Pasintabi

Trahedya ng Hello, Young Lovers


“Hello, young lovers” ang tawag ni Joi sa mga batang magsing-irog. Seryoso, demonstrative, nagmamahal, magtatagal. Marami nito sa paligid, ang dalawang kabataang pinagtagpo ng pagkakataon. Galing sa magkabilang panig ng mundo, at sa isang iglap, taos-pusong nagmamahal.

“Hello, young lovers” ang tawag ni Joi sa mga batang magsing-irog.  Seryoso, demonstrative, nagmamahal, magtatagal.  Marami nito sa paligid, ang dalawang kabataang pinagtagpo ng pagkakataon.  Galing sa magkabilang panig ng mundo, at sa isang iglap, taos-pusong nagmamahal.

Itago na lang natin sila sa pangalang Habagat at Amihan.  Tortured victim si Habagat.  Sa katunayan, isa siya sa pinakamasahol na biktima sa rehimeng Arroyo.  Nahuli siya nang makuha ang cellphone ng kasamang nadetenido na ng militar.  Kulang ng dalawang linggo siyang kinulong, binugbog at sikolohikal na binanatan.  Ang habilin lang niya sa simula ng torture, walang kinalaman ang magsasakang katext, na palayain ito.

Hinanap siya ng kanyang magulang.  Natagpuang bugbog-sarado.  At matapos ng ugnayan sa isang organisasyon para sa karapatang pantao, napalaya ito ng korte.  Naging volunteer ito.  Dito niya nakilala si Amihan.  Galing din sa kanayunan bagamat nag-aral sa isang state university.

Tumutula si Amihan.  Nang dumalaw ito sa universidad, tinanong ito ng kanyang guro kung babalik pa ito.  Nakangiti itong nagsabi na parang guro na siya sa kanayunan dahil nagtuturo ng pagbasa at pagsulat sa mga batang di inabot ng sistemang edukasyon, mediko dahil natuto ng acupuncture, bakit pa nga siya babalik?  Nakita na niya ang halaga ng kanyang buhay.  At wala ito sa loob ng unibersidad.

Nang uminit ang lagay sa kanayunan, bumalik si Amihan sa syudad at nag-volunteer din sa organisasyon para sa karapatang pantao.  Hindi naman sila nagpapansinan, pero dahil maliit lang ang bilang ng staff, madalas nagkakasabay kumain at magkasama sa kwentuhan, biruan at gawain.

Una kong nakilala sina Habagat at Amihan nang magkita kami sa isang pananghalian.  Sila na noon, at alam mong seryoso at nagmamahalan ang dalawa.  Tunay na hello, young lovers.  Tahimik sila, iwas nga sa mga tao.  Natagpuan ko si Habagat na nasa sidewalk, sa labas ng bahay na nanananghalian.  At nagkwentuhan kami ng bahagya.

Makikita ko ang dalawa sa ilang mga rali.  Tahimik na babati, pero malaki ang mga ngiti.  Tulad nga ng sabi ni Buboy, ang rali ang “bitamina” nila.  Mas buhay sila rito.  Mas may galak kaysa sa ordinaryong gawain na seryoso ang kanilang dharma.  At lumipas ang mga buwan matapos nang unang pagkakakilala.

Nabalitaan ko na lamang na may aksidenteng nangyari.  Pabalik sila sa kanayunan at ang kanilang sinasakyang FX ay mahilig mag-overtake sa mga kurbang kalsada sa gilid ng bundok.  Naipit ang FX ng isang malaking trak at mabilis na namatay si Amihan.  Pati ang apat na kasama nito, hindi na umabot ng ospital.

Si Habagat naman ay nakaladkad pa ng trak bago huminto.  Dinala ang lahat sa ospital.  Kritikal na kondisyon si Habagat.  Natunugan ito ng militar, at sa kalagitnaan ng kanyang kondisyon ay in-interrogate ito.  Tanging swero lamang ang medikal na tugon sa sahol ng lagay.  Pumasok ang isang organisasyong masa, kinausap ang alyadong opisyal sa probinsya, at natantanan ang interogasyon.  Nailipat si Habagat sa pribadong ospital.  Nananatiling nasa kritikal na kondisyon pa rin ito.

Iniisip ko ang mga tulad nina Habagat at Amihan, mga mabubuting anak ng bayan.  Ang trahedya ay hindi ang kanilang maikling buhay dahil kay ningning ang kanilang pagsasabuhay para sa iba.  Hindi ko na maalaala kung sinong kritiko ang nagsabing “the less you love yourself, the more you can love others.”  Minahal nila sa abot ng kanilang makakaya ang mamamayan at ang bayan.

Ang trahedya ng hello, young lovers ay kinailangan nilang tumungo at bumalik sa kanayunan, kinailangang i-torture at ikulong, kinailangang maging subersibo sa mapanupil na estado.  Ito ang panghihikayat at pagkilos na ginagawa ng estado sa kanyang mabubuting anak.

At magpakaganito, pinili nila ang pangangailangang maging mabuting anak ng bayan.  Walang buhay sa labas nito.  Nandiyan ang malls, lumalawak ang operasyon pero hindi sila para sa katuwang na komunidad ng maralitang tagalunsod.  Nandiyan ang pabrika sa economic zones o higanteng haciendang pag-aari ng iilang pamilya pero hindi sila para sa manggagawa at magsasakang nagtratrabaho rito.

Nagmahalan ang hello, young lovers, at minahal nila ang bayan.  At sa kanilang paghihiwalay, minamahal sila ng bayan kanilang pinagsilbihan.