Manggagawa

Tatlong lider-obrero ng KMU, sinampahan ng ‘gawa-gawang mga kaso’


Ipinanawagan ng Kilusang Mayo Uno (KMU) ang pagbasura sa “gawa-gawang” mga kaso laban sa tatlong opisyal nito. Panghaharas umano ito ng administrasyong Aquino sa mga lider-manggagawa, ayon sa grupo.  Ang tatlong lider-obrero na sinampahan ng gawa-gawang kaso ay sina Ronald Ian Evidente ng Negros; Hermenegildo Marasigan, lider ng Pagkakaisa ng Manggagawa sa Timog Katagalugan (Pamantik-KMU); […]

Roy Velez, kaliwa, ng KMU-National Capital Region, kasama ang progresibong artista na si Monique Wilson. (Arkibong Bayan)
Roy Velez, kaliwa, ng KMU-National Capital Region, kasama ang progresibong artista na si Monique Wilson. (Arkibong Bayan)
Roy Velez, kaliwa, ng KMU-National Capital Region, kasama ang progresibong artista na si Monique Wilson, noong International Migrants Tribunal sa UP College of Law noong Nobyembre 2012. (Arkibong Bayan)

Ipinanawagan ng Kilusang Mayo Uno (KMU) ang pagbasura sa “gawa-gawang” mga kaso laban sa tatlong opisyal nito.

Panghaharas umano ito ng administrasyong Aquino sa mga lider-manggagawa, ayon sa grupo.  Ang tatlong lider-obrero na sinampahan ng gawa-gawang kaso ay sina Ronald Ian Evidente ng Negros; Hermenegildo Marasigan, lider ng Pagkakaisa ng Manggagawa sa Timog Katagalugan (Pamantik-KMU); at Roy Velez ng KMU-National Capital Region.

Ayon sa KMU, magkahiwalay na kinasuhan sina Evidente at Velez ng  robbery at multiple murder na iniuugnay sa mga gawain ng rebeldeng New People’s Army (NPA).

Si Marasigan nama’y sinampahan ng kasong assault and slight physical injury matapos magkaroon ng kaguluhan sa isang protesta laban sa militarisasyon sa Cabuyao, Laguna.

“Sa halip na igalang ang karapatan ng mga manggagawa, hinaharas ng gobyerno ni Aquino ang mga lider na nakikibaka para dito. Ginagamit nito ang taktika ng (nagdaang) rehimeng Arroyo para pahinain ang kilusang paggawa,” pahayag ni Elmer Labog, tagapangulo ng KMU.

Kinasuhan si Evidente kaugnay ng isang reyd sa Sagay City, Negros  Occidental noong Hulyo, 16, 2011.  Napag-alaman lang ni Evidente na may warrant of arrest siya na may petsang Enero 20, 2012, nang  arestuhin ang kapwa akusado niyang si Christian Tuayon, pangkalahatang kalihim ng Bagong Alyansang Makabayan-Negros, noong Abril.

Napag-alaman naman ni Velez noong Disyembre 5 na kasama siya sa kasong isinampa sa dalawang organisador ng Confederation for Unity, Recognition and Advancement of Government Employees (Courage) sa Camarines Sur.

Ibinibintang naman sa kanila ang isang reyd ng NPA sa bayan ng Labo, Camarines Sur noong Abril 29.

Samantala, noong pang Agosto nalaman ni Marasigan ang warrant of arrest laban sa kanya. Panahong ito nang imbitahan siya ng mga pulis sa kanilang bahay at inimbitahan sa presinto.

Sinabi pa ni Elmer Labog, tagapangulo ng KMU, na pawang walang mga batayan ang isinampang kaso laban sa tatlo. Nais lamang umano nitong pigilang makagampan ng mga lider-militante ang kanilang mga tungkulin sa mga kapwa nila manggagawa at iba pang mahihirap na mga mamamayan.

“Napaka-imposibleng magawa ng aming mga lider ang mga krimen na ibinibintang sa kanila,” sabi pa ni Labog.

Sinabi pa ng KMU na aktibo at napakabilis umanong magsampa ng gawa-gawang kaso ang administrasyong Aquino laban sa  mga lider-obrero at mga aktibista pero wala naman itong ginagawa para mabigyan ng katarungan ang mga biktima ng paglabag sa karapatang pantao.

“Pinapakilos niya ang  mga kapulisan at militar laban sa mga aktibista. Samantala, hindi naman niya mapahuli ang mga lumalabag sa karapatang pantao tulad ni (Hen. Jovito) Palparan,” sabi pa ni Labog.

Tinutukoy ni Labog ang retiradong heneral ng Philippine Army na kinaakusahang maysala sa maraming kaso ng paglabag sa mga karapatang pantao sa iba’t ibang bahagi ng bansa.