Pagkondena sa SM lumalawak

Malawakang pagkondena ang natanggap ng SM sa pagmamatigas nitong putulin ang 182 pine trees na karatig ng mall nito sa Baguio City. Marami ang nananawagan ng pagboykot sa lahat ng mall ni Henry Sy dahil sa naturang insidente. Muling nabibigyang-pansin din ang nakaraan at kasalukuyang paglabag ng SM sa karapatan ng mga manggagawa nito.

SM Baguio, at ang pine trees na pumapalibot dito na nais ipaputol ng SM. (Raymond Panaligan)
SM Baguio, at ang pine trees na pumapalibot dito na nais ipaputol ng SM. (Raymond Panaligan)
"Give Trees a chance" para sa kabataan, ayon sa mga nagpoprotesta sa Baguio. (Raymond Panaligan)
"Give Trees a chance" para sa kabataan, ayon sa mga nagpoprotesta sa Baguio. (Raymond Panaligan)

Pagboykot sa lahat ng mall at establisimyento ng pinakamalaking mall chain sa bansa na ShoeMart (SM) ang ipinapanawagan ng iba’t ibang grupo.

Matapos ito ng pagmamatigas ng manedsment ng SM sa Baguio City na ipaputol ang 182 puno sa Luneta Hill, lupaing karatig ng mall, bilang bahagi ng expansion ng operasyon nito.

Nanawagan dito ang iba’t ibang grupong makakalikasan sa Baguio, at kahit sa Maynila. Sa kagyat, nanawagan sila sa publiko na iboykot ang lahat ng SM establishments sa buong bansa ngayong Abril 13, Biyernes. Isang Facebook page ang itinayo, na katulad ng iba pa, na naglalayong makakuha ng suporta sa Internet para sa pagboykot ng naturang establisimyento.

Isang obispo sa simbahang Katoliko, si Obispo Carlito Cenzon ng Baguio, ang nanawagan din ng pagboykot sa SM. Tinawag pa niyang “monster” ang naturang mall sa pagpilit na ipaputol ang mga puno para bigyang daan ang isang parking lot sa Baguio.

Malawakan sa Baguio, at kahit sa labas nito, ang pagtutol ng mga pagputol ng SM sa mga puno sa Luneta Hill. (Raymond Panaligan)
Malawakan sa Baguio, at kahit sa labas nito, ang pagtutol ng mga pagputol ng SM sa mga puno sa Luneta Hill. (Raymond Panaligan)

Pagmamatigas sa kabila ng utos ng korte

Kaalinsabay nito, nagpaplano ang National Union of People’s Lawyers (NUPL) na magsampa ng mosyon para mapalawig pa ang temporary environmental protection order (TEPO) na inisyu ng environmental court ng Baguio noong Abril 10, na nakatakdang  magtapos sa Abril 13.

Kapag napagbigyan, mananatili ang TEPO habang dinidinig pa ang kaso.

Kasama ng NUPL sa pagsasampa ng kaso ang Cordillera Global Network, Cordillera Peoples Alliance, Cordillera Indigenous Peoples Legal Center, Cordillera Ecological Pine Center at iba pang mamamayan ng Baguio.

Sinabi rin ni Cheryl Chyt Daytec, abogado mula sa NUPL sa Baguio na nanguna sa pagsampa ng kaso laban sa SM, na plano rin nilang magsampa ng motion for contempt sa naturang mall chain para sa di nito agad na pagtupad sa naturang TEPO matapos ilabas ito ng korte noong Abril 10.

Our basis for filing the petition to cite SM and its representatives for indirect contempt is its disregard of a lawful order of the court. Nasa Rules of Court ito,” sabi pa niya.

Maraming kaso ng abuso

Isa sa maraming madudugong dispersal ng SM sa mga nagwewelga nitong manggagawa. Naganap ang eksena sa larawang ito sa harap ng SM Makati noong 2003. (Boy Bagwis/PW File Photo)
Isa sa maraming madudugong dispersal ng SM sa mga nagwewelga nitong manggagawa. Naganap ang eksena sa larawang ito sa harap ng SM Makati noong 2003. (Boy Bagwis/PW File Photo)

Naging pagkakataon naman ang pinakahuling kontrobersiyang ito na kinasangkutan ng SM na mapag-usapan muli ang umano’y malalang rekord ng ng naturang mall chain ng paglabag sa karapatan ng mga manggagawa nito.

Inihalintulad ng Kilusang Mayo Uno (KMU) ang “pagmasaker” ng may-ari ng SM na si Henry Sy sa mga puno sa Baguio sa “pagmasaker” sa mga karapatan ng mga manggagawa nito noong nakaraang mga taon.

“Isa lamang ang ugat nito: ang pagkanid ni Sy sa tubo,” ani Elmer Labog, tagapangulo ng KMU.

Matagal at palagi na umanong binabalewala ni Sy ang karapatan ng manggagawa. “Kung kaya niyang atakehin ang karapatan ng mga taong lumikha ng kanyang yaman, ano ang makapipigil sa kanya na bunutin ang mga puno na para sa kanya ay sagabal lamang para mas magkamal ng tubo,” ayon kay Roger Soluta, pangkalahatang kalihim ng KMU.

Sinabi pa ni Soluta na pinatutupad ni Sy ang kontraktuwalisasyon sa SM, binubuwag ang unyon at paulit-ulit na dinidispers ang welga ng mga manggagawa.

“Subalit nagagawa ni Sy ang lahat ng ito, kabilang na ang pagbubunot ng mga puno, dahil na rin sa pagsang-ayon ng gobyerno. Kinukondena namin ang administrasyong Aquino sa pagkunisinti kay Sy sa pagbunot sa mga puno at patuloy na pag-atake sa karapatan ng mga manggagawa,” ani Soluta.

Protesta ng mga mamamayan ng Baguio kontra sa pagputol ng SM sa 182 puno sa Luneta Hill. (Raymond Panaligan)
Protesta ng mga mamamayan ng Baguio kontra sa pagputol ng SM sa 182 puno sa Luneta Hill. (Raymond Panaligan)

Patuloy ang pagbantay

Patuloy naman ang ginagawang pagbabantay ng iba’t ibang grupo at indibidwal sa Luneta Hill dahil sa pangambang ipagpatuloy ng SM ang pagbubunot ng puno kahit pa may TEPO.

Kabilang sa mga  nagbabantay ang Project 182, ang grupong nangangampanya laban sa pagbunot ng mga puno. Kabilang sa grupo sina Baguio Bishop Carlito Cenzon, University of the Philippines Baguio Chancellor Prescilla Macansantos, mga opsiyal ng UP, mga estudyante mula sa iba’t ibang paaralan, mga relihiyoso at mga alagad ng sining.

Bilang protesta ay nananawagan sila sa mga mamamayan na iboykot ang lahat ng mall ng SM sa buong bansa.

Narito ang bidyo ni Karlo Marlo Altomonte noong gabi nang simulan ng SM ang pagputol sa mga puno, sa kabila ng TEPO ng korte: