Karapatang Pantao

Panayam: Ang nagpapatuloy na laban ni Alan Jazmines


Panayam kay Alan Jazmines, artista, rebolusyonaryo at bilanggong pulitikal noong panahon ng diktadurang Marcos at ngayon.

"People Power, Then and Now," pinta ni Alan Jazmines na ineksibit sa Sining Kamalig sa Gateway Mall, Cubao noong Pebrero 2011. Panahong nakaeksibit ang kanyang likhang sining nang hulihin ng militar si Jazmines.
"People Power, Then and Now," pinta ni Alan Jazmines na ineksibit sa Sining Kamalig sa Gateway Mall, Cubao noong Pebrero 2011. Panahong nakaeksibit ang kanyang likhang sining nang hulihin ng militar si Jazmines sa Baliuag, Bulacan.

Sila’y mga aninong tinipon sa masikip na sisidlan: sa makapangyarihan ay tinik sa lalamunan. Tinugis sila: hindi man sa anyo ng pagpaslang, ngunit sila’y iniligpit at isinumpang humimlay sa mga sulok na itinururing na libingan ng mga buhay.

Ngunit ayon sa Malakanyang, “walang bilanggong pulitikal sa Pilipinas.”

Ang mga bilanggong pulitikal, political detainee, o “poldet” ay yaong inaresto at idinetine para sa “mga gawaing kaugnay ng pagsusulong ng kanilang pampulitikang mga paniniwala.” Habang isinasampa sa ilan ang mga pulitikal na kaso gaya ng rebelyon o sedisyon, karamihan sa kanila ay sadyang sinampahan ng karaniwang mga kasong kriminal, na nagkakaila sa pulitikal na katangian ng kanilang pagkakapiit.

Ang POKUS:POLDET ay isang espesyal na seksiyon na laan ng Pinoy Weekly para sa mga sulatin ukol sa mga bilanggong pulitikal. Ito’y testimonya sa kanilang pag-iral at patuloy na pakikibaka – isang panata para sa kanilang pagpapalaya.

* * *

Alan Jazmines, matapos dukutin at ikulong ng militar noong Pebrero 2011. (Kontribusyon)
Alan Jazmines, matapos dukutin at ikulong ng militar noong Pebrero 2011. (Kontribusyon)

Panayam: Ang nagpapatuloy na laban ni Alan Jazmines

Ilang oras lamang bago ang panunumbalik ng pormal na usapang pangkapayapaan sa pagitan ng Government of the Republic of the Philippines (GPH) at National Democratic Front (NDF), dinakip at ikinulong ng mga awtoridad ang isang konsultant ng NDF.

Siya si Alan Jazmines, isa sa pinakakilalang mga detenidong pulitikal noong Batas Militar. Sa dinanas niyang matinding tortyur sa kamay ng militar, umani ito ng pagkondena mula sa pandaigdigang komunidad. Ngayon, muli siyang nakapiit—sa ilalim ng gobyerno ng anak ni Pangulong Corazon Aquino, na nagpalaya sa kanya at iba pang bilanggong pulitikal noong 1986.

Si Jazmines ay isang makata at pintor, at naging pangkalahatang kalihim ng sinupil na Partido ng Bayan noong unang administrasyong Aquino. Kasalukuyang konsultant siya ng NDF para sa mga repormang sosyo-ekonomiko.

Dapat susunod na tatalakayin ng magkabilang panig ang hinggil sa mga repormang ito. Pero dahil tumatanggi ang administrasyong Aquino na palayain ang mga konsultant ng NDF gaya ni Jazmines, hindi makausad-usad ang usapang pangkapayapaan.

Kinapanayam ng Pinoy Weekly si Jazmines para makuha ang kanyang mga pagtingin hinggil sa kalagayan ng mga detenidong pulitikal, usapang pangkapayapaan, at ang laban na kanyang ipinagpapatuloy sa loob at labas ng piitan.

Pinoy Weekly (PW): Maaari ba ninyong ikuwento nang detalyado ang pagkakaaresto sa inyo noong Pebrero 14, 2011 sa Bulacan?

