Pinoy Weekly

Karapatan kay P-Noy: Pagsugpo sa paglabag sa karapatan, responsabilidad mo rin

Jigs Clamor ng Karapatan (Photo courtesy of Dr. Geneve Rivera-Reyes)

Jigs Clamor ng Karapatan (Photo courtesy of Dr. Geneve Rivera-Reyes)

Hinamon ng alyansang pangkarapatang pantaong Karapatan na akuin din ni Pang. Benigno Aquino III ang responsabilidad sa malawakang pagpaglabag sa karapatang pantao ng mga militar at kapulisan.

Inihayag ito ng grupo matapos tanggapin sa publiko ni Aquino ang responsabilidad sa madugong kahinatnan ng hostage crisis noong Agosto 23.

“Kung kayang akuhin ng Pangulo ang responsabilidad sa kasong ikinamatay ng walong dayuhan, isang moral at legal na kawastuhan din na kanyang akuhin ang responsabilidad at ibigay ang katarungan sa mahigit 1,000 niyang kababayan na biktima ng ekstra-hudisyal na pamamaslang, sa mahigit 100 biktima sa pilitang pagkawala, at mahigit 300 bilanggong pulitikal kasama na ang mga ilegal na inaresto, idinetine at tinortyur na Morong 43,” ani Jigs Clamor, tumatayong pangkalahatang kalihim ng Karapatan.

Sa pag-ako sa responsabilidad sa madugong kahinatnan ng hostage crisis, mistulang inabsuwelto ni Aquino si Sek. Jesse Robredo ng Department of Interior and Local Government, at sinabing siya mismo ang dapat may panagutan sa kapalpakan ng mga pulis.

Nitong nakaraang linggo, nagmartsa ang mga kaanak at tagasuporta ng mga biktima ng sapilitang pagkawala, bilang paggunita sa International Day of the Disappeared, ngunit hindi sila pinansin ng pangulo at kahit sinong opisyal ng Malakanyang.

Idinagdag pa ni Clamor na ang pagtanggap ni Aquino sa responsabilidad ay maituturing na bahagi ng pagtatakip o coverup sa kaso. Maaari umanong tinatabunan ng bagong pangulo ang isyu ng malawakang abuso bago siya tumungo sa US para sa isang opisyal na pagbisita.

“Ang insidente ay nakalikha ng internasyunal na pagkondena at nagnanais ang pangulo na umiwas sa kahihiyan bago humarap kay Pangulong Barack Obama,” aniya.

Sa kasalukuyan, mayroong anim na biktima ng ekstra-hudisyal na pamamaslang sa ilalim ng bagong administrastyon ni Aquino. Pinakahuli ang Regional Trial Court sheriff at aktibista na kasapi ng Bayan Muna sa Eastern Samar na si Casiano Abing.

Ayon pa sa Karapatan, inihahanda ng mga bilanggong pulitikal ang mga kilos-protesta upang ipanawagan ang kanilang kagyat na paglaya.

“Mayroong mahigit 373 bilanggong pulitikal nang pumasok ang administrasyong Aquino. Nangako ang Department of Justice na rerebyuhin ang mga kasong ito, partikular na ang kaso ng Morong 43. Ngunit binigyan ng prayoridad sa pag-iimbestiga ang naganap na hostage taking,” ayon sa grupo.

Short URL: http://pinoyweekly.org/new/?p=9237

Posted by on Sep 5 2010. Filed under Balita. You can follow any responses to this entry through the RSS 2.0. You can leave a response or trackback to this entry

Leave a Reply

Multimedia

Log in | Designed by Gabfire themes