Kapirasong Kritika

Divide Then Subsidize


Ipinapasilip ng pahayag ni Noynoy ang bansang pinipilit likhain ng pagpapatupad ng gobyerno sa mga patakarang neoliberal para sa kita ng mga naghaharing dayuhan at iilan: walang “bayanihan” ng mga mamamayan sa pamamagitan ng gobyerno, nag-iisa ang bawat tahanan at tao – mga islang pagtawid-buhay ng sarili lang ang inaasikaso.

Sa dulo ng programang Mel and Joey noong nakaraang Linggo, may “debate” na naganap tungkol sa taas-pasahe sa MRT at LRT at dagdag sa toll fee sa NLEX at SLEX. Halatang palabas – sa masamang pakahulugan nito – ang ipinakita, na dumulo sa pag-endorso at “pagpapaliwanag” o pagtatanggol ni Mel Tiangco sa nasabing mga pagtaas.

Humirit ang panig ng kontra na niloloko ang mga tao sa mga pagtaas. Hindi ko alam kung saan nanggaling ang akusasyong ito – dahil hindi naman iyan pinapatampok ng mga tutol. Mabilis itong sinagot ng isang opisyal ng gobyerno: may konsultasyon daw tungkol sa pagtaas, kaya walang panloloko. Palakpakan – na hindi ko rin naintindihan.

Biglang pasok si Tita Mel. Ang punto niya: “unfair” o hindi patas na sinusubsidyuhan ng buwis ng mga mamamayan ng Visayas at Mindanao ang transportasyong pinapakinabangan ng mga taga-Luzon. At kung hindi magtataas, mapapabayaan ang maintenance ng mga pasilidad. Kahiya-hiya raw tayong mga Pinoy kapag nangyari iyun.

Ang totoo, alingawngaw lang ang sinabi ni Tita Mel ng mga pahayag ni Pres. Noynoy Aquino. Mahusay nang nasagot ang puntong ito ni Manuel F. Almario, masipag na lumiliham sa Philippine Daily Inquirer. Aniya, palyado ang katwiran ni Noynoy: huwag nang magtayo ng tulay sa Visayas at Mindanao, huwag na ring magtayo ng mga ospital.

Hindi ito ang unang beses na hinati ng retorika ng gobyerno ang mga mamamayan sa usapin ng subsidyo. Noong dinepensahan nito ang pagtaas ng matrikula at tuwing dinedepensahan nito ang pagkaltas ng subsidyo sa Unibersidad ng Pilipinas, sinasabi nitong maling subsidyuhan ng mga mamamayan ang umano’y mayayamang iskolar.

Maririnig din ang ganitong paghati sa mga mamamayan sa usapin ng subsidyo sa pagtatanggol ng gobyerno sa programang Conditional Cash Transfer. Dapat daw ituon ang subsidyo sa “mahihirap pero karapat-dapat (poor but deserving)” – na para bang ayos lang maghirap at magdusa ang minalas na ituring nitong “hindi karapat-dapat.”

Hindi kaila sa marami ang tunay na dahilan ng ganitong katwiran: kaunti lang ang pondong inilalaan ng gobyerno sa mga serbisyong panlipunan, tulad ng transportasyon at edukasyon. Malaking pondo kasi ang ibinabayad sa utang sa malalaking dayuhang bangko at korporasyon, at sa samu’t saring pagkakataon ng mga pulitiko sa korupsyon.

Sa madaling salita, pinaghahati-hati sa barya-barya ang mga mamamayang Pilipino dahil naihatid na ang malaking pera sa kaban ng iilang mayaman at makapangyarihan. Tapos, binibigyang-katwiran ang pagtanggal ng barya-barya sa dating tumatanggap nito sa palusot na ang subsidyong ito ay “hindi patas” o “hindi karapat-dapat.”

Pero sa aktwal, mga mamamayan ang “lugi.” Hindi sa elementarya mapupunta ang badyet na kinaltas sa mga paaralang tulad ng UP, at baka idahilan pang mayroon nang CCT. Hindi sa Mindanao o Visayas mapupunta ang subsidyong aalisin sa MRT-LRT at dapat ilaan sa NLEX-SLEX, kundi sa katiwalian ng nasa pamahalaan at utang panlabas.

Ang mga mamamayan, hinuhuthutan na nga ng buwis, presyong komersyal pa ang binabayaran sa dapat sana’y serbisyong panlipunan. Ang pamahalaan, epektibo sa paghuthot sa mga mamamayan, at sa pagpahintulot sa malalaking kapitalista na gawin din ang ganito, at epektibo rin sa pagkakait ng dapat sana’y serbisyong inihahatid.

Ipinapasilip ng pahayag ni Noynoy ang bansang pinipilit likhain ng pagpapatupad ng gobyerno sa mga patakarang neoliberal para sa kita ng mga naghaharing dayuhan at iilan: walang “bayanihan” ng mga mamamayan sa pamamagitan ng gobyerno, nag-iisa ang bawat tahanan at tao – mga islang pagtawid-buhay ng sarili lang ang inaasikaso.

Takot sa hinaharap, labis na pagkamakasarili, matinding pakikipagkumpitensya sa kapwa, todong pagkayod – ito ang iniluluwal ng ganitong kalagayan. At sa ganitong matabang lupa nagiging kailangan ang pagsibol ng iba’t ibang bulaklak ng “pantasya o pampalubag-loob” – na kadalasang tinutukoy ng luma nang salitang “eskapismo.”

Maaalala ang napakagandang sulating pilosopikal ni Karl Marx patungkol sa relihiyon: “Pinipitas ng kritisismo ang mailusyong mga bulaklak sa tanikala hindi para patuloy na ibilanggo ng nasabing tanikala ang tao nang walang pantasya o pampalubag-loob, kundi para magawa niyang lagutin ang tanikala at pumitas ng buhay na bulaklak.”

At maaalala nating may isa pang tugon sa kalagayang iniluluwal ng mga patakarang neoliberal: Hindi indibidwal o pampamilya, kundi kolektibo, makauri, makabayan. Hindi pagkimkim sa pagmamahal sa kapwa kundi pagpapalaya rito para yakapin ang buong lipunan. Hindi sumusuko, tumatakas o tumatanggap sa sitwasyon. Rebolusyon.

19 Enero 2011