Karapatang Pantao

Alipin sa lupa


Walang kapantay na militarisasyon ang isinasagawa ngayon ng Armed Forces of the Philippines sa probinsiya ng Quezon. Layunin ng pagbuhos ng militar at mga abuso nila: Para takutin ang mga mamamayang lumalaban sa monopolyo sa lupa at mapanirang mga proyekto. Pero di patitinag ang mga mamamayan

Tropang militar na nangharang sa mercy mission ng mga grupong pangkarapatang pantao sa Lopez, Quezon noong Hunyo 2012. (Kontribusyon)
Tropang militar na nangharang sa mercy mission ng mga grupong pangkarapatang pantao sa Lopez, Quezon noong Hunyo 2012. (Kontribusyon)

“Magkahalong takot at galit ang nararamdaman ko noon. Lalo akong nagalit dahil binantaan nila akong pati pamilya ko’y papatayin nila.”

Ganito inilarawan ni Cezar Garganta, 28 anyos, ang naramdaman sa loob ng halos anim na oras na pagpapahirap ng militar na nakadestino sa probinsiya ng Quezon. Tricycle driver si Garganta sa San Pedro, Laguna. Pero noong Mayo 28, habang naglalakad kasama ang dalawa pang magsasaka papunta ng Vista Hermosa, Macalelon, Quezon, hinarang sila ng aabot sa 20 elemento ng 85th Infantry Battalion (IB) ng Philippine Army.

Tumakbo ang dalawa niyang kasama, at pinapaputukan ng mga sundalong humarang sa kanila. Inaresto ng mga sundalo si Garganta, samantalang ang dalawa niyang kasamahang magsasaka’y nakalayo na hindi nasugatan sa pamamaril ng mga sundalo.

“Umuwi lang ako sa Macalelon para sana magsaka sa mga kamag-anak ko. Pasukan na kasi ng mga bata at may pandagdag sana rin sa gastusin. Hindi ko naman alam na ganoon pala ang sitwasyon doon. Akala ko mababait doon ang sundalo,” ani Garganta, sa panayam ng Pinoy Weekly.

Kuwento ni Garganta, matapos paluhurin ng mga sundalo, piniringan siya at itinali sa isang puno.  Makalipas ang 15 minuto, inilipat siya sa isang nabakanteng bahay dahil sa pagpapaputok ng mga sundalo. Sa loob ng bahay, sinimulan siyang pahirapan at interogahin. Pinipilit siyang paaminin na miyembro siya ng New People’s Army (NPA) at pinipilit na ituro ang mga diumano’y kasamahan niya kasama na ang dalawang magsasakang tumakbo.

Cezar Gargantua, biktima ng tortyur ng 85th IB sa Macalelon, Lopez, Quezon. (Macky Macaspac)
Cezar Gargantua, biktima ng tortyur ng 85th IB sa Macalelon, Lopez, Quezon. (Macky Macaspac)

Salit-salitang pinalo si Garganta ng kawayan, at iba pang bagay, sa kanyang katawan at ulo. “Kapag napapaliyad ako dahil sa sakit ng palo sa likod, sa tiyan at dibdib naman ako hahambalusin. Pati sa ulo ko may pumapalo,” aniya.

Inipit pa ng pliers ang kanyang ilong pati na ang kanyang kaselanan. Sapilitan din na ipinapaamin sa kanya na kilala niya ang isang tao na nasa isang larawan na ipinagduduldulan sa kanyang mukha.

“Tinakot din nila ako na kung hindi susunod sa kanila, pati ang pamilya ko uubusin nila,” kuwento pa ni Garganta. Napilitan siyang pumirma sa isang kasulatan na hindi siya magrereklamo at hindi siya sinaktan ng mga sundalo para lamang mapalaya.

Isa lamang ang kaso ni Garganta sa lumalaking bilang ng pang-aabusong militar sa Timog Quezon.  Sa tala ng Karapatan-Timog Katagalugan, mula taong 2011 hanggang sa kasalukuyan, nakapagtala na sila ng isang kaso ng sapilitang pagkawala; apat na kaso ng tortyur; 15 kaso ng ilegal na pag-aresto at detensiyon; limang kaso ng ilegal na pagkumpiska at paghalughog; tatlong kaso ng violation of domicile; tatlong kaso ng paglimas ng ari-arian; dalawang kaso ng coercion at 17 kaso ng pananakot, pagbabanta at harassment. Ayon sa grupo, bahagi ng tumitinding militarisasyon sa Timog Quezon ang mga nagaganap na paglabag sa karapatang pantao.

Militarisadong kanayunan

“Naalarma kami sa tunay na intensiyon ng malawakang militarisasyon na ito. Sa kabila ng mga pahayag ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na bahagi ito sa kanilang pagsisikap na buwagin ang NPA, mga sibilyan ang nagiging biktima ng pang-aabuso ng mga militar,” ani Glen Malabanan, pangkalahatang kalihim ng Karapatan-Timog Katagalugan.

