Migrante

Tuition moratorium, sinuportahan ng OFWs


Sinuportahan ng pandaigdigang alyansa ng mga Overseas Filipino Worker (OFW) ang panawagan para sa tuition moratorium sa gitna ng pag-apruba ng Commission on Higher Education (Ched) sa siyam na porsiyentong pagtaas ng singil sa matrikula sa 282 unibersidad at kolehiyo sa buong bansa. Ayon kay Garry Martinez, tagapangulo ng Migrante International, kabilang ang mga OFW […]

Kabataan Rep. Raymond Palatino: Naghain ng panukala para sa tuition moratorium (PW File Photo/Karla Andrea Ipong)

Sinuportahan ng pandaigdigang alyansa ng mga Overseas Filipino Worker (OFW) ang panawagan para sa tuition moratorium sa gitna ng pag-apruba ng Commission on Higher Education (Ched) sa siyam na porsiyentong pagtaas ng singil sa matrikula sa 282 unibersidad at kolehiyo sa buong bansa.

Ayon kay Garry Martinez, tagapangulo ng Migrante International, kabilang ang mga OFW sa papasan sa pagtaas ng singil sa matrikula, kasabay ng patuloy pa ring pagtaas ng presyo ng batayang mga bilihin.

“Ang pang-tuition sa mga anak ay ipinangungutang na pagdating ng enrollment, o di kaya naman kailangang magdoble o triple ng trabaho para mabayaran,” sabi ng lider-migrante.

Ang buwanang remitans ng mga migranteng Pilipino ay kadalasang sumasapat lamang na pambayad sa batayang mga pangangailangan gaya ng pagkain, upa sa bahay, at yutilidad.

“Kaya parami nang parami ang napipilitang tumigil sa pag-aaral. Kadalasan kasing inuuna ng mga OFW ang batayang mga pangangailangang ito at pambayad-utang, kaysa sa tuition fee ng kanilang mga anak,” dagdag ni Martinez.

Noong nakaraang taon, inamin mismo ng Ched na walo sa 10 graduweyt ng hayskul ang hindi makakatuntong ng kolehiyo dahil sa taas ng tuition fee. Gayundin, apat sa 10 freshmen ang hindi makakapagpatuloy sa pag-aaral.

Kamakailan, inihain ni Kabataan Rep. Raymond Palatino sa Kongreso ang House Bill 3708 o “Three-year Tuition Moratorium Act” at HB 4286 o “Tuition and Other Fees Regulation Act.”

Layon umano ng dalawang panukalang batas na tugunan ang “krisis ng komersiyalisadong edukasyon.” Ang tatlong-taong moratoryo ay para mabigyan ng kagyat na ginhawa ang mga magulang laban sa di-makatarungang mga pagtaas ng singil sa matrikula.

Ipinapanukala rin ng Kabataan Party-list na gamitin ang panahong ito para talakayin ang mas mahigpit na regulasyon sa pagtaas ng singil sa matrikula.