Alan Jazmines (AJ): Walang pahintulot at pwersahang pinasok ng magkasanib na pwersa ng Philippine Army (PA) at Philippine National Police (PNP) ang nakasaradong gate ng bahay na kinaroroonan ko noon, dire-diretsong nilusob ang bahay at mga kuwarto roon, at tinutukan ng matataas na kalibre ng baril ang lahat ng naroroon.

Pagkakita sa akin ay agad akong pinosasan at inilabas ng bahay. Pinapasok naman ang mga nagpoprotestang nakatira sa bahay para umano’y ipaliwanag ang pag-aresto sa akin. Naghahanap ang mga nakatira sa bahay ng warrant of arrest, pero walang maipakita ang mga nagreyd kundi ang mga di-mabasang xerox copy ng xerox copy ng mga dokumento sa korte na ikinukunwari nilang warrant of arrest.

Pinapasok ang mga nakatira sa bahay sa isang kwarto upang di makita at di masagkaan ang paghalughog ng mga nagreyd sa kuwarto kung saan ako kinuha at pagsamsam ng mga naroroong computer, hard disk,cellphone, relo, ilang salapi, at tinatrabaho ko noong mga papeles, kabilang na ang mga inihahanda para sa muling sisimulang usapang pangkapayapaan.

Mabilisang dinala ako sa PNP Regional Headquarters sa Camp Olivas, Pampanga, mga isang oras lamang pagkapatupad ng reyd, upang magawan agad ako ng arrest papers at maunahan ang muling pagsisimula ng usapang pangkapayapaan sa pagitan ng GPH at NDF na magaganap sa loob lamang ng ilang oras. Sampal ang ginawa ng pamunuang militar ng reaksyonaryong gubyerno sa NDF peace panel at sa prosesong pangkapayapaan. Inangal ko na hindi nila ako dapat arestuhin dahil protektado ng Joint Agreement on Safety and Immunity Guarantees o Jasig ang mga katulad kong NDF peace consultant. Hiningi ko ring makausap muna ang mga abogado ko. Umalis ang arresting officer at pagkabalik makaraan ang mahigit dalawang oras ay sinabing ang utos “mula sa itaas” ay ituloy ang pag-aresto at pagkulong sa akin, kahit inaangkin ko ang proteksiyon ng Jasig at iginiit kong kailangan ako sa gaganaping usapang pangkapayapaan. Naipaabot na raw ang tungkol dito sa Office of the Presidential Adviser on the Peace Process (OPAPP) at ito na lamang daw at ang GPH panel ang bahala sa binanggit kong mga problema. Ang OPAPP na rin daw ang bahalang magpaabot sa mga abogado ko. Tuwiran at malinaw ko noong nasaksihan kung paano nila maliitin, bastusin at labagin di lamang ang mga prosesong legal ng sariling reaksyonaryong gobyerno, kundi pati at laluna ang mga kasunduan sa usapang pangkapayapaan.

Tuluyan na akong dinala sa kulungan ng PNP sa Camp Alejo Santos sa Malolos, Bulacan. Ilang minuto pa lamang pagkaaresto sa akin, ipinagmalaki na agad ito ni Gen. Arturo Ortiz, hepe ng PA, na siyang nagsilbing pangkalahatang kumand sa operasyong pag-aresto. Nasagap agad ito ng mga taong-midya at agad ding nagtimbre ang mga ito sa mga organisasyong pangkarapatang pantao at sa pamilya ko, kaya nagmadaling tumungo sila sa Camp Olivas. Bandang 7:30 ng gabi, nakarating sila sa Camp Olivas, pero itinanggi ng mga awtoridad at tauhan doon na naroroon ako. Inabot sila ng hanggang alas-diyes ng gabi sa kahahanap sa akin doon. Naroroon ako sa halos buong panahong pinaghahanap ako roon.