Sinabi ng grupo na sa kasalukuyan, walong batalyon ng AFP kasama na ang mga miyembro ng Citizens Armed Forces Geographical Unit (Cafgu) ang nakadeploy sa ikatlo at ikaapat na distrito na tinatawag na Timog-Quezon at Bondoc Peninsula.

Sinasaklaw ng mga kampo at detatsment ng mga militar ang 50 barangay sa 22 bayan ng Timog Quezon. Ginagawang kampo din ng militar ang mga bahay ng sibilyan at iba pang istrukturang sibilyan tulad ng barangay hall at iba pa, ayon sa grupo.

“Noong batas militar, hindi umabot sa ganitong kadaming deployment ang militar. Ngayon lang naranasan ng Timog Quezon ang walong batalyong sundalo,” ani Orly Marcellana, tagapagsalita ng Save Quezon Movement. Pinangangambahan ng iba’t ibang grupong bumubuo sa Save Quezon Movement na titindi ang mga paglabag sa karapatang pantao kung magpapatuloy ang militarisasyon sa Timog Quezon.

Sinabi rin ni Marcellana na malaki ang epekto ng militarisasyon sa buhay ng mga magsasaka. Napeperwisyo na raw ang kanilang kabuhayan bukod pa sa nabibingit sa alanganin ang kanilang seguridad.

“Dati, puwedeng pumunta sa bukid nang madaling araw ang magsasaka para magsuga ng kalabaw, gayundin ang magpagabi sa pagtatrabaho sa bukid. Ngayon hindi na…Baka mapagkamalang rebelde,” aniya. Nagiging sagabal din sa kanilang pagsasaka ang madalas na pagpapatawag sa mga pamiting ng militar. Napipilitan daw ang mga magsasaka na dumalo upang makaiwas na paghinalaan silang mga rebelde. Bukod dito, sapilitan umano ang pagrekluta sa mga magsasakang maging miyembro ng Cafgu.

Iginigiit ng grupo na hindi dapat manatili sa mga komunidad, laluna sa kabahayan ng mga magsasaka, ang militar. Pero nagmamatigas ang mga ito.

Noong Hunyo 11, nakipagdiyalogo sina Marcellana sa mga opisyal ng Department of Interior and Local Government (DILG) hinggil sa matinding militarisasyon sa Timog Katagalugan. Ang sinabi sa kanila ng mga opisyal ng DILG, walang masama sa pananalakay ng militar sa kanilang mga komunidad. Wala raw batas na pumipigil sa pananatili ng militar sa kanilang mga panirahan.

Sa suri ng Karapatan, bahagi ng Oplan Bayanihan, programang kontra-insurhensiya ng gobyerno, ang mga kampanyang militar na tulad nito. Paliwanag ni Girlie Padilla, tagapagsalita ng Ecumenical Movement for Justice ang Peace (EMJP), walang pinagkaiba ang dating programang kontra-insurhensiya na Oplan Bantay Laya ng nakaraang rehimen ni Gloria Arroyo sa Oplan Bayanihan ng kasalukuyang administrasyon. Maliban sa probinsiya ng Quezon, malawakan din umano ang militarisasyon sa mga rehiyon ng Mindanao at Bicol.

Aniya pa, mas mapanlinlang ang Oplan Bayanihan dahil naging lehitimo ang paggamit ng local government units, non-government units, at maging ang midya, sa pagbibigay katwiran na para sa kapayapaan at kaunlaran ang programang kontra-insurhensiya.

“Pangunahin pa rin na taktika nila ang combat operations, na itinatago nila bilang peace and development operations. Kaya ang tawag nila sa mga tropang nag-o-operasyon ay peace and development teams,” ani Padilla.

Dagdag pa ni Padilla, nililinlang ng Oplan Bayanihan ang mga magsasaka na iaahon sila sa kahirapan sa pamamagitan ng kanilang mga proyektong livelihood at infrastructure. “Hindi naman nila kailangan ang mga ito, dahil hindi rin tugma ang ibinibigay nilang mga proyekto. Hindi kailanman makakapagpanggap ang militar na hindi sila pasista,” sabi ni Padilla, patungkol sa civilian-military operations ng AFP at sa lumalaking bilang ng mga kaso ng paglabag sa karapatang pantao ng mga ito.

Kahit ang mga miyembro ng United Nations Human Rights Council na nagsagawa ng kanilang ikalawang Universal Periodic Review kamakailan, nabahala sa walang tigil na extra-judicial killings, habang di pa rin naaaresto ang kilalang puganteng si Hen. Jovito Palparan na minsan din naghasik ng lagim sa Timog Katagalugan. Rekomendasyon ng mga miyembro ng UN na arestuhin at papanagutin si Palparan. Inirekomenda din nilang buwagin na ng gobyerno ang Cafgu.

