Kababaihan Main Story Pambansang Isyu

Kumusta ang kababaihan sa ilalim ng administrasyong Aquino?


Patuloy na krisis at kapabayaan. Ganito ilarawan ng kababaihan ang kanilang kalagayan sa ilalim ng administrasyong Aquino sa mahigit apat na taong panunungkulan nito. Habang patuloy umanong pinababayaan ng gobyerno ang mga naging biktima ng bagyong Yolanda, patuloy din ang bagyong idinudulot ng administrasyon sa kababaihan at mga mamamayan sa taas-presyo ng mga bilihin at […]

Di-bababa sa 12,000 kababaihan at kalalakihan ang nagmartsa kontra sa administrasyong Aquino noong Pandaigdigang Araw ng Kababaihan. <strong>Macky Macaspac</strong>
Di-bababa sa 12,000 kababaihan at kalalakihan ang nagmartsa kontra sa administrasyong Aquino noong Pandaigdigang Araw ng Kababaihan. Macky Macaspac

Patuloy na krisis at kapabayaan. Ganito ilarawan ng kababaihan ang kanilang kalagayan sa ilalim ng administrasyong Aquino sa mahigit apat na taong panunungkulan nito.

Habang patuloy umanong pinababayaan ng gobyerno ang mga naging biktima ng bagyong Yolanda, patuloy din ang bagyong idinudulot ng administrasyon sa kababaihan at mga mamamayan sa taas-presyo ng mga bilihin at korupsiyon sa gobyerno.

Kaya naman paniningil ang kanilang tugon sa umano’y kapabayaan na ito, sa pagdiriwang ng Pandaigdigang Araw ng Kababaihan noong Marso 8 na nilahukan ng libu-libong kababaihan at mga mamamayan.

“Sa panahon ngayon, tumitindi ang mga atake sa kabuhayan, sa karapatan ng kababaihang anakpawis, lalong kinakailangang gunitain ang Marso 8 at gamitin ito bilang nararapat na araw na inihahayag ng kababaihan ang kaniyang mga suliranin at kahingian, at pagpapanagot sa pamahalaan,” ayon kay Joms Salvador, pangkalahatang-kalihim ng Gabriela, sa panayam ng Pinoy Weekly.

Insulto sa mga biktima

Kasabay ng nasabing pagdiriwang ang ikaapat na buwan mula nang salantahin ng bagyong Yolanda ang Eastern Visayas na ikinasawi ng libu-libong mamamayan. Pero walang makabuluhang nagawa ang gobyerno sa mga biktima hanggang ngayon, ayon sa People Surge, grupo ng mga survivor ng Yolanda.

Insulto umano ang ginawa ni Aquino sa mga biktima ng Yolanda apat na buwan mula nang humagupit ang bagyo tulad ng ginawa niyang pamimigay lamang ng kendi sa mga biktima nang huling sa Eastern Visayas ang pangulo.

“’Yung pagpunta namin sa Malakanyang na hindi kami pinansin. Ang pag-insulto niya na hindi na dapat pumanta na raw sa kanya at hindi na lang maghanapbuhay. Hindi na dapat niya ginagawa, nahirapan na nga pagpunta ng Maynila para lang maipaabot sa kanya tapos ganoon lang ang gagawin,” ayon kay Sis. Edita Eslopor, tagapagsalita ng People Surge, sa panayam ng Pinoy Weekly.

Wala pa umanong naging tugon si Aquino mula nang kanilang dalhin sa Malakanyang kanilang petisyon noong ika-100 araw mula nang manalasa ang bagyo.

“Pero pang-iinsulto ang ibinibigay nya sa amin. Para sa kanya insignificant kami,” ayon kay Eslopor.

Pinaghati-hatian na rin umano ng malalaking negosyante ang rehabilitasyon ng mga nasalanta na nagtataboy sa mga mamamayan sa kanilang mga tirahan tulad ng polisiyang “No Build Zone.”

“Paalisin ang mga tao sa lugar. Ang kanilang rason para mailayo ang mga tao sa kalamidad. Pero sa totoo lang para makapagpatayo sila ng malalaking infrastructure. Ang no built policy ay isang outright land grabbing,” ayon kay Eslopor.

Korupsiyon at krisis

Walang isyu ng bayan na hindi apektado ang kababaihan.

Ganito inilalarawan ni Gabriela Rep. Emmi de Jesus ang pagpapahirap sa kababaihan ng administrasyong Aquino, partikular sa kriminal na kapabayaan ni Aquino sa mga biktima ng bagyong Yolanda.

