Militar, itinuro ng saksi sa ‘pagmasaker’ sa kanyang ama’t mga kapatid sa Camarines Norte
Isang magsasaka, at dalawang anak niya, ang walang-labang pinaslang diumano ng militar, kasama ang isang sinasabing rebelde, sa Labo, Camarines Norte noong Pebrero 24. Inanunsiyo ng militar na kagagawan daw ng mga rebelde ang masaker. Pero sila ang mismong itinuturo ng saksi.


Isang masaker ng mga sibilyan ang naganap noong Pebrero 24 sa Sitio Mapatong, Purok 6, Brgy. Malaya, Labo, Camarines Norte, at hindi engkuwentro sa pagitan ng militar at mga rebelde.
Ito ang pahayag ng grupong pangkarapatang pantao na Karapatan, matapos imbestigahan ng grupo ang insidenteng ibinandila sa midya ng 49th Infantry Battalion ng Philippine Army bilang “engkuwentro” sa pagitan ng Army at ng rebeldeng New People’s Army (NPA).
Sinabi ni Maricel Delen, tagapag-ugnay ng Karapatan sa Camarines Norte, na napag-alaman nila na hindi NPA si Benjamin Mancera, 54 anyos at magsasaka at magkakabod (gold panner) sa naturang lugar. Sinasabi kasi ng Army sa midya na rebelde si Mancera.
Kasama din na napatay ang dalawang anak ni Mancera na sina Michael, 10-anyos at Richard, pitong taong-gulang. Sugatan naman ang isa pang anak ni Mancera na si Leonisa Mancera, 14-anyos.
Sinabi ng 49th IB sa midya matapos ang insidente na nakaengkuwentro ng militar ang 15 miyembro ng NPA, at sa engkuwentrong ito napatay ang mag-aamang Mancera at isang NPA.
“Walang naganap na engkuwentro. Sa halip, minasaker (ng militar) ang mga biktima,” sabi pa ni Delen.
Sa salaysay ng batang nakaligtas, sinabi niyang hindi nagpaputok ang nag-iisang NPA na nasa loob ng bahay, bagkus mga militar umano ang nagpaulan ng bala.

“Sa pagbaybay sa insidente ng masaker mula sa testimonya ni Leonisa…hindi na nagawang magpaputok pa ng baril ang NPA na napatay na nagpakilalang si ‘Ka Pedro’ na nakapwesto sa kanilang kusina at namamahinga ng oras na iyon,” sabi ng Karapatan-Camarines Sur.
Sa imbestigasyon nila, napag-alaman din na si Leonisa umano ang unang nakakita na papalapit ang mga sundalo. May mahahabang armas ang mga sundalo at tinatayang may 20 metros ang layo mula sa kanyang posisyon sa may pinto ng sala.
“Ginising niya ang kanyang ama na noong oras na iyon ay namamahinga matapos makapananghalian at mula sa paghahanap ng ginto sa ilog umaga ng araw na iyon. Bumangon ang kanyang ama upang silipin ang tinutukoy ni Leonisa,” sabi pa sa ulat ng Karapatan.
Bumalik din agad si Leonisa sa higaan. Pero makalipas ang ilang sandali, nakarinig siya ng putok na sinundan na ng pagpapaulan ng bala mula sa labas ng kanilang bahay.
“Narinig pa niyang tinawag ng kanyang tatay ang bunso niyang kapatid na naglalaro ng palobo habang ang isa niyang kapatid ay gumagawa ng takdang aralin sa kabilang kuwarto. Humiga lamang si Leonisa sa katabi ng kanyang tatay at kapatid na bunso,” inulat ng Karapatan, matapos maglunsad ng fact-finding mission sa naturang lugar.
Matapos umano ang 30 minuto, tumigil ang putok at pumasok ang isang sundalo sa loob ng bahay at nagsiyasat. Narinig ni Leonisa na sumigaw ang sundalo ng “May mga batang patay! May mga batang patay!”
Ayon pa sa Karapatan, umabot pa ng apat na oras bago dalhin si Leonisa sa Camarines Norte Provincial Hospital at itinago mula sa mga kagawad ng barangay.
Noong Pebrero 26 na umano makuha ang mga bangkay.
Ayon sa mga nakasaksi, magkayakap pa umano si Benjamin at kanyang bunsong anak na si Richard sa sala ng bahay, samantalang nakuha naman ang bangkay ni Michael sa loob ng kuwarto na hawak pa ang bolpen at ang NPA na nasa kusina naman sa ibabang bahagi ng bahay.
“Pinaulanan ng bala ng mga sundalo ang bahay ng mga Mancera, kahit alam nilang may mga sibilyan na naroroon at nauwi nga sa pagkamatay ng mga bata at kanilang tatay,” ani Delen.

Kinondena rin ng Karapatan ang operasyong militar na isinasagawa sa naturang lugar mula pa noong Enero. Nagdudulot umano ito ng paglabag sa mga karapatang pantao ng inosenteng mga mamamayan.
“Ang ganitong pamamaraan ng 49th IBPA sa kanilang operasyon ay malinaw na labag sa International Humanitarian Law na sumasaklaw pangunahin sa pagbibigay-proteksiyon sa mga sibilyan at mga wala nang kapasidad na lumaban,” dagdag ni Delen.
Panawagan ng Karapatan na mabigyan ng kagyat na tulong at proteksiyon ang batang nakaligtas na tumatayong saksi sa madugong insidente.
Samantala, sa pahayag ng National Democratic Front-Bicol (NDF-Bicol), pinabulaanan ni Gregorio Banares, tagapagsalita ng NDF-Bicol, na sila ang nakapatay sa tatlong sibilyan.
“Hindi nagpaputok ang mga pulang mandirigma (NPA) sapagkat isinaalang-alang nila ang kaligtasan ng mga sibilyan. Mas pinili nila na umatras upang hindi madamay ang mga sibilyan,” aniya.
Giit ni Banares, mga militar ang nagpaulan ng bala sa bahay ng mga Mancera.

Isinisi din ng NDF ang insidente sa programang kontra-insurhensiya na Oplan Bayanihan sa paglala at pagtindi ng militarisasyon sa Kabikolan, gayundin ng mga paglabag sa mga karapatang pantao.
“Inilantad mismo ng sarili nilang aksiyon ang mga panlilinlang at pagpapanggap ng AFP (Armed Forces of the Philippines) sa ilalim ng Oplan Bayanihan, na wala na umanong mga paglabag sa karapatang-pantao. Sa kabila ng magarbong panawagan nila para sa ‘kapayapaan at kaunlaran’, karahasan at kahirapan ang hatid sa mga mamamayan ng pinatinding militarisasyon sa ilalim ng rehimeng Aquino,” pagtatapos ni Banares.