Militanteng mga lider sa Bikol, hinaharas

Si Felix Paz (dulong kanan), tagapangulo ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas sa Bicol at kagawad ng Pambansang Konseho ng KMP, sa isang rally laban sa dating administrasyong Arroyo. (Kontribusyon)
Kinondena ng Karapatan sa Bikol ang tumitindi umanong panghaharas sa militanteng mga organisasyon ng mga elemento ng militar at pulis.
Nagsampa umano ng gawa-gawang mga kaso ang mga militar laban sa ilang militanteng lider sa Kabikulan . Sinampahan ng kasong multiple murder, carnapping at malicious mischief sina Felix Paz, tagapangulo ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas-Bikol (KMP-Bikol), Leo Caballero, tagapagsalita ng Derechos Obrero, Jariz Vida, pangkalahatang kalihim ng Bayan Muna- Camarines Sur, Joe Pernia, tagapangulo ng Bayan Muna-Bikol, at iba pang lider .
Nauna nang nakatanggap ng summon mula sa korte si Jariz Vida noong Agosto 26.
Ngunit ayon kay Vida, nakakaduda diumano ang intensiyon ng pagsampa ng mga kaso sa panahong tumitindi ang pagtutol ng mga mamamayan laban sa “sobrang singil ng kuryente ng Camarines Sur Electric Cooperative o Casureco.”

Si Jariz Vida (katabi ni dating Rep. Satur Ocampo), isa sa mga lider sa Bicol na sinampahan ng gawa-gawa umanong kaso. (Kontribusyon)
Isinampa ang kaso ng hepe ng Philippine National Police sa Pili, Camarines Sur at ni SP02 Abundio Huerno, chief investigator ng Pili Municipal Police Station, nitong huling linggo ng Agosto.
Ayon pa sa Karapatan, ang kaso diumano ay ibinatay sa isang reyd ng rebeldeng New People’s Army noong Mayo 2006.
“Malinaw na gawa-gawa lamang ang kasong ito upang iharas ang mga lider ng kilusang masa at iligaw ang mga tao sa pakikibaka na pinapangunahan nila. Bahagi din ito ng Oplan Bantay Laya II at bahagi ng tinatawag nang militar na ‘legal offensive,’ na sa esensiya ay ang pagsampa ng mga bogus na kaso,” paglilinaw ni John Concepcion, tagapagsalita ng Karapatan-Bikol.
Maging ang 77-taong gulang na si Felix Paz, kasalukuyang tagapangulo ng KMP-Bikol at miyembro ng National Council ng KMP, ay kasama sa sinampahan ng kaso.
Sinabi ni Paz na ipinagtatanggol lamang niya ang karapatan ng mga magsasaka na magbungkal ng lupa. Idinagdag pa ni Paz na lumilinaw sa bawat araw na hindi naiiba ang administrasyong Aquino sa nagdaang adminsitrasyong Arroyo sa pakikitungo sa mga magbubukid at usaping agraryo.
Ayon naman sa Bayan Muna-Bikol, bahagi diumano ang pagsasampa ng gawa-gawang kaso ng patakaran ng mga militar na iugnay ang mga progresibong organisasyon sa armadong rebolusyonaryong kilusan sa pamumuno ng NPA.
“Matagal na naming pinatunayan na hindi ito totoo at ang natatanging track record sa pagbibigay serbisyo sa mga mamamayan ang magkakakapag-patotoo nito,” ani Pernia.
Inihahalintulad ng Karapatan-Bikol ang kasalukuyan panggigipit sa kanila, sa karanasan ng mgal lider sa Timog Katagulugan noong panahon ng administrasyong Arroyo. Sa Timog Katagalugan, umabot sa 72 progresibong lider ang kinasuhan at pinaghuhuli noong nakaraang mga taon.
Short URL: http://pinoyweekly.org/new/?p=9340













