Eleksiyon 2010: Diskarte sa panlipunang serbisyo ng susunod na pangulo


Taun-taon, naglalaan ang gobyerno ng pinakamalaking bahagi ng badyet para sa pagbayad ng utang panlabas. Taun-taon din, unti-unting tinatapyasan ang badyet para sa batayang mga serbisyong panlipunan tulad ng edukasyon, kalusugan at pabahay. May bago bang ipinapangako ang mga kandidato sa pagkapresidente?

Ito ang ikapito sa serye ng mga artikulo sa Pinoy Weekly hinggil sa mga isyung bayan at ang mga paninindigan ng mga kandidato sa pagkapangulo hinggil dito. Maglalabas kami ng serye ng mga artikulong tulad nito hanggang sa bisperas ng eleksiyon sa Mayo 10, 2010. Layunin ng seryeng ito na ilantad sa publiko ang paninindigan at rekord ng bawat kandidato sa pinaka-mahahalagang isyu ng bansa. Batay dito, maaaring mahusgahan natin ang pipiliing kandidato para mamuno sa atin sa sunod na anim na taon.

***

\Pagsusunog ng mga upuan sa Politeknikong Unibersidad ng Pilipinas: protesta laban sa pagpapabaya ng gobyerno sa sektor ng edukasyon. (Arkibong Bayan)
Pagsusunog ng mga upuan sa Politeknikong Unibersidad ng Pilipinas: protesta laban sa pagpapabaya ng gobyerno sa sektor ng edukasyon. (Arkibong Bayan)

Isa sa pinakalantad na palatandaan ng pagkayupapa ng bansa sa dayuhang kontrol ang estado ng panlipunang serbisyo ngayon. Kasi naman, lahat ng dayuhang pampinansiyang mga ahensiya na pinagkakautangan at/o kinapapalooban ngayon ng gobyerno ay may kondisyong dapat bawasan ang gastos o isapribado ang pagbibigay ng mga serbisyong ito. Mula World Bank at International Monetary Fund hanggang World Trade Organization, lahat ay nagtutulak sa ating pamahalaan at sa mga pamahalaan ng iba pang maralitang mga bansa na nakapailalim sa kanila na buksan ang industriya ng pagbibigay serbisyo sa dayuhang kapital.

Kung kaya, hindi kataka-taka na magmula panahon ni Ferdinand Marcos hanggang kay Arroyo, papaunti ang inilalaang badyet ng gobyerno para sa edukasyon, kalusugan, at pabahay. Samantala, papalaki ang utang at papalaki ang bahagi ng badyet na inilalaan sa pagbayad sa utang.

Tingnan na lamang ang napakalaking diperensiya: Ayon sa Ibon Foundation, P6.35 lamang ang ginagastos ng gobyerno sa edukasyon ng bawat Pilipino ngayong taon. Umabot sa P1.10 naman ang ginagastos nito sa kalusugan ng bawat Pinoy, at 16 sentimos sa pabahay ng bawat Pinoy. Samantala, gumagastos naman ang gobyerno ng P21.75 sa bawat Pilipino para sa pambayad ng utang panlabas.

Sa mga patalastas ng mga kandidato sa pagkapresidente ngayon, madalas na naisasambit ang mga salitang “edukasyon,” “kalusugan” at “pabahay.” Aasikasuhan daw nila ang pagpapaunlad ng tatlong serbisyong panlipunan na ito. Pero ano ang totoong tindig nila sa serbisyong panlipunan? Ipagpapatuloy ba nila ang tila bulag na pagsunod sa dikta ng dayuhang mga ahensiyang pampinansiya? O pangungunahan nila ang pagtalikod dito?

Malabo

Sa lahat ng mga kandidato sa pagkapresidente, si Sen. Noynoy Aquino ang walang malinaw na tindig hinggil sa debt servicing at paglaan ng badyet sa serbisyong panlipunan. Wala ring malinaw na posisyon si JC delos Reyes hinggil dito, bagamat dati na niyang sinabing kailangang tukuying kung aling utang panlabas ang “kailangang bayaran” at alin ang maaaring pakiusapan kung puwedeng hindi na bayaran.

Samantala, malinaw naman ang tindig ni Gilbert Teodoro sa isyu ng paglaan ng badyet sa serbisyong panlipunan: panatilihin kung ano ang nakagawian. Bilang kongresista, konsistent niyang ipinaglaban ang pagtaas ng badyet sa militar, na pinakamalaking bahagi ng badyet na ipinaglalaanan matapos sa pambayad-utang.

Naniniwala si Teodoro na “mabuti” ang pangungutang sa labas, hangga’t mainam na nagagamit at nailalaan ang pondo na inuutang.

Para naman kay Nicanor Perlas III, kailangang tukuyin kung alin sa mga utang panlabas ang “lehitimo” at alin ang “elihitimo.” Kung magwagi bilang pangulo, sinabi niyang pagtatrabahuan niya ang pagtanggal ng awtomatikong paglalaan ng pondo para sa pambayad sa “elihitimong” mga utang.