Karapatang Pantao

Imbestigasyon sa kasong pagdukot kay Jonas Burgos, sinimulan ng DOJ


“Kami’y mga taong marunong magpatawad, marunong magmahal. Pero marunong din maging matapang para hanapain ang mga nawalala”

Si Maj. Harry Baliaga, pangunahing akusado sa pagdukot kay Jonas Burgos, matapos itong sumumpa sa harapan ni State Prosecutor Isagani Yarte ng DOJ. (Macky Macaspac)
"Hindi kami hihinto sa paghanap kay Jonas at sa iba pang biktima ng sapiltang pagkawala," pahayag ni Edith Burgos, ina ni Jonas sa piket sa harapan ng tanggapan ng Department of Justice. (Macky Macaspac)
"Hindi kami hihinto sa paghanap kay Jonas at sa iba pang biktima ng sapilitang pagkawala," pahayag ni Edith Burgos, ina ni Jonas sa piket sa harapan ng tanggapan ng Department of Justice. (Macky Macaspac)

“Kami’y mga taong marunong magpatawad, marunong magmahal. Pero marunong din maging matapang para hanapin ang mga nawawala.”

Ito ang sinabi ni Edita Burgos, sa piket sa harapan ng Department of Justice (DOJ), bago simulan ang preliminary investigation sa kasong isinampa laban sa ilang opisyal at kagawad ng militar hinggil sa kasong pagdukot at patuloy na pagkawala ng kanyang anak na si Jonas Burgos.

Hinihinalang dinukot ng mga militar ang aktibista at magsasakang si Jonas sa isang mall sa Commonwealth Avenue noong Abril 28, 2007.

Sa preliminary investigation ng DOJ noong Biyernes, tatlo sa mga akusadong dating matataas na opisyal ng pulis at militar ang humarap at itinangging may kinalaman sila sa pagdukot.

Ito’y sina retiradong Hen. Hermogenes Esperon, dating chief of staff ng Armed Forces of the Philippines, gayundin sina dating Director-General Avelino Razon ng Philippine National Police at dating hepe ng Philippine Army na si retiradong Lt. Gen. Romeo Tolentino.

Si Maj. Harry Baliaga, pangunahing akusado sa pagdukot kay Jonas Burgos, matapos itong sumumpa sa harapan ni State Prosecutor Isagani Yarte ng DOJ. (Macky Macaspac)
Si Maj. Harry Baliaga, pangunahing akusado sa pagdukot kay Jonas Burgos, matapos itong sumumpa sa harapan ni State Prosecutor Isagani Yarte ng DOJ. (Macky Macaspac)

Nagsampa ang tatlo ng counter-affidavit laban sa kasong obstruction of justice na isinampa ng pamilya Burgos noong isang taon.

Itinanggi rin ng tatlong dating nakatataas na mga opisyal ng militar at pulisya na hinarang at iniligaw nila ang paglabas ng katotohanan sa pagkawala ng biktima, sa paglunsad nila ng sariling imbestigasyon noon.

“We performed our functions and duties to the best of our abilities and exhausted all efforts to bring into light the cause of the disappearance of complainant’s son, all within the limits prescribed by existing laws and regulations of our respective organizations. We discharged our functions faithfully to aid in the investigation of the disappearance of Jonas Burgos,” pahayag ng mga heneral sa midya.

Ngunit giit ni Edita Burgos, napilitan na lamang ang tatlong heneral na makipagtulungan matapos ang ilang beses na subpoena sa kanila ng Court of Appeals.

“They ordered the investigation but they did not give us the report. They submittted the report after several years. Yes, they declassified the report only after several subpoenas. Would that be cooperation?” aniya.

Sinabi pa ng ina ni Burgos na kung naibigay lamang ang mga dokumentong kanilang hinihingi para sa imbestigasyon ng Commission on Human Rights (CHR) noon, maaari umanong malaki ang pagkakataon na mahanap ang biktima.

They obstructed justice (from being implemented),” ani Burgos.

Matibay ang paniniwala ng pamilyang Burgos na militar ang may kagagawan ng pagdukot kay Jonas, dahil ang plate number ng sasakyan na ginamit umano sa pagdukot ay nakita sa isang sasakyan na naka-impound sa loob ng kampo ng 56th Infantry Battalion ng Philippine Army sa Bulacan.

Positibo namang itinuro ng saksi si Maj. Harry Baliaga sa hiwalay na pagdinig ng Court of Appeals sa isinampang apela ng mga Burgos hinggil sa writ of habeas corpus.

Dismayado rin ang pamilyang Burgos sa administrasyong Aquino sa hindi pagtugon sa kanilang kahilingang maimbestigahan ang kaso ng kanilang kaanak.

“They have not acted expediently to our request. I have asked directly for help. So far no response,” sabi pa ni Burgos.

Panawagan naman grupong Desaparecidos sa DOJ na ipagpatuloy ang paghahanap ng kalutasan sa kaso para sa pamilya ng biktimang matagal ng naghihintay ng katarungan.

“Patuloy na pinagtatakpan ng AFP ang katotohanan hinggil sa kaso ni Jonas at sa lahat ng desaparecidos. Dapat ng isiwalat ni Baliaga at iba pang akusado ang katotohanan,” sabi ni Ghay Portajada, pangkalahatang kalihim ng Desaparecidos, sa piket sa harapan ng DOJ bago simulan ang panimulang imbestigasyon.

“Hindi namin papayagang masayang ang aming mga pagsisikap na maparusahan ang mga salarin,” aniya pa.

Ang tatlong heneral na sina (mula kaliwa) Lt. Gen. Romeo Tolentino, ex-PNP chief Gen. Avelino Razon at ex-AFP chief of staff Hermogenes Esperon, habang hinihintay ang pagpapasimula ng preliminary investigation sa DOJ. (Macky Macaspac)
Ang tatlong heneral na sina (mula kaliwa) Lt. Gen. Romeo Tolentino, ex-PNP chief Gen. Avelino Razon at ex-AFP chief of staff Hermogenes Esperon, habang hinihintay ang pagpapasimula ng preliminary investigation sa DOJ. (Macky Macaspac)

“Hangga’t hindi namin nakikita si Jonas at iba pang nawawala, hindi kami hihinto,” sabi naman ni Burgos.

Nagsampa ng petisyon para sa writ of habeas corpus ang pamilyang Burgos matapos mawala si Jonas noong 2007. Pero ibinasura ng Court of Appeals noong 2008 ang petisyon. Hindi  pinaboran ang mga Burgos dahil nabigo umano silang patunayang militar ang nasa likod ng pagdukot.

Ngunit noong 2011, binigyang direktiba ng Korte Suprema ang CHR na muling imbestigahan ang insidente.

Noong Marso 2011, ipinagtibay ng imbestigasyon ng CHR na may kinalaman ang militar sa pagkawala ni Jonas at inakusahan si Baliaga bilang pangunahing akusado.

Ipinagtibay ito ng Korte Suprema noong Hulyo 2011 at inatasan ang militar na ilitaw si Jonas, na hanggang sa kasalukuyan ay hindi pa rin ginagawa ng militar.

Samantala, dinidinig ulit sa Court of Appeals ang petisyon para sa writ of habeas corpus.