AFP pinaiimbestigahan sa Kamara dahil sa sistematikong paglabag sa karapatang pantao
Nagpiket sa harap ng Batasan Pambansa ang grupong pangkarapatang pantao na Karapatan para hilingin sa Kamara ang pagpapanagot sa Armed Forces of the Philippines (AFP) sa mga abusong militar nito. Naganap ito habang dininig ng Committee on Human Rights ng Kamara ang resolusyong naglalayong paimbestigahan ang militar sa mga paglabag sa karapatang pantao na kinasangkutan […]

Nagpiket sa harap ng Batasan Pambansa ang grupong pangkarapatang pantao na Karapatan para hilingin sa Kamara ang pagpapanagot sa Armed Forces of the Philippines (AFP) sa mga abusong militar nito.
Naganap ito habang dininig ng Committee on Human Rights ng Kamara ang resolusyong naglalayong paimbestigahan ang militar sa mga paglabag sa karapatang pantao na kinasangkutan nito.
Sa naturang pagdinig, muling ipinagkaila ng militar na may mga paglabag silang nagawa ayon sa grupong Karapatan.
“Ipinapapakita lamang ng kabulastugan ng militar ang hilig nilang maghasik ng kasinungalingan kasabay ng pananakot sa mga tao. Hindi maitatago ni Pangulong Aquino at ng militar ang katotohan na nagpapatuloy ang impunity sa bansa, patuloy na nagaganap ang ekstrahudisyal na pamamaslang, tortyur pagdukot at iba pang mga paglabag,” ani Cristina Palabay, tagapagsalita ng Karapatan.
Ayon kay Palabay, ipinakita at ipinaabot ng 23 miyembro ng United Nations Human Rights Council (UNHRC) ang pagkabahala sa kalagayan ng karapatang pantao sa bansa sa naganap na Universal Periodic Review (UPR) sa Geneva, Switzerland kamakailan.
Sa UPR noong Mayo 29 hanggang 31, halos magisa ang delegasyon ng gobyerno ng Pilipinas sa katanungan ng mga miyembrong bansa ng UN, ayon kay Palabay, na isa sa mga dumalo sa naturang pagdinig.
Sa naturang UPR, ilan sa mga kinatawan ng iba’t ibang bansa ang nagpanawagan sa Pilipinas na buwagin ang mga paramilitar at arestuhin ang puganteng si Hen. Jovito Palparan at tuluyang pagpawi sa ekstrahudisyal na pamamaslang.
Ngunit ipinunto ni Palabay na hindi buo-buong tinanggap ng adminsitrasyong Aquino ang mga rekomendasyong ito, laluna ang pagbuwag sa mga paramilitar.
Sa huling mga pahayag ng militar sa midya, handa silang buwagin ang mga paramilitar nguit sa taong 2016 pa. Taong ito tinataya ng AFP na mabubuwag daw ang malaking bilang ang rebeldeng mga grupo tulad ng New People’s Army.
Matagal nang ipinananawagan ng mga tagapagtaguyod ng karapatan ang pagbuwag sa mga grupong paramilitar dahil sa mga paglabag ng mga ito sa karapatang pantao. Ginagamit ang mga paramiltar bilang force multipliers sa laban ng gobyerno kontra insurhensiya, na nakabatay sa Executive Order 546 ni dating pangulong Gloria Macapagal-Arroyo.
Ngunit para sa Karapatan, nagbigay-laya ang nasabing kautusan sa mga grupong paramilitar at sa AFP na gumawa ng malalang paglabag sa karapatan tulad ng naganap na masaker sa Maguindanao noong 2009.
“Isinulong ni Aquino at ng AFP ang paggamit sa puwersa ng mga grupong paramilitar tulad ng CAFGU at Special Citizens Active Auxiliary (SCAA), maliban pa sa regular nitong puwersa para protektahan ang mg malalaking negosyo at maghasik ng takot sa mga tao,” ani Palabay.
Inihalimbawa ni Palabay ang pagpatay kay Jimmy Liguyon, isang lider-katutubong pinaslang ng isang miyembro ng SCAA dahil sa pagtutol nitong makapasok ang isang malaking kompanya ng mina sa kanilang lupang ninuno.
Idinagdag pa ni Palabay na dapat umanong magpakita ng kongretong hakbang ang administrasyong Aquino para wakasan ang kawalang pananagutan sa mga paglabag sa karapatan o impunity sa bansa.
“Dapat arestuhin at ikulong na ng gobyerno si Palparan. Dapat ding panagutin si Gloria Macapagal-Arroyo sa libu-libong kaso ng paglabag sa karapatang pantao na naganap sa panahon ng kanyang Oplan Bantay Laya,” sabi pa ni Palabay.
Sinabi pa ng grupo na dapat ding itigil ng gobyerno ang pagpapatupad nito sa programang kontra-insurhensiya na Oplan Bayanihan.
Itinuturo ang naturang programa sa malawakang paglikas ng mga tao sa kanilang komunidad dahil sa pambobomba at walang habas na pagpapaputok dulot ng matinding militarisasyon, sapilitang pagkawala at pamamaslang.
“Dapat din na ipag-utos ni Aquino ang kagyat na pagbubuwag sa mga paramilitar at pag-alis ng mga militar sa mga komunidad ng sibilyan,” sabi pa ni Palabay.