Menor-de-edad, ginulpi ng sundalo hanggang mawala sa katinuan


Pangkaraniwang tinedyer si Gerald. Minsan, dumating ang mga militar sa baryo nila, at nangrerekluta sa mga tinedyer tulad ni Gerald na maging Cafgu. Nang tumanggi ang magulang niya, napag-initan ng militar si Gerald.

Si Gerald. (Macky Macaspac)
Si Gerald. (Macky Macaspac)

Kadalasang tulala si Gerald (di tunay na ngalan), 17-anyos na bata mula San Juan, Batangas.  Hindi siya madaling makausap. Tuwing may mga taong nagbubulungan, nababalisa siya.  May panahong nanginginig si Gerald, lalo na kung nakakakita siya ng mga taong naka-uniporme ng militar.

Kamakailan lamang, isinugod sa pagamutan si Gerald. Sa pagkakataong ito, ipinasok siya sa isang pribadong institusyong nangangalaga sa mga katulad niya. Ito ang ikatlong beses na pagdala sa kanya sa pagamutang para sa mga may mental breakdown. Ayon sa mga kaanak at tagapangalaga, tila bumigay na ang katinuan ni Gerald. Bumigay dahil marahil sa tindi ng naranasan.

Sa panayam ng Pinoy Weekly, isinalaysay ni Julia, ina ni Gerald, kung paano niya natuklasan ang kakaibang ikinikilos ng anak. Nagsimula umano ito noong Mayo 2010, matapos dumating sa kanilang barangay ang mga militar na miyembro ng 740th Combat Group ng Philippine Air Force. Aniya, ang dahilan diumano ng pagtigil at pagtayo ng kampo ng militar sa kanilang lugar ay upang magbantay sa eleksiyon.

Nagsimula sa videoke

“Nag-umpisa ang pagpasok nila noong Mayo para raw magbantay sa eleksiyon. Pero ang ipinagtataka namin, hanggang ngayon nandoon pa rin sila. Namamalagi sila sa eskuwelahang elementarya. Nagtayo sila ng kampo sa isang lumang bahay katabi ng eskuwelahan,” kuwento ni Julia.

Aniya pa, binabarkada ng mga sundalo ang mga kabataan, kadalasang nasa edad 15 pataas sa kanilang lugar. Madalas umanong iniimbitahan ng mga sundalo ang mga kabataan sa loob ng kampo upang mag-inuman habang kumakanta sa videoke. At sa mga sesyon ng inuman, idinaan ang pagrekrut ng mga sundalo sa kabataan upang maging miyembro ng Citizens’ Armed Forces Geographical Unit (Cafgu).

Isa si Gerald sa mga naging kaibigan ng mga sundalo. Madalas siyang nakakalabas-pasok sa kampo at nauutusan ng mga sundalo.  Noong nakaraang Hunyo 18, pagkaraang manggaling sa pag-uuling, na isa sa kanilang ikinabubuhay;  nadatnan na lamang ng pamilya nina Julia ang aabot sa dalawampung sundalo at Cafgu sa kanilang bahay.  Ayon kay Julia, kinausap at hinikayat sila ng mga sundalo  na ipasok si Gerlad sa Cafgu.  Anila makakatulong daw kay Gerald ang pagiging Cafgu at maari itong maging ganap na sundalo makaraan ang anim na buwan, at makakatapos pa ito ng pag-aaral.  Ayon pa kay Julia, mariin nila itong  tinanggihan.  “Hindi namin siya pinayagan dahil menor-de-edad pa siya,” sabi ni Julia.

Sa kabila ng pagbabawal ng mga magulang niya, ipinagpatuloy ni Gerald ang pakikipagkaibigan sa mga militar at Cafgu sa loob ng kampo at diumano’y sumasama pa rin siya sa inuman ng mga ito.  Ngunit nagsimula umanong maging malamig ang pagtrato ng mga sundalo kay Gerald matapos nilang tanggihan ang pagrekrut. Tinatanong na rin siya ng mga sundalo  hinggil sa personal na katauhan niya. “Simula noon, pinag-initan na siya at madalas na minumura at binabastos ng mga sundalo,” kuwento pa ni Julia.

Ayon sa dokumentasyon  ng Batangas Human Rights, isang lokal na grupong pangkarapatang pantao, ang bahay nina Julia ay malapit lamang sa kampo ng militar.  Kung kaya hindi maiiwasang madaanan nila ito, dahil ito ang pinaka maiksing daanang patungo sa kanila mula sa kanilang bukid.  Ayon pa sa dokumentasyon ng grupo, may pagkakataong binibinbin si  Gerald sa loob ng kampo, at kailangan pang sunduin ni Julia ang kanyang anak bago ito payagang maka-uwi.  Isang beses na silang mag-ina ay manggaling sa pag-uuling, hindi kaagad nakauwi si Gerald at nang sunduin ng kanyang ina, inabutan nitong pinapakain ng tutong na kanin ang kanyang anak ng isang sundalong nagngangalang Sgt. Areta.

Batay sa kuwento ni Julia, sinabi diumano ni Sgt. Areta kay Gerald na halos mapaiyak na, “kapag hindi mo kinain yan, isasampal ko sa iyo yan,”  wika diumano ni Areta.  Sa pagkakasaksi ni Julia sa pangyayari, pinagalitan niya si Gerald at pinauwi.  “Sa labis kong galit, sinabihan ko si Gerald na, tumayo ka nga diyan, nagugutom ka ba sa atin at kakain ka diyan ng kaning-aso,”  patuloy na kuwento ni Julia.

Dahilan ng pagkawala sa sarili

Noong Agosto 28, 2010, kasama ang iba pang kabataan, muling sumama si Gerald sa isang outing ng mga sundalo at Cafgu sa Laiya, San Juan, Batangas.

Sa imbestigasyon ng  Batangas Human Rights,   alas-nuwebe ng gabi nang pumunta si Gerald sa isang comfort room. Pero nagkamali ng pasok si Gerald, sa CR ng mga babae. Sa pagsisiyasat ng Batangas Human Rights sa lugar, wala naman daw kasing palatandaan ang naturang CR na para sa babae ito.

Nang matanto ang pagkakamali, agad din naman umanong lumabas si Gerald sa palikuran. May naliligo kasi sa loob nito; humingi si Gerald ng dispensa sa babae. Pero nakita siya ng mga sundalo. Ayon sa naturang grupong pangkarapatang pantao, mga sundalong nagngangalang Sgt. Areta, Sgt. Casapao at Sgt. Casanova  ang nakakita kay Gerald, at agad na kinumpronta ang huli.