Lider-manggagawa, magsasaka pinaslang sa magkahiwalay na probinsiya


Dalawang militanteng lider ang magkasunod na pinaslang ng hindi pa nakilalang mga salarin sa lalawigan ng Cavite at Isabela.

Mapa ng Dasmarinas City, Cavite (maps.google.com)
Mapa ng Dasmarinas City, Cavite (maps.google.com)

Dalawang militanteng lider ang magkasunod na pinaslang ng hindi pa nakilalang mga salarin sa lalawigan ng Cavite at Isabela.

Unang pinaslang si Celito Baccay, 31 anyos at aktibong lider ng Maeno Giken Workers Organization (Magikwo), na kasaping unyon ng Solidarity of Cavite Workers (SCW). Diumano, bandang alas-10 ng gabi noong Marso 8, lulan ng kanyang motorsiklo si Baccay nang harangin ng dalawang kalalakihan at pagbabarilin sa Governor’s Drive, Brgy. Langkaan, Dasmarinas, Cavite. Nagtamo umano si Baccay ng tama ng bala sa kanang bahagi ng ulo at dibdib at idineklarang dead on arrival sa De La Salle Medical Center.

Sa pahayag ng SCW, pangunahing lider at organisador umano si Baccay ng unyon sa loob ng Maeno Giken, isang kompanyang Hapones na gumagawa ng mga produktong asero at bakal sa loob ng First Cavite Industrial Estate sa Dasmarinas, Cavite.

Ayon kay Leonila Baccay, asawa ni Celito na madalas umanong pag-initan ng manedsment si Celito mula nang pasimulan nito ang pagbubuo ng unyon noong 2009. Sinabi din ni Leonila na mukhang lalong pinag-initan umano ng manedsment si Celito matapos nitong tanggihan ang inaalok na promosiyon ng manedsment noong nakaraang linggo. Aniya, ang promosiyon umksakano ay mag-aalis kay Celito sa liderato ng unyon at maging sa pagiging miyembro nito.

Naaalarma naman ang mga organisasyon ng mga manggagawa sa Cavite sa pangyayari. Diumano, pangalawang pag-atake na sa hanay ng mga unyonistang manggagawa ang pagpaslang kay Baccay.

Ayon sa SCW, noong Nobyembre 22, 2010, tinangka umanong patayin sa pamamagitan ng pagsaksak si Nolan Maquincio, 45 anyos, public relations officer ng Nagkakaisang Manggagawa ng Hoffen Industries isang unyon sa ilalim ng Olalia Federation – Kilusang Mayo Uno (KMU).

“Parehong pinag-initan ng manedsment sina Baccay at Maquincio dahil sa pagiging aktibo nila sa pag-oorganisa ng mga unyon sa kani-kanilang kompanya,”ani Merly Grafe, tagapangulo ng SCW.

Samantala, kinumpirma naman ni Diony Yadao, tagapagsalita ng Danggayan Daguiti Mannalon ti Isabela (Dagami) ang pagpaslang ng hindi pa nakilalang kalalakihan kay Bonifacio Labasan, 61 taong gulang na isang magsasaka ng San Mateo, Isabela.

Ayon kay Yadao, aktibo umanong kasapi ng Dagami at Anakpawis si Labasan. Diumano, habang patungo si Labasan sa palengke sakay ng kanyang motorsiklo noong Marso 9, hinarang at pinagbabaril umano si Labasan nang mga kalalakihang nakasuot ng bonete at sakay din ng motorsiklong walang plaka. Kasama ni Labasan ang kanyang anak na nakaligtas nang mangyari ang pamamaril, ngunit hindi nito nakilala ang mga salarin.

Malakas ang hinala ng grupong Dagami na ang pagpaslang kay Labaasan ay dahil sa pagiging aktibong kasapi nito sa Dagami na pangunahing tumututol sa proyektong bio-ethanol sa lalawigan ng Isabela.

Saklaw ng bioethanol project ang libu-libong ektarya ng lupaing agrikultural sa Isabela, at kasama diumano si Labasan sa pagtutol sa proyekto dahil sa libong magsasaka ang apektado sa pangangamkam ng lupa upang itayo ang multi-milyong proyekto.

“Pinatay siya (Labasan) dahil sa lupa,”pagtatapos ni Yadao.