Kapirasong Kritika

Kasalanan ng Mahihirap


Nitong mga nakaraang taon, sa tuwi na lang may kalamidad sa bansa, nagkakaroon ng pyesta ng pagsisi sa mga maralita. Ang mga maralitang lungsod, sinisisi kung bakit naninirahan sa tabi ng estero at mapanganib na lugar. Ang lahat ng maralita, maging sa kanayunan, sinisisi kung bakit ayaw umalis sa kani-kanilang bahay kapag mataas na ang baha at pinipilit ilikas ng mga rescuer. Nitong huli, sinisisi sila sa pagbaha, dahil sila raw ang nagtatapon ng basura na bumabara sa mga daanan ng tubig

Nitong mga nakaraang taon, sa tuwi na lang may kalamidad sa bansa, nagkakaroon ng pyesta ng pagsisi sa mga maralita. Ang mga maralitang lungsod, sinisisi kung bakit naninirahan sa tabi ng estero at mapanganib na lugar. Ang lahat ng maralita, maging sa kanayunan, sinisisi kung bakit ayaw umalis sa kani-kanilang bahay kapag mataas na ang baha at pinipilit ilikas ng mga rescuer. Nitong huli, sinisisi sila sa pagbaha, dahil sila raw ang nagtatapon ng basura na bumabara sa mga daanan ng tubig.

Magandang itanong sa mga may-edad na: Dati na bang ganito? Noon pa ba sinisisi ang maralita sa pinsalang dulot ng mga kalamidad, mga pinsalang sila rin kadalasan ang biktima? Ang isang impresyon, sa pagtindi ng pinsalang dulot ng mga kalamidad, tumitindi rin ang pagsisi sa mahihirap. Kahit ang usong paliwanag na “global warming” at “climate change,” nakakalimutan kapag ibinubunton ang sisi sa kanila. Paanong inabot sa ating lipunan ang ganitong kalupitan sa pagtingin sa maralita?

(1) Isang maituturo ang kawalan ng pag-unawa sa mga maralita at ng pagsisikap na unawain sila – partikular sa pagiging limitado ng pagpipilian nila. Sa mga dominanteng pwersa sa lipunan, kahit iyung umano’y nagbubuo ng pag-uunawaan tulad ng midya at Simbahan, walang nagpapaliwanag nito. Lagi tuloy may sasagot ng “May choice, laging may choice!” kapag sinasabi ito. Para sa iba, kasalanan talaga ng napakarami nating kababayan ang pagtira nila sa mga estero at lugar na peligroso sa baha.

Kung tutuusin, panay na panay ang labas ng maralita sa midya. Masasabi pa ngang may pornograpiya sa karalitaan sa bansa. May mga dokumentaryong detalyado ang kwento tungkol sa lagay nila; sa mga palabas na tulad ng kay Willie Revillame, inuurirat ang mga buhay-buhay nila. Pero sa lahat ng ito, hindi naipapakita kung paanong nalilimitahan ang mga pagpipilian nila – na, sa kongkreto, ay dulot ng mga patakarang ipinapatupad ng gobyerno sa dikta ng mga naghahari-harian sa bansa.

Dahil walang pagtalakay sa mga patakarang pinag-uugatan, nagmumukhang indibidwal, partikular na kwento ang karalitaan, kanya-kanyang swerte at malas. Hindi nauugat ang mga dahilan ng pagdami ng maralitang lungsod, halimbawa. Patakaran ang pagpayag sa pagkamkam ng iilan ng lupa sa kanayunan, kaya walang trabaho doon. Patakaran ang pagwasak sa kalikasan na pinagkukunan ng kabuhayan. Patakaran din ang hindi pagbibigay sa lumikas na maralita ng mura at ligtas na pabahay.

Hindi rin nauugat ang mga patakarang nagdudulot at nagpapatindi sa baha. Patakaran ang pahintulutan ang mga kumpanya ng pagtotroso na kalbuhin ang kabundukan, at ang mga kumpanya ng pagmimina na wasakin ang kalikasan. Patakaran ang payagan ang mga kumpanyang may-ari ng mga dam na magpakawala ng tubig sa oras de peligro. Patakaran ang walang planong kaliwa’t kanang konstruksyon sa mga lungsod. Sa kabila ng lahat ng ito, patakaran ang kawalan ng disaster preparedness.

