Karapatang Pantao

Bayad-pinsala para sa mga biktima ng batas militar, pasado na


  Pasado na ang pinal na bersiyon ng batas na kikilala at magbibigay ng bayad-pinsala sa mga biktima ng batas militar. Ipininal ng bicameral conference committee ng Senado at Kamara ang Human Rights Victims Reparation and Recognition Act of 2013, na dating Marcos Victims Compensation Bill. “Mahaba-habang laban din ito, matagal namin itong ipinaglaban,” ani […]

 

Dumagsa sa harapan ng senado ang mga biktima ng batas militar, habang ipinipinal ang bersiyon ng  Human Rights Victims Reparation and Recognition Act of 2013 sa bicameral committee hearing ng dalawang kapulungan.  (kontribusyon)
Dumagsa sa harapan ng Senado ang mga biktima ng batas militar habang ipinipinal ang bersiyon ng Human Rights Victims Reparation and Recognition Act of 2013 sa Bicameral Committee hearing ng dalawang Kapulungan. (Kontribusyon)

Pasado na ang pinal na bersiyon ng batas na kikilala at magbibigay ng bayad-pinsala sa mga biktima ng batas militar.

Ipininal ng bicameral conference committee ng Senado at Kamara ang Human Rights Victims Reparation and Recognition Act of 2013, na dating Marcos Victims Compensation Bill.

“Mahaba-habang laban din ito, matagal namin itong ipinaglaban,” ani Marie Hilao-Enriquez, tagapangulo ng Samahan ng Ex-Detainees Laban sa Detensyon at Aresto (Selda). Ayon kay Enriquez, kasama sa pinal na bersiyon ng batas ang posisyon ng kanilang grupo.

Isa sa mga probisyong inilaban ng Selda ang “conclusive presumption” sa ilalim nito, kikilalanin na ang mga biktima ng batas militar bilang tunay na mga biktima ng paglabag sa karapatang pantao.

Kasama na rin dito ang mga 9,539 biktima na kasama sa class suit laban sa pamilyang Marcos na isinampa sa Haawaii noong 1986.

Dagdag pa ni Enriquez na hindi lamang tagumpay para sa mga biktima ang pagpasa sa batas kundi para na rin sa sambayanang Pilipino.

“Higit sa matatanggap na kompensasyon, pormal na itinatala sa isang dokumento na maraming nilabag na karapatan sa mga mamamayan ang batas militar, at may mga taong matatag na lumaban sa diktadura,” aniya.

Inaasahan din ng Selda na maayos at buong maipapatupad ang batas kapag napirmahan na ni Pangulong Aquino.