Bandang alas-10 ng gabi, tuluyan na akong dinala sa kulungan ng PNP sa Camp Alejo Santos sa Malolos, Bulacan. Bandang alas-11 ng gabi, saka pa lamang ipinakita sa akin ng arresting officer ang ikinukunwaring warrant of arrest. Halos wala nang mabasa sa ipinakikitang mga dokumento dahil sa kalabuan at kalumaan ng mga dokumento. Binanggit na lamang sa akin na 13 kaso sa korte ang mga iyon na may petsang 1992 kaugnay ng mga napatay sa mga operasyong militar ng New People’s Army sa iba’t ibang lugar sa Timog Katagalugan.

Madaling araw kinabukasan ay nagtipun-tipon uli ang mga naghahanap sa akin at nagtawag sa midya at sa mga kampo ng militar at pulisya. Mga alas-11 na ng umaga nang natagpuan ako. Pinayagan silang mabisita ako nang isang oras lamang.

Samantala, hinihintay noon ng Bulacan PNP ang inihahabol pang “warrant of arrest” para maging legal umano ang pag-aresto sa akin at madala na ako sa regular na detention center ng PNP sa Camp Crame. Nakarating ito ng bandang alas-kuwatro ng hapon at ibang-iba na sa unang pinalabas sa “warrant of arrest” ng mga nagreyd sa bahay at umaresto sa akin. Ang bagong “warrant of arrest” na may petsang 2006 na ay para umano sa kasong rebelyon.

Sa loob ng isang oras ay nailipat na ako sa PNP Custodial Center sa Camp Crame, kung saan ako patuloy na ikinukulong mula noon.

PW: Kumusta na ang inyong kalagayan sa piitan sa Camp Crame?

AJ: Dito sa piitan sa Camp Crame—at sa lahat ng piitan ng reaksyonaryong estado—pangunahin at esensiyal na suliranin ang pagsagka sa malaya at epektibong direktang paglahok ng mga bilanggong pulitikal sa pangunahing agos ng pakikibaka ng rebolusyonaryong kilusan at ng mamamayan sa labas ng piitan.

Sa iba’t ibang di-tuwiran at mas limitadong tuwiran ding paraan, at maging sa pamamagitan mismo ng kanilang mga lokal na pakikibaka laban sa pagyurak ng reaksyonaryong estado sa karapatan ng mga bilanggong pulitikal at iba pang bilanggo, ay may naiaambag pa rin ang mga bilanggong pulitikal sa mga pakikibaka sa labas ng piitan at sa kabuuan ng pakikibaka ng bayan.

Alan Jazmines (kanan), kasama sina Jose Ma. Sison (gitna) at Rolando Olalia (kaliwa) sa founding congress ng Partido ng Bayan noong 1987. Si Jazmines ang secretary general ng PnB noon. (PW File Photo)
Alan Jazmines (kanan), kasama sina Jose Ma. Sison (gitna) at Rolando Olalia (kaliwa) sa founding congress ng Partido ng Bayan noong 1987. Si Jazmines ang secretary general ng PnB noon. (PW File Photo)

Relatibong mababang antas pa lamang ang naisasagawang mga pakikibaka rito sa piitan sa Camp Crame, at di pa nagagawa ang tulad ng mga nakamit sa nakaraan na pagpapalaya ng mga nursing mother sa pamamagitan ng hunger strike ng mga bilanggong pulitikal.

Gayunpaman, nitong huling mga sampung buwan ay nakamit ang ilang bahagyang kaginhawaan at kabawasan sa mga abuso, bunga ng sunud-sunod na mga pakikibaka ng mga bilanggo rito, na sa malaking bahagi ay pinangunahan ng mga pambansa-demokratikong bilanggong pulitikal.

Inilantad sa midya at kolektibong inireklamo ng mga bilanggo sa pamumuno ng mga pambansa demokratikong bilanggong pulitikal ang isang lasing na abusado at mabangis na mataas na upisyal ng pulisya na sapilitang nanghimasok sa mga selda ng mga bilanggo sa disoras ng gabi, nangumpiska ng mga toothpaste at nailcutter nila, nagpapila sa harap niya ng mga babaeng detenido kahit na maninipis na pantulog lamang ang suot nila, nagmumura at nananakot sa mga bilanggo at nagsabing, “Walang human rights, walang human rights.” Dahil sa paglalantad at pagrereklamo sa kanya, naobligang matanggal ang upisyal na ito mula sa pwesto.

