‘Nasaan sila, at nasaan ang hustisya?’
Patuloy ang kanilang paghahanap sa mga nawawala at dinukot na mga kaanak. Patuloy pa rin ang paglaban para sa hustisya. Nagmartsa ang mga kaanak ng mga biktima ng sapilitang pagdukot at pagkawala bilang paggunita sa Pandaigdigang Araw ng Desaparecidos, Agosto 30. Kanila pa ring idinadaing ang kawalang hustisya para sa mga kaanak na dinukot at […]
Patuloy ang kanilang paghahanap sa mga nawawala at dinukot na mga kaanak. Patuloy pa rin ang paglaban para sa hustisya.
Nagmartsa ang mga kaanak ng mga biktima ng sapilitang pagdukot at pagkawala bilang paggunita sa Pandaigdigang Araw ng Desaparecidos, Agosto 30. Kanila pa ring idinadaing ang kawalang hustisya para sa mga kaanak na dinukot at patuloy na nawawala, mula pa noong panahon ng batas militar sa ilalim ng diktadurang Marcos hanggang sa panahon ni Gloria Macapagal Arroyo hanggang sa kasalukuyang administrasyon ni Benigno Aquino III.

Hindi umano natigil ang mga pagdukot sa itinuturing na mga kaaway ng estado kahit natapos na ang batas militar. Ayon sa grupong Desaparecidos, umabot sa 11 na ang biktima ng sapilitang pagkawala sa dalawang taon ng administarsyong Aquino.
“Nagpapatuloy hanggang sa kasalukuyan ang praktika ng sapilitang pagdukot,” ani Aya Santos, pangalawang pangkalahatang kalihim ng Desaparecidos.
Patuloy ang paghahanap
Hindi matatawaran ang hinanakit at hinagpis ng mga kaanak ng mga nawawala, magkakahalong emosyon ang nababakas sa kanilang mukha laluna’t bumibilang hindi lamang araw kundi taon ang binibilang nila mahanap lamang ang kanilang mga kaanak.
“Hindi namin alam kung saan namin sila hahanapin, hindi namin alam kung saan kami magtitirik ng kandila kung sila man ay patay na,” ani Marie Hilao-Enriquez, tagapangulo ng Karapatan.
Hindi rin nila naiwasan na ikumpara ang puspusang paghahanap na ipinakita ng gobyerno sa mga labi ni Sek. Jessie Robredo at dalawang pilotong kasama sa pagbagsak ng eroplano kamakailan lamang.
“Nakikiramay kami at natutuwa para kay Atty. Leni Robredo dahil ginawa ng gobyerno ang lahat ng paraan para ma-rescue at makuha si Secretary Robredo. Pero nalulungkot kami dahil hindi kami pinapansin ng gobyerno sa paghahanap sa aming mga mahal sa buhay,” pahayag ni Erlinda Cadapan sa panayam ng Pinoy Weekly.
Dagdag ni Cadapan, taon na ang binibilang ng mga kaanak ng mga biktima ng sapilitang pagkawala ngunit hindi pa rin nila makamit ang hustisya.
Katulad ni Ghay Portajada, pangkalahatang kalihim ng Desaparecidos, na 12-anyos pa lamang siya nang dukutin ng pinaghihinalaang mga militar ang kanyang amang si Armando na presidente ng unyon ng Coca-cola noong 1987.
“Napakahirap mawalan ng tatay. Patuloy pa rin ang paghahanap namin sa kanya at nandito ako naninindigan at nanawagan na itigil na ang ganitong gawain ng gobyerno,” aniya.
Giit ng grupo, tumitindi ang paglabag sa karapatang pantao mula noong panahon ng batas militar at pinakamasahol na porma ang sapilitang pagkawala. Gayundin na pinapalala ng mga kontra-insurhensiyang programa ng bawat administrasyong nagdaan ang pagdami ng bilang ng mga biktima.
Oplan Bayanihan: Modelong Palparan
Sabi pa ng grupo, bahagi umano ng kontra-insurhensiyang Oplan Bayanihan ang pagdukot at sapilitang pagkawala hindi lamang sa mga aktibista at kritiko ng gobyerno. Dagdag pa umano rito ang pagdami ng mga grupong paramilitar na nagpapatindi sa militarisasyon sa kanayunan na bumibiktima sa mga magsasaka.
“Ang pagkakaroon ng mga grupong para-militar na nagsimula noong panahon ng batas militar at dumami noong panahon ni Cory Aquino ay muling naghahasik ng takot sa mga liblib na lugar sa mga probinsiya, sila ang gumagawa ng ‘dirty works‘ para sa Armed Forces of the Philippines,” ani Santos.
Inihalimbawa ng grupo ang kaso ni Jully Devero, isang magsasakang dinukot ng Revolutionary Proletarian Army-Alex Boncayao Brigade (RPA-ABB) noong July 19, 2011. Maliban kay Devero, tatlong magsasaka pa sa Negros ang patuloy na nawawala at pinaghihinalaang dinukot din ng militar at RPA-ABB.
Paliwanag ni Cristina Palabay, pangkalahatang kalihim ng Karapatan, bahagi ang RPA-ABB at iba pang grupong paramilitar sa Social Integration Program sa ilalim ng Oplan Bayanihan ng gobyerno at sa Executive Order 546 ni dating pangulong Arroyo na naglelegalisa sa operasyon ng mga ito at hindi pinawalang-bisa ni Aquino.
“Kinukupkop ni Aquino ang mga grupong ito para gamitin sa mga malalang paglabag tulad ng sapilitang pagkawala. Indikasyon din ito na umiiral pa rin ang batas militar bagamat walang pormal na deklarasyon,” paliwanag ni Palabay.
Bukod sa panawagang ilitaw ang mga bikima at pagbibigay hustisya sa mga ito, nananawagan din ang Karapatan sa kagyat na pagpasa ng panukalang batas na magpaparusa sa mga puwersa ng estado na sangkot sa mga kaso ng sapilitang pagkawala o House Bill 98.
“Lumilitaw na isinasawalang bahala ng administrasyong Aquino ang panukalang ito para sa pagkamit ng katarungan at kompensasyon sa mga biktima ng batas militar. Gayundin ang patuloy na paggala ni Hen. Jovito Palparan, ang berdugo sa likod ng pagdukot at pagkawala nina Sherlyn Cadapan at Karen Empeno,” ani Palabay.