Iresponsableng pagmimina sa Palawan, nagdulot ng kontaminasyon sa ilog


Nakontamina ng pagmimina ng nickel sa isla ng Palawan ang ilog sa naturang lugar, ayon sa mga grupong makalikasan

Mapa ng Palawan
Mapa ng Palawan
Mapa ng Palawan

Nakontamina ng pagmimina ng nickel sa isla ng Palawan ang ilog sa naturang lugar, ayon sa mga grupong makalikasan.

Ibinunyag ng Friends of the Earth Japan (FoE-Japan) at Kalikasan People’s Network for the Environment (Kalikasan PNE) noong Pebrero 22 ang resulta ng kanilang pag-aaral na ginawa sa ibaba ng ilog malapit sa operasyon ng Rio Tuba Nickel Mining Corporation at Coral Bay Nickel Processing Plant (CBNC).

Ang pag-aaral, na nagsimula pa noong 2009, ay nagsuri ng tubig at napatunayan na hindi na ligtas ang antas ng hexavalent chromium (Cr-VI), isang nakalalasong kemikal, sa Togupon River. Ipinakita nito na ang antas ng kontaminasyon ng Cr-VI sa mga sinuring tubig mula sa Togupon River ay mula 0.1 to 0.3 milligrams per liter (mg/L). Lampas ito sa pamatanayan ng Cr-VI sa Pilipinas na 0.1 to 0.2mg/L lamang.

“The water contamination originated from upstream mining or/and refinery operations,” pahayag ni Hozue Hatae, isang mananaliksik mula sa FoE-Japan.

Ang Togupon River ay dumadaloy sa mga lugar kung saan nag-oopereyt ang RTNMC at CBNC. Ang parehong proyekto ay pinondohan at kasosyo ng mga multinasyunal at institusyong Hapon tulad ng Japan Bank for International Cooperation at Nippon Export and Investment Insurance.

Ayon naman kay Clemente Bautista, tagapag-ugnay ng Kalikasan-PNE, malubhang paglabag sa kalikasan at banta sa kalusugan ang kontaminasyon ng Cr-VI sa Tagupon River. Maaari rin umanong makaapekto ito sa pangisdaan ng naturang lugar.

“Pinatutunayan lamang nito na ang malawakang pagmimina sa Palawan ay malayo sa sinasabing responsableng pagmimina tulad ng gusto nilang palabasin, sa halip ay negatibong nakakaapekto sa kalusugan at kabuhayan ng mga komunidad sa paligid ng Rio Tuba at iba pang barangay,” pahayag ni Bautista.

Nanawagan pa ang grupo sa administrasyong Aquino na suspendihin ang lahat ng operasyon ng pagmimina sa naturang lugar at kaagad na magsagawa ng imbestigasyon, gayundin sa mga kompanya ng pagmimina at awtoridad para sa paglilinis at rehabilitasyon ng kontaminadong tubig para maiwasan ang posibleng epekto nito sa kalikasan at mga mamamayan.