Bunga ng kolektibong reklamo ng mga detenido sa pagpa-padlock ng mga brigada (cell block) kapag di araw ng pagdalaw, at pakikipagdayalogo nila sa kumand ng detention center, napanatili nang bukas buong araw ang gate ng mga brigada araw-araw, kasabay na sa pagbukas ng indibidwal na selda mula umaga hanggang gabi. At sa gayon maaaring mag-ehersisyo, maglaro ng sports, magpaaraw, mag-asikaso sa mga pananim, at makipaghalubilo sa mga taga-iba pang brigada ang mga detenido.

Napatigil na rin ang mula’t sapul na umiral na pag-uutos at sapilitang pagpapatrabaho ng mga guwardiya sa mga detenido, at ang kaakibat na panggigising, pambubulabog, at paninigaw ng mga gwardiya sa mga detenido nang maagang-maaga, na may kasabay pang pagbabanta ng pagpa-padlock sa mga brigada at selda kapag hindi agad tumugon ang mga detenido. Dating minamando pa ng mga gwardiya ang pagpapalinis ng mga visiting area at mga palikuran doon at ang paglalabas at pagtatapon ng mga basura mula sa mga brigada ng detention center. Pinasasaklaw din sa paglilinis ng mga detenido ang baraks at mga palikuran ng pulisya sa labas ng detention center. Naipakita ng mga detenido na batay sa sariling pagkukusa at sistemang pang-organisasyon, nagagawa nilang mamantine ang kalinisan ng sariling mga lugar at pati mga ginagamit ng mga bisita nila nang hindi na sila kailangang utusan at puwersahin ng mga guwardiya. Tumigil na rin ang pagpapalinis ng mga baraks, palikuran, at iba pang ginagamit lamang ng pulisya. Pangita ngayon ang malaking pagtaas ng respeto at paghusay ng pakikitungo ng mga gwardiya sa mga detenido kumpara sa nakaraan.

Kung dati rin ay di pinapansin ng custodial center ang kalat-kalat na reklamo ng mga detenido sa napakababang kalidad at madalas pang kulang na mga rasyong pagkain, makaraang kolektibong naipaabot na ito at tinalakay sa kumand ng custodial center ay may kaunting pagbuti na sa kalidad at mas mabilis na napupunuan na ang mga kulang. Gayunman, sa kalakha’y nananatili pa ring mababa ang kalidad ng mga rasyon.

Marami pang ibang reklamo at kahilingan ng mga detenido na hindi nalulutas, kahit paulit-ulit na naihaharap sa kumand ng custodial center. Tampok dito ang sadyang paglilimita sa dalaw ng mga detenido. Hanggang 10 kamag-anak lamang ang pinapayagang maisama sa listahan ng maaaring regular na makadalaw sa mga detenido at may kahirapang magpapasok ng iba pang gustong dumalaw, kahit malapit na kamag-anak na matagal nang di nakikita ang gustong dalawing detenido.

Naging mainit na isyu ng mga detenido ang ginagawa ng mga pulis, pangunahin na ng ilang pinakaabusado sa kapangyarihang matataas na opisyal, na pagpapawalang-hiya at pang-aapi sa mga babaeng detenido. Kabilang dito ang pwersahang pagpapalinis sa kanila sa kuwarto ng mga opisyal, pagpapalabas sa kanila sa selda sa disoras ng gabi, pagpapainom ng alak, pagpapamasahe sa kanila at pagtatangkang molestiyahin at abusuhin sila…Naging matindi ang laban dito, laluna’t umabot sa pagbabanta ng pangunahing kinasuhang mataas na opisyal sa buhay at pamilya ng mga babaeng detenidong nagsampa ng reklamo.

Napagtagumpayan din ang labang ito. Napatalsik ang pangunahing kinasuhang upisyal at napatigil ang mga pambabastos at pagtatangka sa mga babaeng detenido. Nagsilbing malaking tulong sa kanila ang pagkilos ng Gabriela Women’s Party para maimbestigahan at maaksyunan ang reklamo ng mga babaeng detenido.

