Ang kaso ni Melissa Roxas laban sa gobyernong Arroyo

Si Melissa Roxas, sa isang press conference sa Echo Park United Methodist Church sa Los Angeles (Jay Davis)
Muling sinariwa ni Melissa Roxas, aktibistang Filipino-Amerikano, ang tortyur na sinapit niya sa kamay ng diumano’y mga militar matapos dukutin ng mga ito sa La Paz, Tarlac noong Mayo 19.
Sinabi pa ni Roxas na handa siyang magsampa ng kaso laban sa gobyernong Arroyo at sa militar nito dahil sa sinapit niya at ng dalawang kasamahan niya na sina Juanito Carabeo at John Edward Handoc.
Nagsalita sa unang pagkakataon si Roxas sa isang press conference na ibinrodkas sa pamamagitan ng live streaming sa website ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan).
Nasa Los Angeles, California sa US si Roxas, isang US citizen. Umuwi siya sa US ilang araw matapos pakawalan sa Quezon City ng mga dumukot sa kanya noong Mayo 25.
Tortyur
“Paulit-ulit akong sinuntok… Walang humpay akong ininteroga… Pinaratangang miyembro ako ng CPP-NPA [Communist Party of the Philippines],” sabi ni Roxas sa wikang Ingles, sa pagitan ng pag-iyak habang sinasariwa ang mapait na karanasan.
Sinabi pa ng Fil-Am na aktibista na halos buong panahong nakaposas siya sa kanyang kama.
Ani Roxas, paulit-ulit niyang sinabi sa kanyang interogador na may mga karapatan siya, kabilang na ang karapatan para makausap ng isang abogado.
“Pero sinabi nila sa akin na wala akong karapatan doon,” kuwento niya.
Sinabi pa umano ng mga interogador na “simpleng kasangkapan lamang kami ng Diyos” para labanan umano ang komunismo at ang mga nagrerebelde sa gobyerno. Sinagot naman umano ito ni Roxas na “hindi nagtotortyur ng tao ang Diyos ko.”
Ikinuwento ni Roxas ang mga obserbasyon niya habang nasa detensiyon — ang mga putok na tila nasa firing range, ang tunog ng eroplano, ang pagtawag ng mga interogador sa isa sa kanila na “sir” — na tila tumutukoy na mga elemento ng militar ang dumukot sa kanya.
Sa naunang press conference ng Karapatan, sinabi ni Marie Hilao-Enriquez na tila may pagkakahawig ang inilalarawang lugar ni Roxas sa inilarawang lugar ng detensiyon ng isa pang biktima ng pagdukot at tortyur na si Raymond Manalo.
Ang lugar na ito ay ang Fort Magsaysay, kampo ng Philippine Army sa Nueva Ecija.
Pagsampa kontra sa gobyernong Arroyo
Ayon kay Atty. Arnedo Valera, abogado ni Roxas sa US, naghahanda na silang magsampa ng reklamo laban sa gobyernong Arroyo sa US State Department. Maaari rin umano silang magsampa sa mga ahensiya ng United Nations na nag-iimbestiga sa mga paglabag sa kaparatang pantao, kabilang ang pagtotortyur.
1 2
Short URL: http://pinoyweekly.org/new/?p=2269














[...] Sinabi ni Roxas na mukhang ang iniwan sa kanyang posas ang siyang posas na ginamit sa kanya noong siya’y piniit at tinortyur. (Basahin ang kaugnay na artikulo) [...]