Istorya ng Linggo

Kapag karaniwan na ang pang-aabuso sa OFW


Labinlimang taon matapos di-makatarungang bitayin si Flor Contemplacion sa Singapore, lalo lamang lumala ang pang-aabuso at kawalan ng hustisya sa mga Overseas Filipino Worker.

Protesta sa Mendiola ng mga Overseas Filipino Worker (OFW) sa pangunguna ng Migrante International, noong ika-15 taong anibersaryo ng pagbitay kay Flor Contemplacion. (Ilang-Ilang Quijano)
Protesta sa Mendiola ng mga Overseas Filipino Worker (OFW) sa pangunguna ng Migrante International, noong ika-15 taong anibersaryo ng pagbitay kay Flor Contemplacion. (Ilang-Ilang Quijano)

Magkapitbahay sa isang relocation site sa San Jose del Monte, Bulacan sina Heidi Simpron at at Maritess Pestillos. Pareho nilang pinangarap na mapaayos ang kani-kanilang bahay, gaya ng marami pang maralita sa tabing-riles na itinaboy ng gobyerno.

Tumulad sina Heidi at Maritess sa iba pang Pilipinong walang hanapbuhay: nangibang-bansa, sa pag-asang sa maitatawid ng kikitaing dolyar ang pang-araw-araw na pangangailangan ng kanilang pamilya.

Ngunit pareho silang nabigo. Hindi pinasahod si Maritess, ginutom at ikinulong ng kanyang amo sa Jeddah. “Muntik na akong tumalon noon mula sa bintana, talagang mababaliw na ako,” aniya.

Si Heidi naman, pinagbintangan ng among tila may di-maipaliwanang na galit sa kanya. Muling kinuha ang sahod niya ng dalawang buwan at itinanim sa kanyang gamit bilang ebidensiya umano ng pagnanakaw. “Pinaghubad pa nila ako at pinahiwa-hiwalay ang suot kong sanitary napkin,” aniya.

Noong Marso 17, ginunita ng mga migranteng Pilipino at kanilang mga pamilya, sa pangunguna ng Migrante International, ang 15 taong anibersaryo ng pagbitay sa Overseas Filipino Worker (OFW) na si Flor Contemplacion.

Sumama sina Heidi at Maritess sa martsa noong araw na iyon sa Mendiola, dahil anila, sumosobra na ang pang-aabusong dinaranas ng mga OFW at kauntilan ng gobyerno sa pagharap dito.

Hiling ng mga migrante na ituring ng gobyerno ang paglilingkod sa kanilang hanay bilang serbisyo, hindi lamang bilang negosyong mapagkakakitaan nito. (Ilang-Ilang Quijano)
Hiling ng mga migrante na ituring ng gobyerno ang paglilingkod sa kanilang hanay bilang serbisyo, hindi lamang bilang negosyong mapagkakakitaan nito. (Ilang-Ilang Quijano)

Lumalalang kalagayan

Sa tinatayang 4,500 OFW na araw-araw lumilisan, hindi na masasabing temporaryong solusyon na lamang sa kawalang-trabaho sa bansa ang labor export o pagluluwas ng lakas-paggawa, kundi isang permanenteng programa ng gobyerno.

Ayon sa grupong Migrante, kumpara sa nagdaang mga administrasyon, naging pinakamasugid si Pangulong Arroyo sa pagtutulak ng labor export. Mula sa halos 300,000 na Pilipinong nangibang-bansa kada taon noong administrasyong Aquino, umabot na sa halos isang milyon kada taon ang Pilipinong nangibang-bansa sa ilalim ng siyam na taon ni Arroyo.

Kaya naman hindi napagtataka, ayon kay Garry Martinez, tagapangulo ng Migrante International, na 15 taon makaraan ang pagbitay kay Contemplacion, lalong lumala ang kalagayan ng mga OFW. “Naging pang-araw-araw na ang kanilang mga istorya ng pang-aabuso sa kamay ng mga dayuhan at pagpapabaya ng gobyerno,” aniya.

Sa talaan ng tsapter ng grupo sa Gitnang Silangan, halimbawa, 3,000 OFW na tumakas sa kani-kanilang amo dahil sa pang-aabuso ang naitala noong nakaraang taon. Daan-daan din ang nasa loob ng mga piitan sa rehiyon na numero unong destinasyon ng mga OFW. Dalampu’t anim dito ang nasa death row, dahil lamang hindi nabibigyan ng karampatang tulong at representasyon ng gobyerno, ayon sa grupo.

Laganap din ang mga kaso ng misteryosong pagkamatay ng mga OFW. Dalawang araw lamang bago ang anibersaryo ng pagbitay kay Contemplacion, isang Pinay sa Singapore, si Roselyn Pascua, ang sinaksak at pinatay. Isa itong insidenteng halos hindi na napaulat dito sa Pilipinas, marahil dahil sa pagiging halos pangkaraniwan.

Mahaba ang listahan ng mga Pilipinong biktima ng misteryosong pagkamatay sa ibang bansa, ayon sa Migrante. Noong 2008, nakapagtala ang grupo ng 51 kaso, na wala ni isang nalulutas hanggang ngayon. Noong unang kalahati naman ng 2009, may 21 bangkay ng OFW mula sa Singapore ang inuwi sa Pilipinas, ayon din sa grupo.