Paglitaw ni Jonas Burgos hangad ng pamilya, tagasuporta


Muling nagpanawagan ang mga tagasuporta at mga kaanak ng nawawalang aktibistang si Jonas Burgos matapos ilabas at isumite sa Korte Suprema ang ulat ng Commission on Human Rights noong Marso 15.

Larawan ni Jonas Burgos
Larawan ni Jonas Burgos

Muling nagpanawagan ang mga tagasuporta at mga kaanak ng nawawalang aktibistang si Jonas Burgos matapos ilabas at isumite sa Korte Suprema ang ulat ng Commission on Human Rights noong Marso 15.

Nakasaad sa ulat ang umano’y malakas na ebidensiyang nagtuturo sa militar na siyang may kagagawan ng pagdukot at pagkawala ni burgos. Itinuro sa nasabing ulat ng CHR ang isang kagawad ng 56th Infantry Battalion ng Philippine Army na si Lt. Harry Baliaga jr. bilang pangunahin at direktang may kinalaman sa pagdukot.
Pinuri naman ni Edita Burgos, ina ni Jonas at tagapangulo ng Desaparecidos, ang mga imbestigador ng CHR sa pamumuno ni komisyuner Manuel Mamauag sa malalalimang imbestigasyon.

Sinabi ni Edita na kinukumpirma ng ebidenisyang nakalap ng CHR ang ng pamilya Burgos na sangkot ang Army sa pagdukot kay Jonas. Idinagdag pa niya na lumalabas na nagkaroon ng pagtatakip ang militar sa identidad ng mga sangkot sa pagdukot sa kanyang anak.

“Naniniwala kami na hindi gagawin ni 1st.Lt. Harry Baliaga ang pagdukot kung walang atas mula sa nakakataas sa kanya,” aniya.

Ganito rin ang pagtingin ng mga tagasuporta at mga kaanak ng mga biktima ng paglabag ng karapatang pantao. Diumano’y hindi lamang sa pagkilala at pagliltis sa indibidwal na salarin, mahalaga ang pagpapatigil sa nagaganap na sapiltang pagkawala sa ilalim ng kontra-insurehensiyang patakaran ng gobyerno.

“Ang mga salarin ay tagapagpatupad lamang ng mapanupil na kampanya sa atas at direksiyon ng estado at liderato ng militar laban sa mga mamamayan. Biktima si Jonas ng Oplan Bantay Laya noon na ngayon ay Oplan Bayahnihan,” ani Cristina Guevarra, pangkalahatang kalihim ng Hustisya.
Sinabi rin ng grupo na kanilang susuportahan ang kaso ni Jonas Burgos sa pamamagitan ng legal na tulong at hinamon ang CHRna gawin din ang nararapat na aksiyon bilang kongkretong hakbang sa kaso.

Sa panig naman ng pamilyang Burgos, umaasa umano sila sa paglantad pa nang iba pang testigo at  ganundin ang pag-apela nila sa mga taong may kagagawan ng pagdukot at patuloy umanong detensiyon ni Jonas, na lumantad at diumano’y harapin ang kahihinatnan ng kanilang aksiyon.

“Bagama’t tila naipanalo namin ang labang ito, ang tunay na sukatan ng tagumpay ay ang pagbawi namin sa aking anak. Ipagpapatuloy namin ang laban hanggang maibalik si jonas sa amin nang buhay at nasa mabuting kalagayan, doon maibibigay ang hustisya,” ani Edita.

Inirekomenda din ng CHR sa Korte Suprema na mag-isyu sa pamilyang Burgos ng writ of amparo.