Bagsak na grado, ibinigay ng Karapatan sa ika-100 araw ni Aquino


Bagsak ang gradong ibinigay ng human rights advocates kay Pangulong Aquino, sa pagtatanggol niya sa karapatan ng mga mamamayan.

Loser sign, dilaw na ribbon sa mga paglabag at wangwang ng alarma ang ginamit ng Karapatan na simbolo sa pagtatasa nila sa 100 araw ni Pangulong Aquino. (Macky Macaspac)
Loser sign, dilaw na ribbon sa mga paglabag at wangwang ng alarma ang ginamit ng Karapatan na simbolo sa pagtatasa nila sa 100 araw ni Pangulong Aquino. (Macky Macaspac)

Bagsak ang gradong ibinigay ng human rights advocates kay Pangulong Aquino, sa pagtatanggol niya sa karapatan ng mga mamamayan.

Ayon sa Karapatan, alyansang pangkarapatang pantao, lumalabas sa kanilang pagtatasa sa ika- 100 araw ng administrasyong Aquino na walang pinagkaiba ang kasalukuyang gobyerno sa pinalitan nitong rehimeng Arroyo.

Pangunahing dahilan nito ang pagpapatuloy ng ekstrahudisyal na pamamaslang sa ilalim ng bagong administrasyon. Mayroong 16 na kaso ng pamamaslang sa ilalim ni Aquino at maaari umano itong mapantayan o mahigitan pa ang huling anim na buwang rekord nang nagdaang rehimen na may kasong labing walo.

“Tulad ng kanyang pinalitan, ang pangulo ay gumawa ng matatapang na pahayag hinggil sa karapatang pantao, ngunit nakakalungkot, ang mga ito ay nanatiling general statements na walang laman at kabuluhan sa mga biktima, dahil ang kanyang mga salita ay puro retorika lamang upang magpalubag loob sa mamamayang Pilipino at sa internasyunal na komunidad,” pahayag ni Marie Hilao-Enriquez, tagapangulo ng Karapatan.

Pinakahuli sa talaan ng grupo ang pamamaslang kay Rene Quirante  isang lider magsasaka sa Negros na  diumano’y pinaslang noong Oktubre 1.

“Ipinagako ng pangulo na lulutasin niya ang mga pagpatay, ngunit  patuloy pa rin ang mga ito,” pahayag pa ni Enriquez.  Idinagdag pa niyang binuo ng pangulo ang Truth Commission, ngunit  hindi naman diumano sinaklaw ang mga kaso ng ekstrahudisyal na pamamaslang at iba pang paglabag sa karapatang pantao.

Ayon pa sa  Karapatan, bilang commander-in-chief, ang pangulo ay patuloy na bingi sa panawagang ibasura ang kontra-insurhensiyang programang Oplan Bantay Laya, na nagbunga ng malawakan at sistematikong paglabag ng nakaraang rehimen.

“Sa halip, ang ginawa ng pangulo at kanyang mga opisyal sa militar, ay pagbibigay ekstensiyon sa anti-mamamayang OBL hanggang Disyembre at nagpahayag ng panibagong kontra-insurhensiyang plano na  suportado ng gobyerno ng Estados Unidos,” ayon pa Enriquez.

Sinabi naman ni Fred Cana, pangkalahatang kalihim ng Karapatan-Negros, na ang pag-aresto at pagsampa ng gawa-gawang kaso sa mga militanteng lider, aktibista at human rights defenders ay nagpapatuloy hanggang sa kasalukuyan.  Sa kabila ito ng pagbuwag sa IALAG (Inter-Agency Legal Action Group), na binuo sa balangkas ng kontra-insurhensiya at responsable sa pagsampa  ng mga gawa gawang kaso sa panahon ng dating administrasyon.

“Sa tingin namin mas lalo pang lalakas ang paglabag sa karapatang pantao sa kasalukuyan, dahil ipinagpatuloy ng adminstrasyong ito ang Oplan Bantay Laya, na siyang dahilan ng nagaganap na extrajudicial killings at enforced disappearances,” pahayag ni Cana.

Sinabi din ni Cana na 13 lider-magsasaka sa Negros ang hinuli kamakailan lang at ang isa ay nananatiling nakapiit.  Ayon pa sa kanya, maging siya ay kinasuhan din kasama ng iba pang lider sa Negros ng kasong malicious mischief, libel at unjust vexation.

Bukod sa kaso ng pamamaslang, dalawang bagong kaso ng pagdukot at sapilitang pagkawala ang naitala ng  grupo.  Ayon kay Aya Santos, pangalawang pangkalatang kalihim ng Desaparecidos,  dalawang magsasakang Lumad ang dinukot noong Agosto 28 at Setyembre 1, habang nasa kasagsagan ang ebakwasyon ng mga ito sa Marihatag, Surigao del Sur.

Idinagdag ni Santos na ang dalawang magsasaka ay nagpaiwan sa kanilang lugar sa panahong iyon at natuklasan lang nga mga kaanak ang pagkawala ng mga ito ng sila ay bumalik mula sa evacuation center at sa impormasyon kanilang nakuha ang mga iyo ay inaresto ng 36th Infantry Batallion ng Philippine Army.

Sa kasalukuyan, nananatiling hindi nalulutas ang 1,207 kaso ng extrajudicial killings, 206 sapilitang pagkawala at 388 bilanggong pulitikal.