang landas, maging sa pamamagitan ng paghiling ng lahatang-panig at malawakang tigil-putukan bago ang kasunduan sa mga pundamental na pagbabago, huwad na programang amnestiya o ang tinatawag na social integration program at ang disarmament, demobilization, reintegration  framework, ay paglabag sa mga prinsipyong nakalahad sa The Hague Joint Declaration,” aniya.