Muling pagbubukas ng minahan sa Rapu-Rapu iniimbestigahan


Kasalukuyang iniimbestigahan ngayon ng mga grupong makakalikasan ang napabalitang polusyon at pagkawasak ng kapaligiran dulot ng isang kontrobesiyal na minahan sa isla ng Rapu-Rapu sa Albay dahil sa muling pagbubukas nito ng operasyon, sa ilalim naman ng isang kompanyang pag-aari ng mga Koreano. Umaasa ang ISM (International Solidarity Mission) sa pag-iimbestiga nito mula Mayo 10-13, […]

Kasalukuyang iniimbestigahan ngayon ng mga grupong makakalikasan ang napabalitang polusyon at pagkawasak ng kapaligiran dulot ng isang kontrobesiyal na minahan sa isla ng Rapu-Rapu sa Albay dahil sa muling pagbubukas nito ng operasyon, sa ilalim naman ng isang kompanyang pag-aari ng mga Koreano.

Umaasa ang ISM (International Solidarity Mission) sa pag-iimbestiga nito mula Mayo 10-13, 2009 na malalantad ang mga bagong ulat kaugnay ng muling pagbubukas ng minahan sa naturang lugar.

Ang ISM ay pinangunguhanan ng Kalikasan-PNE (People’s Network for the Environment) at ng CEC (Center for Environmental Concerns) – Philippines kasama ng internasyunal at lokal na delegasyon mula sa simbahan, kalusugan, propesyunal, siyentista, kabataan at mga kasapi ng media.

Naging kontrobersiyal ang pagmimina sa Rapu-Rapu sa ilalim ng Lafayette Mining Ltd nang magdulot ito ng dalawang pagtagas ng mina matapos ang limang buwang operasyon noong 2005. Inilipat ang pagmamay-ari nito sa Korea Resources Corp, LG International at Malaysia Smelting Operations noong 2008 matapos umanong mabangkarote ang Lafayette.

Patuloy namang tinutulan ng mga residente sa naturang lugar ang muling pagbubukas ng minahan. Ang minahan sa Rapu-Rapu, na itinuturing na isa sa pinakamayamang anyong tubig sa bansa, ay isa sa 63 prayoridad na proyekto ng gobyerno ng Pilipinas.

Ayon sa Kalikasan-PNE, ang mga bagong paglaban sa pagmimina sa Rapu-Rapu ang tutukan ng ISM. Ang mga ulat umano ang mga komunidad hinggil sa epekto ng patuloy na pagmimina ay kailangang imbestigahan. Kailangan din umanong pag-aralan ang iba pang isyung panlipunan na kinakaharap ng mga residente tulad ng paglabag sa kanilang karapatang pantao.

Binatikos pa ng grupo ang DENR (Department of Environment and Natural Resources) at si Pangulong Arroyo dahil matapos mapalayas ng mga residente ang Lafayette, ibinenta naman ito sa mga Koreano.

Nangangamba ang Kalikasan-PNE na ipagpatuloy ng bagong may-ari nito ang mapangwasak at nakalalasong operasyon ng minahan sa isla.

Kabilang din sa iimbestigahan ng ISM ang ulat ng mga residente na posibleng pagtatapon ng katas ng mina sa mga katubigan ng Rapu-Rapu. Ayon sa mga residente, may nakikita silang barko na kumukuha sa mga basura ng minahan na hinihinalang itinatapon sa Pacific Ocean.

Pinangangambahan din ng grupo ang pagpapalawak ng minahan ng bagong may-ari nito hanggang sa 90% ng lupain ng isla ng Rapu-Rapu.

Target ng Korea Resources Corp na makamina ng tinatayang 10,000 tonelada ng tanso, 50,000 ounces ng ginto, 600,000 ozs. ng pilak at 14,000 tonelada ng zinc.