Nangingilag ang midya sa pagtalakay sa mga patakaran, at kahit anong abstrakto sa pangkalahatan; kwento-kwento ang laging gusto nito. Problematiko ito dahil, ayon nga kay Fredric Jameson, Marxistang intelektwal, sa pandaigdigang sistemang kapitalista, “kung awtentiko ang indibidwal na karanasan, hindi ito pwedeng maging totoo; at kung totoo ang siyentipiko o kognitibong modelo ng naturang nilalaman, humuhulagpos, humihigit ito sa indibidwal na karanasan [“Cognitive Mapping,” 1988].”

(2) Maituturo rin, na kaugnay rin ng nabanggit, ang pagpapatupad sa mga patakarang neoliberal at ang katangian ng kasalukuyang gobyerno ni Noynoy Aquino. Pinalalabas ng dalawang ito ang kawalan ng kapangyarihan at pananagutan ng gobyerno sa mahahalagang usapin sa bansa, lalo na sa ekonomiya. Dahil kailangang may managot para sa pinsala ng mga disaster, sinisisi nila ang madaling ituro – ang mahihirap. Walang duda: napapatatag ang mga patakarang neoliberal at nakikinabang ang gobyernong Aquino kapag mga maralita ang sinisisi sa mga disaster.

Naaprubahan ang mga mayor na patakarang neoliberal sa huling bahagi ng dekada ’80 at buong dekada ’90. Mulat na itinali ng gobyerno ang mga kamay nito para bigyang-laya ang malalaking kapitalista at asyendero na magpalobo ng yaman. Magandang halimbawa ang tinakbo ng talakayan hinggil sa industriya ng langis pagkatapos: Kapag natutuligsa sa pagtaas ng presyo, sasabihin ng gobyerno na wala itong kapangyarihan, ituturo nito ang mga salik na labas sa kontrol nito (tulad ng pandaigdigang pamilihan), at ipapanakot ang umano’y masasamang epekto ng pagkontrol nito.

Ang gobyernong Aquino naman, nahuhumaling sa pagdepensa sa umano’y popularidad nito. Umiiwas ito sa pananagutan at may malakas na makinaryang pampropaganda. Mismong pagsuspinde ng klase, ipinapasa nito sa mga lokal na pamahalaan – na pwede nitong sisihin kapag pumalpak, tulad ng nangyari sa pagguho ng lupa sa Litex, Quezon City. Huwag nang banggitin pa ang paghuhugas-kamay nito sa napakaraming isyu. Ang katiting na aksyon nito, kailangang malakas na maipropaganda at magamit sa eleksyon – tulad ng relief operation kasama ang mga kandidatong senador nito.

Mahalagang idagdag ang obserbasyon ni Wendy Brown, progresibong intelektwal, hinggil sa neoliberalismo: “[B]agamat nakabatay ang neoliberal na pampulitikang rasyunalidad sa isang pag-unawa sa merkado, ang pag-oorganisa nito sa pamamahala at lipunan ay hindi lamang resulta ng pagtagos mula sa pang-ekonomiya patungo sa iba pang larangan, kundi ng lantad na pagpapataw ng partikular na porma ng rasyunalidad ng merkado sa mga larangang ito [“American Nightmare,” 2006].” Hindi umasenso ang mga maralita dahil tamad, hindi kayang makipagtagisan sa merkado.

Ganito ang disaster sa panahon ng neoliberalismo, makailang-ulit na bumibiktima sa mahihirap na Pilipino. Disaster ito sa kabuuang buhay at kabuhayan nila. Ginagawa pa sila nitong mas bulnerable sa mga natural na kalamidad habang pinapatindi rin ang mga naturang kalamidad. Sa mahabang panahon, tinanggalan sila nito ng pagkakataong maunawaan kahit ng mga nasa panggitnang uri. Sa dulo, sila rin ang sinisisi sa pinsalang dulot ng kalamidad na sila rin ang matinding tinatamaan. Masayang-masaya ang mga naghaharing uri: sila pa ngayon ang may ganang manisi!

13 Agosto 2012