Pagpaslang sa maka-kalikasang paring Italyano kinondena
Kinondena ng mga grupong maka-kalikasan ang pagpaslang sa isang misyonerong Italyano na aktibo sa pagtutol sa malawakan at mapangwasak na pagmimina sa Mindanao.

Kinondena ng mga grupong maka-kalikasan ang pagpaslang sa isang misyonerong Italyano na aktibo sa pagtutol sa malawakan at mapangwasak na pagmimina sa Mindanao.
Pinaslang ng di-nakilalang armadong lalaki nitong umaga ng Oktubre 17 si Fr. Fausto Tentorio sa isang kumbento sa Antipas, North Cotabato.
“Dapat panagutan ng administrasyong Aquino ang pagpayag na maganap ang ganitong mga insidente. Napapakita ng kainutilan niyang mapigil ang mga pamamaslang at bigyang hustisya ang mga biktima ng mga paglabag sa karapatang pantao na pabaya at walang pakialam ang administrasyon niya sa pagpapatuloy ng kultura ng impunity sa bansa,” sabi ni Clemente Bautista, pambansang tagapag-ugnay ng Kalikasan – People’s Network for the Environment.

Mariin din ang pagkondena ng Kalumaran (Kusog sa Katawhang Lumad), alyansa ng iba’t ibang tribu sa Mindanao ang pagpaslang kay Tentorio.
“Ang pagpaslang kay Fr. Tentorio ay pagpapatuloy ng pangingibabaw ng teror sa mga komunidad ng Lumad na nagmula noong rehimeng Marcos at nagpatuloy sa sumunod na mga panguluhan,” pahayag ng Kalumaran.
Sa salaysay ni Leonardo “Bobong” Reovoca, konsehal ng Arakan at dating manggagawa sa Diocese of Kidapawan, paalis ang pari para sa isang pulong ng mga taong-simbahan nang paulit-ulit na barilin ito ng nag-iisang salarin.
Ayon pa kay Reovoca, sumakay sa isang kulay asul na motorsiklo ang salarin matapos tiyakin na patay na ang biktima. Hindi nakilala ang salarin dahil nakasuot siya ng helmet.
Hindi na umabot nang buhay sa Antipas Hospital si Fr. Tenorio dahil sa tama ng bala sa ulo at dibdib.
Si Tentorio, o mas kilala bilang “Fr. Pops,” at ang kanyang organisasyong Tribal Filipino Program ng Diocese of Kidapawan ay aktibo sa pagdedepensa sa karapatan ng mga katutubo at proteksiyon sa kapaligiran.
Ayon sa Barug Katungod Mindanao, ang pakikipamuhay niya sa mga komunidad sa North Cotabato ang dahilan ng matinding pagtutol ni Tentorio sa militarisasyon na bumibiktima umano sa mga katutubo at magsasaka. Dagdag pa ng grupo, makailang ulit na rin na nakatanggap ng banta sa buhay ang naturang pari.
Naging aktibo rin siya sa kampanya kontra sa pagmimina ng kompanyang Xstrata sa Sultan Kudarat.
Layunin ng proyekto ng Xstrata na magtatag ng pasilidad para sa open pit mining sa Sultan Kudarat. Tinutulan ito ng iba’t ibang grupo kabilang ang TFP dahil maaapektuhan umano nito ang tubig at kagubatan ng probinsiiya.

Naging aktibo rin si Tentorio sa kampanya para sa hustisya sa pamamaslang kay Benjaline Hernandez, lider-pangkarapatang pantao na pinaslang sa Arakan Valley, North Cotabato noong Abril 5, 2002.
“Si Fr. Fausto ang ika-anim na anti-mining advocate na pinaslang ngayong taon. Katulad (ang naganap sa kanya sa sinapit) ng environmentalist ng Palawan na si Dr. Gerry Ortega at lider ng small scale miners na si Santos Manrique,” sabi pa ni Bautista.
Kabilang pa sa mga pinaslang na mga aktibistang kontra sa malawakang pagmimina ay sina Rudy Segovia ng Zamboanga, Florita Caya ng Compostela, at Rabenio Sungit ng Palawan.
Wala pa rin sa 33 kaso ng pamamaslang na aktibistang mga maka-kalikasan mula 2001 ang naresolba hanggang sa kasalukuyan, sabi pa ni Bautista.
Si Fr. Tenorio ang pangalawang pari ng Pontifical Institute for Foreign Missions (PIME) na pinasalang sa North Cotabato. Umabot na sa 26 taon ang nakakaraan, noong kasagsagan ng batas militar, nang paslangin si Fr. Tulio Favali ng grupong paramilitar, ang Civilian Home Defense Forces o CHDF, na pinamumunuan noon ni Norberto Manero.