Isang naging mainit na isyu rin kamakailan at di pa nalulutas ang paghaharang ng custodial center sa pagpapasok ng mga simpleng postcard na may panawagang “Free All Political Prisoners,” dahil daw may patakaran ang custodial center na nagbabawal sa pagpapasok dito at pagpapasakamay sa mga bilanggo ng anumang bagay na “political.” Sa isang sulat ng pagrereklamo sa hepe ng custodial center at sa iba pang paraan ay matinding binatikos ang ginawang paghaharang at ang patakaran sa likod nito bilang bunga lamang ng makitid at matatakuting kaisipan.

Marami pa at di talaga nawawala ang mga reklamo ng mga detenido dahil sa kaibuturan ay nananatiling bulok, malupit, at mapaglabag sa karapatang-tao ang paraan ng pangangasiwa ng mga kulungan sa bansa sa kamay ng pulisya, militar at iba pang pwersang panseguridad ng papet at reaksyonaryong estado. Pana-panahong nababawasan lamang ang mga kalupitan at pang-aabuso ng mga ito at nagkakamit ng ilan at bahagyang-panahong kaginhawaan ang mga detenido sa mga pagkakataong may nakakasama silang mga bilanggong pulitikal na nakakapag-organisa at nakakapamuno sa kanila sa paglulunsad ng laban sa kapakanan ng mga detenido.

PW: Ano ang pagkakapareho at pagkakaiba ng gobyerno ni Corazon Aquino at ni kasalukuyang pangulong si Noynoy Aquino, sa usapin ng umano’y pagpapatupad ng demokrasya at pakikitungo sa Kaliwa?

Pagbagsak ng pasistang diktadurang Marcos, ang kagyat na pinatupad ng kagyat na pumalit na rehimen ni Cory Aquino ay ang pagpapalaya sa lahat ng bilanggong pulitikal. Ito ang pinakamalaki at pinakasustantibong ginawa ng rehimen ni Cory.

Ang pagbabalik ng rehimen ni Cory ng bahagyang mas maluwag sa demokratikong espasyo para sa ligal na oposisyon at sa paggigirian ng mga magkakatunggali sa pulitika ay nakapagbigay ng bahagya ring kaluwagan at ginhawa sa mga pwersa sa Kaliwa at sa mamamayan na dating todo-todong nasisikil ng pasistang diktadura.

Sa gayon ay naitayo at nakasingit na ng kaunti ang mga progresibong legal na partido tulad ng Partido ng Bayan (PnB). Nakapanalo lamang ito ng dalawang pwesto sa Kongreso, isang sinusuportahang senador, at ilang lokal na pwesto. Napakalimitado at napakakitid nitong kaluwagan dahil hindi tinantanan ng matinding pamamasista ang PnB. Mahigit kalahati sa mga naging biktima ng karahasan sa panahon ng mga eleksyon noon ay mga lider at pwersa ng PnB. Sunud-sunod ang mga asasinasyon–sa tagapangulo ng PnB na si Ka Lando Olalia at drayber niyang si Leonor Alay-ay at sa kandidato ng PnB para kongresista ng Malabon at lider ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan) na si Lean Alejandro. Inambus ang sinasakyan ng dalawa pang lider ng PnB na si Bernabe “Dante” Buscayno at Monico Atienza, kung saan napatay ang isang kasamahan nila at malubhang nasugatan sina Buscayno, Atienza at isa pa. Hindi rin tinantanan ang pagbabanta sa iba pang lider ng PnB, kung kaya’t nagpasya na akong bumalik sa underground noong 1989.

Kahit na relatibong mas istable ngayon ang mga progresibong organisasyon at alyansa, at mas marami nang nakukuhang puwesto sa Kongreso ang mga progresibong party-list, pasingit-singit din lamang sila at sinasapawan pa rin ng tuluy-tuloy na nagdodominang bulok na partido ng mga naghaharing-uri. Bukod sa ang mga pwersa ng mga progresibong organisasyon, party-list at alyansa ang pangunahing biktima ng mga karahasan sa panahong ng eleksiyon, tuluy-tuloy pa ring nabibiktima sila ng mga ekstrahudisyal na pagpatay, pagdukot, pag-aresto, pagkulong, at iba pang anyo ng pasismo.

