Rep. Raymond Palatino ng Kabataan

May 7, 2009

Si Rep. Palatino, at ang tatlong iniidolo niyang bayani: si Gat Andres Bonifacio at si Crispin "Ka Bel" Beltran. (KR Guda)

Magmula nang magwagi bilang Tagapangulo ng University Student Council sa Unibersidad ng Pilipinas sa Diliman noong 2000, isa na si Raymond “Mong” Palatino sa pinakatanyag na lider-kabataan sa bansa. Noong 2001 Edsa Dos, pinangunahan ni Palatino ang pagmartsa ng libu-libong mga estudyante mula sa kampus ng UP Diliman patungong Edsa Shrine. Matapos nito, pinangunahan din niya ang National Union of Students of the Philippines (NUSP) at Kabataan Party-list. Isang masugid na blogger, masigasig na tinanggap ni Palatino ang hamon ng pag-upo sa Kongreso kasabay ng pagiging ama sa pangalawa niyang anak.

PW : Kumusta ang unang linggo mo sa Kongreso?

MP: Yung first week, Monday ako nag-oathtaking sa Supreme Court. Kay Justice Antonio Carpio kami nag-oathtaking. Siya rin yung nagsulat ng Supreme Court ruling (na nakapagpapasok sa Kabataan sa Kongreso). Pagkatapos noon, nag-press conference na ako kasama ang Minority noong Lunes. Mga party-list representatives saka si Cong. Roilo Golez. Doon ko sinabi na mahalaga ang pagpasok ng Kabataan dahil may representasyon ang kabataan sa Kongreso sa unang pagkakataon magmula nang ma-establish ang party-list. Dumalo na ako ng hearing noong Monday kahit hindi pa ako na-induct sa House. Ang pinag-uusapan, yung bill ni Cong. Teddy Casiño ng Bayan Muna na gustong i-regulate yung mga review schools na nire-require sa mga estudyante.

Ang first hearing ko na pinuntahan ay noong Wednesday. Doon na unang tinawag ang pangalan ko sa House, sa Plenary. Ang upuan ko ay sa likod, temporary lang. Dahil nga Minority, baka doon kami sa gitna, sa harap. Pero it’s a temporary seating arrangement, nasa harap ko si Cong. Joel Maglunsod ng Anakpawis. Sa likod ko ang ANAD (Alliance for Nationalism and Democracy) at TUCP (Trade Union Congress of the Philippines).

And then, unfortunately walang quorum, noong first session ko. Kasi nga karamihan ay nagpunta sa Las Vegas (para manood ng laban ni Manny Pacquiao at Ricky Hatton). Nag-privilege speech si Cong. Liza Maza tungkol sa sitwasyon ng kababaihang manggagawa.

Mai-induct ako sa House noong May 11. Kasi nga wala pa si Speaker, nasa Las Vegas. Kahapon, I attended a House orientation ng House Secretary General. And then nagbigay ng message si Reps. Remulla at Datumanong.

Anong atmosphere sa Congress, lalo na may mga bagong saltang kongresista, mula sa mga progresibo at sa mga anti-komunista?

Ngayon, nagkikilanlanan pa ang isa’t isa. Dahil ang sabi nga ng isang kongresista, parang hindi ko na alam kung sino ang bago, nadadaanan ko na lang, kailangan kong magpakilala. Pero ang napansin ko, kahapon, sa orientation ng new members, marami doon ang mga malalapit sa Malakanyang. Malapit in a sense na yung mga grupo nila, yung mga kamag-anak nila, may malapit na ugnayan (sa Malakanyang). O kung hindi man malapit, inaakusahan ang grupo nila na malapit ang ugnayan.

Ibig sabihin, yung mga bagong pasok, marami roon ang alyado ng Malakanyang?

Definitely. Kahapon ko nakumpirma yun, na marami ang alyado ng Malakanyang. Kaunti lang yung outright opposition tulad ng Kabataan, Bayan Muna, Anakpawis and even Akbayan. Kumpara sa independents. Hindi ko alam kung sino ang independents doon. Kasi may mga independent diyan na pro-GMA naman.

Kahapon din, after the hearing, binisita ko si Jun Lozada sa WPD. Nagulat siya kasi last time na nagkita kami, Kabataan Party-list ako pero hindi pa sa Kongreso. Biniro ko nga sa kanya, “Jun, yung nag-aakusa sa iyo, alumnus namin (sa National Union of Students of the Philippines) – si Mike Defensor ay dating NUSP President.” Hinamon niya akong manatiling maging ideyalistiko. Ngayon, itong mga aktibidad ko nitong unang linggo, sinasabay ko iyan doon sa panibagong pagiging tatay, kasi nanganak yung misis ko. Kaya may bago akong anak, may bago akong trabaho.