Bilang tugon, inanunsiyo ng AFP noong Mayo na bubuwagin na nila ang Cafgu—pero sa 2016 pa. Tulad ng maraming ipinangako ng AFP na di natutupad, duda ang mga grupong pangkarapatang pantao na matutupad ang pangakong ito.

Lupa ang dahilan

Naniniwala ang iba’t ibang grupo na ang dahilan ng militarisasyon na nagdudulot ng malawakang paglabag sa karapatan ng mga magsasaka, katutubo at iba pang sektor ay ang mga lupang nais kamkakamin ng malalaking negosyante at dayuhang korporasyon. Hindi lamang sa Mindanao laganap ang presensiya ng mga dayuhang pagmimina. Sa lalawigan ng Quezon, mayroong malalaking mina ng ginto at iba pang mineral sa Tagkawayan, Buenavista at San Andres.

Bukod dito, nasa Timog Quezon at Bondoc Peninsula din ang pokus ng gobyerno kasama ng pribadong mga kompanya ang mga proyektong biodiesel sa Gumaca at Mirant Powerplant Extension sa Atimonan. Gayundin ang pagtatayo ng isang dam sa Lopez na posibleng magpalubog sa 100 ektaryang niyugan at makakaapekto sa 30 barangay sa tatlong bayan ng Macalelon, Gen. Luna at Pitogo. Aabot sa 245,940 ektarya o 26 porsiyento ng rehiyong Timog Katagalugan ang may aplikasyon ng pagmimina ng 44 na kompanyang dayuhan at lokal na korporasyon.

Dagdag pa ng Save Bondoc Peninsula Movement, nasa Bondoc Peninsula ang libu-libong ektarya ng lupaing sakahan na tinagurian nilang hacienda belt. Iilang panginoong maylupa lamang ang nagmamay-ari sa mga lupain dito.

Isa sa mga nagmamay-ari ng malawak na lupain sa Bondoc Peninsula ang tiyuhin ni Pangulong Aquino – ang dambuhalang negosyanteng si Eduardo “Danding” Cojuangco Jr.

“Ang malawakang deployment sa Timog Quezon ay mauugat sa pagprotekta ng mga sundalo sa malalawak na lupain sa Bondoc Peninsula. Isa na riyan ang lupain ni Danding Cojuangco sa Mulanay. Pag-aari niya ang 2,000 ektarya ng Southern Luzon Coconut Oil Mill,” ani Marcellana.

Lumalaganap din umano ang palit-tanim; ipinapatupad ni Cojuangco ang proyektong pagtatanim ng cassava at tuba-tuba para sa biodiesel. Laganap ang pagpapaputol ng mga panginoong maylupa sa mga niyugan para bigyang daan ang pagpapalit tanim.

Bukod sa palit-tanim at mga proyektong diumano’y para sa kaunlaran ng mga magsasaka, nananatili namang aliping lupa ang kalakhan ng mga magsasaka. Paliwanag ni Marcellana, nananatili ang di-pantay na hatian ng mga magsasaka at panginoong maylupa. Laganap daw ang hatiang 70-30, 60-40  o 50-50 pabor sa panginoong maylupa. Ngunit ang gastos naman sa produksiyon ay binabalikat ng mga magsasaka.

Ikinuwento rin ni Marcellana na kahit ang bentahan ng kopra ay nananatiling napakababa. Nasa P15 hanggang P20 kada kilo lamang at binabawasan pa ng 15 porsiyentong resikada ng mga negosyante, kahit ipinagbabawal ng Philippine Coconut Authority.  Samantala, ang arawang sahod naman ng mga manggagawang bukid ay aabot lamang sa P150 hanggang P200.

Kaya hindi nakapagtataka na malakas ang kilusang magsasaka sa Timog Quezon at Bondoc Peninsula. Nais kasi nilang makaalpas sa matinding pagsasamantala ng mga panginoong maylupa at ito rin ang dahilan ng matinding militarisasyon sa kanilang mga komunidad.

“Sa halip na tugunan ng gobyerno ang panawagan namin na ipamahagi ang malalawak na lupain, itaas ang presyo ng kopra, alisin ang resikada, at ibalik sa mga magsasaka ang P200 bilyong coconut levy fund—ang ipinadala sa amin ay walong batalyon ng sundalo,” ani Marcellana.

Nangangamba ang mga magsasaka ng Timog Quezon at Bondoc Peninsula na kapag nagpatuloy ang militarisasyon, dadami pa ang bilang ng mga kaso ng pang-aabuso ng mga militar. Laluna na at nasa Quezon na rin si Col. Eduardo Año na nasasangkot sa kasong pagdukot at pagkawala ni Jonas Burgos.

“Hindi kami magtataka kung dadami ang mga paglabag sa karapatang pantao. Pero haharapin namin ang nakakakilabot na katotohanang ito,” sabi naman ni Malabanan.

Para naman kay Marcellana, patunay ito na walang pagkakaiba sina Gloria Macapagal-Arroyo at Pangulong Aquino.