Lahat ng rehimeng humalili sa tahasang pasistang diktadurang Marcos, mula kay Cory hanggang sa kasalukuyang rehimen ng anak niyang si Noynoy, ay walang gaanong pagkakaiba sa pagbabalik lamang ng demokratikong bihis at ilang demokratikong porma. Wala pa ring tunay at lubusang demokrasyang bayan sa ilalim ng kanilang paghahari. Ipinagpatuloy at ipinagpapatuloy pa rin nilang lahat ang sa esensiya’y bulok na pasistang paghahari ng papet na reaksiyunaryong estado sa likod ng demokratikong pagkukunwari…Lahat ay iba’t ibang mukha lamang ng pagpapakatuta sa imperyalistang amo, at nagsisilbing tagapagpatuloy at tagapagpasahol pa ng pagsasamantala at pang-aapi sa mamamayan sa kamay ng dayuhang imperyalista at bulok na pyudal, komprador, at burukrata kapitalistang paghahari.

Sa iba’t ibang antas, pinairal ng mga ito ang disimulado at di gaanong disimuladong paghahari ng mga militar, pulisya, at puwersang panseguridad ng pasistang estado, na kadalasa’y nagkakaanyo ng tuluy-tuloy na militarisasyon sa maraming lugar sa kanayunan, pagsasagawa ng mga ekstrahudisyal na pagpatay, pagdukot, pag-aresto, pagkulong, pagtortyur at iba pang paglabag sa karapatang pantao ng mga pampulitikang aktibista at iba pang mahigpit na tumututol sa kasalukuyang paghahari—kahit di pinaairal ang tahasang batas militar.

Kahit panay ang tanggi ng rehimen ni Noynoy Aquino na mayroon pang mga bilanggong pulitikal at iba pang biktima ng pasistang karahasan, nagdudumilat ang datos ng Karapatan na mayroon ngayong mahigit 350 bilanggong pulitikal sa bansa, mga sangkatlo ikinulong sa ilalim na ng rehimen ni Noynoy Aquino.Tuluy-tuloy ang hamon ng mga tagapagtanggol ng karapatang-tao at iba pang sektor ng mga mamamayan para sa pagpapalaya ng lahat ng kasalukuyang bilanggong pulitikal.

PW: Ano ang prospek ng pakikipagkasundo sa GPH hinggil sa socio-economic reforms (SER) na hinihiling ng NDF sa usapang pangkapayapaan?

AJ: Napakalawak sa ngayon ang agwat sa pagitan ng NDF at GPH sa usapin ng SER at malayong asahang magkakaroon ng sustantibong pagkakasundo rito sa malapit na hinaharap.

Malayong bibitiwan at isusuko ng GPH ang mga asyenda ng malalaking panginoong maylupa, ang makaimperyalistang Private-Public Partnership Program at ang pampalimos (sa halip na pampaunlad) na Conditional Cash Transfer, na pawang 180 degrees na kabaliktad ng mga panukala ng NDF para sa SER. Kabilang sa mga panukalang ito ang repormang agraryo na lulusaw sa lahat ng mga asyenda at mamamahagi ng lupain ng mga ito sa mga nagbubungkal, ang programa para sa pambansang industriyalisasyon at sariling pagpapaunlad ng ekonomiya, at ang kaugnay na programa sa paglilikha ng makabuluhang trabaho para sa lahat ng nangangailangan at kayang magtrabaho para sa disente at maunlad na pamumuhay, habang libreng tinutugunan ng gobyerno ang mga esensyal na serbisyong sosyal para sa lahat ng nangangailangan, at iba pa.

Marami pang maka-imperyalista, maka-asendero at makakawatan na programa at operasyon ng gobyerno na kinokontra at nais na lubusang mabago ayon sa mga panukala ng NDF kaugnay ng SER. Nakikinitang karamihan kundi man lahat ng mga pagsusuri at panukala ng NDF kaugnay ng mga ito’y mahihirapang tumalab sa GPH. Maaasahang magiging madugo ang pagtatalo ng dalawang panig tungkol sa mga ito.