Sa Kongreso, mayroon na bang mga nakikiusap sa iyo?

Si Cong. Joey Zubiri ng Bukidnon, nakausap ko nang matagal. Sabi niya, “I’m with the majority, pero marami raw siyang mga posisyon na hindi masyadong dikit sa majority. Halimbawa, anti-mining ako. Tell me a community na nakinabang sa mining. Tell me kahit isa lang. Wala.” Pabor din siya sa reproductive health, na tinututulan din ng Pangulo. Sabi niya he is reading blogs, pero lurker lang daw siya. Hindi siya nagkokomento at sumusulat ng sariling blog.

Nakausap ko rin yung ibang party-list representatives. Yung mga ka-batch ko, bagong pasok.

Siyempre kabataan ka, nakakaramdam ka ba na parang patronizing ang ibang (matatandang) kongresista sa iyo?

Naninibago pa nga rin ako. Hindi ako ang pinakabata. Isa ako sa pinakabata. Pero kahit na, yung age gap pa rin ay napakalaki. Minsan, nakakalimutan ko na magkalebel na pala kami, na colleagues na sila, na kahit ipo-“po” mo, magkakaparehong mambabatas na kami. Minsan nakakalimutan ko. Nag-a-adjust pa ako.

Pangalawa, masaya naman sila dahil mayroon representasyon ang biggest electorate in the country, yung Youth Sector nga raw. Doon ako tinanggap kahapon sa orientation. Pagkatapos ko nga, sumunod yung senior citizens.

Sa roll call, magkasunod kami ni (dating heneral, ngayo’y Bantay Party-list Rep. Jovito) Palparan. Pero hindi kami magkatabi.

Ano ang ine-expect mong magagawa mo sa loob ng isang taon sa Kongreso?

Yun nga e. Actually, sa isang taong iyon, we have to accept na ilan lang ang kakayaning maipasa na batas. Kasi sa calendar of business ng House e, mahirap magpa-skedyul ng mga committee hearing, mahirap magpakalendaryo. Kaya ang gagawin namin, pag-aaralan namin muna ang mga pending proposals. Sa Lower House at saka sa Senate. Kung ano yung magagandang proposal na puwedeng suportahan, sige. Yung mga puwedeng i-amend. And then yung wala, na mayroon sa legislative agenda namin, yun ang ifa-file namin.

Ano ang mga panukalang batas ngayon ang gusto ninyo ilaban?

Hindi pa namin nakikita lahat ng panukalang batas, pero siguro wala diyan yung dapat 6% ng GDP (Gross Domestic Product), nakalaan sa edukasyon. 1% ng GDP dapat, R&D (Research and Development). Reporma o parang amendments sa Magna Carta for Students. At yung usapin ng labor rights. Paglaban sa trend ng contractualization, at iba pa.

Personally, paano tinanggap ang biglang pagbabago sa iyong karera?

Ang joke nga ng mga kaibigan ko, “Wala bang backpay ‘yan, Mong.” Joke lang yun. Nabigla. Nanghinayang sa dalawang taong nawala sa Kabataan. At kung tutuusin, dapat limang taon na kaming kabataan na may kinatawan. Kasi kung gagamitin ang formula ng Korte Suprema ngayon noong 2004, pasok sana ang Anak ng Bayan Party-list. Kasi, nitong 2007, number 23 (sa mga party-list) ang Kabataan, noong 2004, number 16 ata o 18 ang Anak ng Bayan. So nanghihinayang. At the same time, natuwa, kasi kahit papaano naihabol. At saka, marami sa mga miyembro namin, nabuhayan ng loob e. Yung mga hindi naging aktibo, naging aktibo muli.

Ano ang plano ng Kabataan Party-list para sa eleksiyong 2010?

Tatakbo ulit ang Kabataan Party-list. We’re aiming for three seats. And then, kung ano ang hindi namin nagawa ngayon, itutuloy namin.

Please follow and like us:
Facebook0
Facebook
YouTube0
YouTube
Google+195
Google+
http://pinoyweekly.org/new/2009/05/rep-raymond-palatino-ng-kabataan/
Instagram0
Follow by Email
RSS