Pagpapatuloy lamang umano ng pagpapahirap sa kababaihan ang mga patakarang isinusulong ni Aquino. Sa Kamara, bubuksan na umano sa plenaryo ang constitutional amendments na magbibigay ng malaking puwang sa mga dayuhan na lalo umanong magpapahirap sa kababaihan.

“Ang salalayan ng karahasan sa kababaihan ay ang kabuuang istrukturang panlipunan at pang-ekonomiya na siyang (si Aquino) may hawak ng mataas na kapangyarihan. Kailangang ilantad ang pagpapatuloy (ni Aquino) ng deregulasyon, pribatisasyon, at liberalisasyon na nakikita kung sino talaga ng pinaglilingkuran ni Aquino,” ayon kay De Jesus, sa panayam ng Pinoy Weekly.

Kabilang sa mga nagpapahirap umano ngayon sa mga kababaihan ang pagsasapribado ng mga publikong serbisyo tulad ng publikong ospital gaya ng Philippine Orthopedic Center at Fabella Hospital.

Ayon naman kay Lengua de Guzman, deputy secretary-general ng Bagong Alyansang Makabayan o Bayan, pinaiiral pa rin umano nila Aquino ang pork barrel ng mga kongresista. Inaareglo daw sa loob ng Kamara at Senado kung paano magkakaroon ng karagdagang P45 Milyong pork barrel kada kongresista.

“Nagpakana rin si Aquino ng Disbursement Acceleration Program o DAP na may pondong mahigit P150 Bilyon. Saan ginamit ang DAP? Para suhulan ang mga senador para sa impeachment (ni dating Chief Justice Renato Corona). Ginamit para dagdagan ang PDAF (Priority Development Assistance Fund) ng mga mambabatas na nauwi din sa pekeng NGOs (nongovernment organizations),” ayon kay De Guzman.

Para sa taong 2014, may panibagong halos P500-B umano si Aquino, dagdag ni De Guzman.

Nakiisa rin sa pagdiriwang ang kababaihan sa Hacienda Luisita na nagbahagi hinggil sa pandarahas sa kanila ng pamilyang Cojuangco-Aquino sa kanilang mga lupain at pananim. Huwad na mga titulo rin umano ang ipinamahagi sa kanila.

“Pati mga tahanan namin binuldoser, ang mga palay at gulay namin. ‘Yung lupang sinasaka namin, binakuran nila,” ayon kay Florida Sibayan, gumagampang tagapangulo ng Alyansa ng Manggagawang Bukid sa Asyenda Luisita o Ambala.

Ayon naman kay Nitz Gonzaga, vice-chairperson for women’s affairs ng Kilusang Mayo Uno, patuloy umano ang patakarang kontraktuwalisasyon na lalong nagpapahirap sa kababaihan na nakararanas ng mababang sahod at walang kasiguruhan sa trabaho.

Sa datos ng Center for Women’s Resources, nasa mahigit sa isang milyong kababaihan ang walang trabaho. Taong 2013, nasa 9.5 milyong kababaihan ang hindi isinasama bilang bahagi ng labor force. Para naman sa may trabahong kababaihan, nasa 35 porsiyento ang sumasahod ng P150 kada araw sa average.

“Alam natin ang malinaw na adyenda ngayon sa pangunguna ng imperyalismong Estados Unidos na palitan ang ating Saligang Batas sa pamamagitan ng cha-cha (charter change) (para) puwede na ariin ng mga dayuhan ang mga lupa (natin),” ayon kay Liza Maza, chairperson ng International Women’s Alliance.

Patuloy na paglaban

Hindi natatapos ang mga isyu na nagpapabigat sa kalagayan ng kababaihan, ayon kay Salvador. Naririyan pa rin ang patuloy na paglaban sa pagtaas ng presyo ng kuryente, mataas na presyo bigas, at iba pang bilihin at bayarin.

Gayundin, nariyan pa rin umano ang laban sa pribatisasyon ng mga publikong serbisyo gaya ng ospital. Kawalan ng trabaho at kawalan ng lupang sinasaka, ayon kay Salvador.

“Ang Marso 8 ay malaking pagkilos ng kababaihan at hudyat din sa susunod pang malalaking pagkilos, mas matatapang na mga aksiyon, mas matinding paglaban ng kababaihan para sa kaniyang karapatan at kagalingan,” pagtatapos ni Salvador.