Malayong-malayo pa man ang sustantibong pagkakasundo, maaaring magkaroon pa rin ng bahagyang pansamantalang kasunduan, sakaling sasang-ayon ang GPH sa panukala ng NDF sa seryosong pagsisimula ng ilang kongkretong proyekto para sa pambansang industriyalisasyon kahit sa limitadong saklaw, ibayo pang pagsusulong ng repormang agraryo, ilang reporma sa pulitika, at ilang hakbanging pangkapayapaan, kasama na ang pagtatag ng isang Council of National Unity, Peace, and Development.

PW: Kumusta ang pagtatrabaho mo bilang konsultant ng NDF at miyembro ng NDF Reciprocal Working Committee for Socio-Economic Reforms habang nakapiit?

AJ: Kahit papaano at sa kabila ng napakahigpit at napakahirap na paggampan ko sa piitan ng trabaho bilang konsultant pangkapayapaan ng NDF at miyembro ng Reciprocal Working Committee ng NDF para sa SER (NDF RWC SER), sinisikap ko ang anumang kahit napakalimitadong nagagawa ko.

Halos napakaimposible nga lamang magawa ang ganoong trabaho habang nakakulong, laluna’t napakakitid ng kaisipan, napakagiit sa pagpapatupad ng kahit walang katarungang regulasyon, at walang-anumang interes sa pagtataguyod ng usapang pangkapayapaan at karapatan ng mga bilanggo ang maliit na pasistang hepe ng detention center dito. Kung tutuusin, halos imposible nga talaga at kaunting-kaunti ang anumang magagawa ng nakakulong na konsultant pangkapayapaan at miyembro ng komite sa anumang aspeto ng usapang pangkapayapaan. Hindi ka makabyahe at makadalo sa mga pulong. Hindi ka makapag-computer, makapag-internet, at makapagsaliksik sa mga usapin at datos para sa iyong bahagi ng mga gawain. Mahirap at mabusisi ang pagpapapasok ng mga kailangan makausap at makonsulta tungkol sa gawain. At hinaharang dahil kailangan daw muna i-censor ng hepe ng detention center ang mga dokumento at materyales bago payagang mapapasok at matanggap mo.

Tumatanggi akong ipa-censor sa kanya ang anumang dokumento at materyales mula sa NDF, peace panel nito at mga kasama ko sa NDF RWC SER at palaging iginigiit ko ang pangangailangang respetuhin niya ang pangangailangan ng paglilihim sa laman ng naturang mga komunikasyon at palitan. Deretsuhang inakusahan ko ang hepe ng detention center ng pambabastos at paglabag sa nasabing pangangailangan ng paglilihim at pananabotahe sa usapang pangkapayapaan.

Bilang reaksyon, tinangka na naman niya akong ipalipat sa ibang kulungan kung saan nagagawang mas mahigpit pa ang mga regulasyon at kalagayan. Pero tulad ng unang parehong pagtatangka niya ay muling nabigo ang bagong pagtatangka. Ang unang pagtatangka ay para sana mapigilan ang patuloy na paglalantad ng mga pang-aabuso, kalupitan, at sobrang paghihigpit sa piitan dito at ang pamumuno ng kanilang “sakit sa ulo” sa mga pakikibaka ng mga bilanggo rito.

Ang panibagong paabot niya ngayon ay kung hindi ako sumasang-ayon na ipadaan muna sa kanya upang ma-censor niya ang mga dokumento at materyales mula sa NDF, peace panel nito at mga kasama ko sa gawain para sa usapang pangkapayapaan ay sa “higher headquarters” ng PNP na ako magdulog para sa pahintulot sa mga iyon. Wala pang kalutasan ang usaping ito na nagsisilbing malaking sagabal sa mga gawain ko at ng iba pang katulad kong nakakulong na konsultant ng NDF sa piitang ito.

 

(Sundan sa sunod na pahina)