Pagtutol sa taas-pasahe sa MRT, LRT, lumalakas


Patuloy na lumalakas ang pagtutol ng iba’t ibang sektor sa pagtaas ng pasahe sa Metro Rail Transit (MRT) at Light Rail Transit (LRT). Kaninang umaga, nagpiket sa estasyon ng MRT sa North Avenue ang mga manggagawa ng Kilusang Mayo Uno (KMU) at nagpapirma sa mga biyahero ng isang petisyon laban sa posibleng taas-pasahe. Ayon kay […]

Facebook page ng mga tumututol sa taas-pasahe sa MRT at LRT
Facebook page ng mga tumututol sa taas-pasahe sa MRT at LRT

Patuloy na lumalakas ang pagtutol ng iba’t ibang sektor sa pagtaas ng pasahe sa Metro Rail Transit (MRT) at Light Rail Transit (LRT).

Kaninang umaga, nagpiket sa estasyon ng MRT sa North Avenue ang mga manggagawa ng Kilusang Mayo Uno (KMU) at nagpapirma sa mga biyahero ng isang petisyon laban sa posibleng taas-pasahe.

Ayon kay Lito Ustarez, executive vice-chairperson ng KMU, mga bangko at pribadong kompanya lamang ang makikinabang sa taas-pasahe. Nanawagan siya sa gobyernong Aquino na muling makipagnegosasyon sa mga ito sa halip na ipasa sa mga biyahero ang mga sinasabing pagkalugi.

“Pumasok ang gobyerno sa makaisang-panig na kasunduan sa mga bangko at pribadong kumpanya para gawin at patakbuhin ang MRT at LRT… Iyan ang pangunahing dahilan kung bakit inililipat sa mga mamamayan ngayon ang pasanin ng pagpapatakbo sa mga tren sa pamamagitan ng dagdag-pasahe,”ani Ustarez.

Samantala, nagtayo ang mga kabataan ng isang Facebook page laban sa taas-pasahe sa MRT at LRT, na ngayo’y may mahigit 700 na kasapi. Naging daluyan ang pahinang ito ng sentimiyento ng iba’t ibang Pilipino sa isyu.

Have you seen the lines? Pila pila pila, sa Cubao, sa Taft, ang ganda ng serbisyo niyo tapos magtataas ng pasahe?” sabi ng Facebook user na si Ayban Gabriel Dotayot.

Ayon naman sa Facebook user na si Norma Ranjo, “Maniniwala akong lugi sila kung hindi siksikan ang sakay nila. Kung tamang-tama lang ang pasahero na sitting capacity. Pero sa ginagawa nila araw-araw na siksik na siksik…malulugi ba sila doon? kung itaas nila ang pamasahe…magtaas muna ng sahod…hindi lang P22. Kulang pa yan sa pamasahe araw-araw.”

Maging ang Communist Party of the Philippines (CPP), nagsalita laban sa taas-pasahe sa MRT at LRT. Sa pahayag nito sa website, nanawagan ang CPP sa mga mamamayan na tutulan ang plano ng gobyernong Arroyo.

“Ipinapakita ng planong ito na sa kabila ng retorika na may malasakit ito sa mahihirap, sa totoo ay napaka-insensitibo ng bagong papet at reaksiyunaryong rehimen sa kalagayan ng mga naghihikahos na masa,” sabi ng CPP.

Ipinunto nito na 10 porsiyento ng kinikita ng ordinaryong Pilipino ang napupunta sa gastos sa pamasahe pa lamang.

Paliwanag ng CPP, ginagamit ng gobyerno ang taas-pasahe para maging kaakit-akit ang MRT at LRT sa bagong mga mamumuhunan at ibayong pribatisasyon ng mga sapi (shares) rito ng gobyerno.

Hindi umano pagkalugi ang binabalikat ng gobyerno, gaya ng sinabi ni Pangulong Aquino sa kanyang State of the Nation Address, kundi “ginarantiyang kita” sa porma ng “equity rental payments” sa MRT Corporation sa ilalim ng iskemang build-lease-transfer noong 1997.

Ginarantiya umano ng kontrata ang 15 porsiyentong kita. Gayundin, binalikat ng gobyerno maging ang interes na ibinayad sa mga dayuhang bangko gaya ng Export-Import Bank of Japan at mga lokal na bangko gaya ng Bank of Philippine Islands.

“Sa gitna ng matinding krisis pang-ekonomiya, ipinagpapatuloy pa ng gobyernong Aquino ang pribatisasyon at deregulasyon, binebenta ang kakaunting natitirang assets ng gobyerno sa ikapipinsala ng mga subsidyong sosyal. Tila walang pinagkaiba ang gobyernong ito sa nauna sa kanya,” ayon sa CPP.