Magsasaka Videos

Bidyo: Mga nagbubungkal sa lupain ng Hacienda Luisita, di papipigil sa mga banta


Naninindigan ang mga manggagawang bukid ng Hacienda Luisita na bungkalin ang lupain ng asyenda–kahit na ang mga lupaing ibinenta ng mga Cojuangco-Aquino sa iba’t ibang korporasyon, tulad ng RCBC. Giit nila, bahagi ng asyenda ang naturang mga lupain. Bahagi ito ng dapat na kagyat nang ipamahagi sa kanila.

Bago pa man naglabas ng desisyon ang Korte Suprema pabor sa pamamahagi ng Hacienda Luisita sa mga manggagawang bukid dito, binubungkal na ng mga manggagawang bukid ang lupain ng asyenda. Nagtanim na sila ng samu’t saring gulay, gayundin ng palay, para sa sarili nilang pagkain at para na rin maibenta sa mga palengke.

Sa kabila ng mga banta, nagpapatuloy ang bungkalan sa Brgy. Balite, Hacienda Luisita. (KR Guda)
Sa kabila ng mga banta, nagpapatuloy ang bungkalan sa Brgy. Balite, Hacienda Luisita. (KR Guda)

Kasama sa binubungkal nila ang 500-ektaryang lupain sa Barangay Balite sa loob ng asyenda na dati’y binakuran ng Rizal Commercial Banking Corporation (RCBC). Binenta ng Hacienda Luisita Inc. (korporasyong pag-aari at kontrolado ng pamilyang Cojuangco-Aquino) sa RCBC ang lupain — kahit na “contested property” pa ito, matapos ang welga ng mga manggagawang bukid noong 2004.

Giit ng United Luisita Workers Union (ULWU) at Alyansa ng mga Manggagawang Bukid sa Asyenda Luisita (Ambala), bahagi ng asyenda ang 500-ektaryang inaangkin ngayon ng RCBC. Bahagi rin dapat ito ng lupaing ipapamahagi sa kanilang mga benepisyaryo.

Sa kabila ng bungkalan sa naturang lupain, pinapakatan ito ng RCBC ng mga guwardiya. May mga sundalo at pulis ding nagbabantay dito. Binantaan pa ng naturang bangko ang mga manggagawang bukid na paaarestuhin.

Kababaihan ng Hacienda Luisita, sa gitna ng bungkalan sa Brgy. Balite. (KR Guda)
Kababaihan ng Hacienda Luisita, sa gitna ng bungkalan sa Brgy. Balite. (KR Guda)

Noong Pebrero 20, binakuran ng 100 guwardiya, 15 miyembro ng Tarlac Provincial Police, at 10 miyembro ng Philippine Army ang binubungkal na lupain ng mga magsasaka sa lugar. Nang pigilan ng mga manggagawang bukid ang pagbabakod, walong beses silang pinaputukan ng baril ng mga ito.

Kinondena ng mga manggagawang bukid ang anila’y mistulang “paggamit sa militar at pulis bilang private army” ng mga Cojuangco-Aquino.

Noong Pebrero 22, tumungo ang mga manggagawang bukid, kasama ang iba’t ibang militanteng grupo, sa Korte Suprema para hilingin sa korte na agarang ipinal na ang desisyong ipamahagi sa kanila ang asyenda.